Ang sabi ng ilan, mahirap daw na professor itong si Fr. Arcilla. Magaan lang daw ang kanyang workload dahil apat lang ang kanyang requirements para sa buong semestre: tatlong mahabang pagsusulit at isang finals. Bukod sa apat na pagkakataon para patunayan mo ang iyong sarili na hindi ka nararapat makatanggap ng isang malutong na F, daig pa niya ang chair ng English Department kung magcheck ng mga sagot ng kanyang mga estudyante. Dapat daw, ayon sa aking mga nasasagap na balita, naging Literature teacher na lamang siya dahil bukod sa boses niyang kayang magpatulog ng isang insomniac na kakainom lang ng limang tasa ng kapeng barako, masyado raw siyang mabusisi sa mga detalye. Hindi ko naman siya masisisi kung binibigyang pansin niya ang mga detalye, tutal kasaysayan ng Pilipinas at ni Rizal ang kanyang itinuturo. Mababa rin daw siya magbigay ng grade, at hindi rin daw siya mabait at considerate sa pagbibigay nito. Isa ka lamang unknown author ng mga essays na kanyang binabasa kada tatlong linggo o higit pa, at nasa kanya na iyon kung nagustuhan niya ba ang isinulat mo o kung nabisto ka niya sa iyong pambobolang hindi epektibo.
At dahil sa klaseng ito ni Fr. Arcilla, anim na oras na walang tigil ang aking klase tuwing Huwebes. Kawawa naman ako dahil malayo ang CTC sa Bellarmine. Kailangan kong takbuhin ang layong lagpas sa isang kilometro sa loob ng sampung minuto, o mas kaunti pa kung huli kaming palabasin sa naunang klase.
Ito na rin ang dahilan kung bakit hindi ako mapakali ngayong magpapasukan na.
Ayaw ko na kasing maalala ang panghihinayang nadama ko dati.
Ngunit nagpapasalamat na rin ako siguro dahil hindi nawala ang aking scholarship sa Ateneo. Mahihirapan ako sa darating na semestre, ngunit alam kong kakayanin ko dahil bumalik na sa akin ang aking kasiyahan. Yun nga lang, hindi pa rin nawawala ang ilang pangangamba.



