System.out.println("Hello World!");
Ito ang karaniwang pinakaunang program na matutunan ng isang Java Programmer. Una ko itong natutunan noong ako'y nasa unang taon pa lamang sa Pamantasan ng Ateneo de Manila, at ngayon, habang sinusulat ko ang mga katagang ito, naghihintay ang aming tesis na may pamagat na Audio Based Game for the Visually Impaired on the Xbox 360 Console para sa makabuluhang kilos dahil mula't nagsabog ng basang lagim ang kaibigang si Ondoy, natigil na ang lahat ng kahit na anong pag-iisip tungkol sa mga bulag, isang telebisyon, at isang Xbox 360 at kung ano pang aparatong kailangan matutunang gamitin ng isang bulag.
Mahigit sa isang buwan na lang, pasko na, at sa loob ng dalawa't kalahating buwan, taong dos mil dyis na. Naalala ko pa noong nasa ikaapat na baitang ako na binibilang ko kung ilang taon pa ako kailangang mag-aral. Isa, dalawa, tatlo, apat... labing-isa. Dati, nagmumukmok ako tuwing maiisip ko na napakatagal pa ang kailangan kong gugulin sa pag-aaral, ngunit ngayong sa loob ng apat na buwan ay magtatapos na ako, hindi ko na alam.
Hello World.