Showing posts with label Ang Something ni Someone. Show all posts
Showing posts with label Ang Something ni Someone. Show all posts

Sunday, March 8, 2009

Ang Last Day ni Kuya Jhun

Isang buwan nang huli ang post na ito. February 8, 2009 natapos ang kontrata ni Kuya Jhun, pero ngayon ko lang magagawan ng post ang tungkol sa kanya.


Kagaya ng nakasanayan ko nang gawin, nagpunta ako sa Gateway matapos ang nag-iisang klase ko tuwing Martes. Hindi na ako kumain ng tanghalian dahil na rin nagtitipid ako. Hindi ako kumain noong araw na iyon para may pang-load ako sa Timezone dahil nga panandaliang nawala ang Student Promo nila dahil malapit na ang Christmas Break. Sayang kasi talaga. Ipakita mo lang ang ID mo kapag magpapa-load ka ng P200.00, at magiging P300.00 ang load mo. Hindi ako gastador na nauubos ko ang load na iyon sa isang araw, ang katotohanan niyan ay ipinagkakasya ko na ang load na ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo. Mahigpit na kung mahigpit ang sinturon ko noon, yun nga lang, sa Timezone.

At dahil sayang na sayang ako na wala na ang promong iyon, tinanong ko sa isang kuya doon kung ibabalik pa ba nila yung Student Promo ng Timezone.

Sir, sa isang taon na po. Isasabay po sa pasukan.

Oo nga naman.

Kinabukasan, sa rason na hindi ko na matandaan, nagpunta ulit ako sa Timezone. Nakasalubong ko si kuya na pinagtanungan ko noong nakalipas na araw, at sa isang hindi inaasahang pagkakataon, tumango siya noong nakita niya ako. Ngumiti na lang ako pabalik. Lumipas ang isang linggo, at nangailangan ko na ulit magpaload dahil P100.00 lang ang pinapa-load ko. Sa mga sandaling iyon, si kuya pala ang nakatoka sa Timezone sa Food Express, at sa kanya ako nagpa-load dahil gusto kong maglaro ng Tekken 6. Pagkatango niya sa akin at pagkangiti ko sa kanya, inabot ko na ang card ko kasama ang pera.

Sir, dagdagan ko kayo ng free game ha.

Natuwa ako dahil yun rin ang ginagawa ni Ate Myles kapag nagpapaload ako sa kanya.

Masayang-masaya akong naglaro ng PercussionFreaks 5th Mix. Pagkatapos noong una kong kanta doon, nilapitan ako ni kuya at inabutan ako ng higit sa limang Free Two Games na coupon.

Sir, eto o, free games pa.

At lalo pa akong naging masaya. Ang babaw kasi ng kaligayahan ko, at masaya ako na mababaw ang kaligayahan ko.

Simula noon, nag-usap na kami ni kuya tungkol sa kung anu-ano. Dahil isang linggo siyang toka sa ibaba, marami ring pagkakataon na nag-usap kami.

Kuya, Rudolf. Iniabot ko ang kamay ko.

Jhun.

Makalipas ng ilang linggo, naging mas personal na ang mga pinag-uusapan namin ni Kuya Jhun. Ikuwento niya sa akin na hindi siya nakapagtapos sa PMI dahil naging tambay raw siya ng bilyaran sa kanila. Dati raw siyang panadero, at naikwento niya sa akin yung dating nag-apply siya sa isang hotel bilang isang pastry chef. Nakakatuwa dahil parang natupad raw ang mga pangarap ni Kuya Jhun dahil kumpletong-kumpleto raw ang mga kagamitan sa hotel na sinubukan niyang pinasukan. Naikwento rin niya sa akin kung gaano kahirap ang trabaho doon sa Timezone lalung-lalo na kapag straight shift sila, ngunit kahit ganoon, gusto niya raw sanang doon na lang manatiling nagtatrabaho sa Timezone. Doon ko nakita na napakabait talaga ni Kuya Jhun, gaya nga nang sabi sa akin ni Ate Myles noong hindi pa tapos ang kontrata niya.

At lumipas pa ang ilang araw, doon ko na nalaman na isang napakarelihiyosong tao ni Kuya Jhun. Naging libangan raw niya rati ang pagbabasa ng Bibliya, at siya pa lang ang alam ko na nakabasa na ng buong Luma at Bagong Tipan. Ang dami niyang itinuro sa akin tungkol sa Diyos. Tinuruan niya ako ulit maniwala sa Panginoon at magpasalamat sa Kanya sa mga biyayang natatanggap ko sa araw-araw.

Dahil kay Kuya Jhun, muli kong naramdaman ang kapayapaang matagal ko nang hindi naramdaman sa pagdadasal ng taimtim at nang buong puso. Natuto ulit akong umasa sa mga magagandang umaga sa pagtatapos nang kahit na isang kalunos-lunos na araw.

Pero isang buwan na ang nakalipas mula natapos ang kontrata ni Kuya Jhun sa Timezone. Sa kasamaang palad, hindi na-extend ang kontrata niya doon at kinailangang magpaalam na. Halos tatlong linggo na rin ang nakalipas noong huli niya akong tinext na naghahanap siya ng trabaho sa may Ayala habang nakasakay sa dyip. Tinanong ko na rin sina Kuya Joel at Kuya Aries kung may balita ba sila kay Kuya Jhun, at sabi rin nila, hindi na siya nagpaparamdam.

Kuya, kung naasan ka man ngayon, maraming salamat. Hindi mo lang alam, pero ikaw ang isa sa mga taong nagpabago ng buhay ko. Mamimiss ko ang mga forwaded messages mo sa aking tuwing umaga. Ingat ka palagi, at sana, i-text mo ako kung kumusta ka na. Lagi kong ipagdadasal ang patuloy na mga biyaya para sa iyo at pamilya mo.

Monday, December 8, 2008

Ang Ubuntu 8.10 sa Laptop ni Rudolf

Noong bata ako, may hilig na talaga ako sa mga computer. Marahil dahil lagi akong nakakulong sa bahay ang isa sa maraming rason kung bakit ako nahilig sa mga ito. Kinagisnan ko na rin sa aming bahay ang monochrome monitor ng aking namayapang Tita Nene. Hindi ko na nga alam kung ano bang tawag sa computer na iyon, pero yun yung computer na iisa lang ang kulay na kayang i-display, at ang kulay na iyon ay ang kulay berde. Yun yung berdeng matingkad; mas matingkad pa sa mga damong nakabilad sa init ng araw sa tanghali. Hindi ko na masyadong maalala kung paano ba iyon gumagana. Basta, ang naaalala ko na lang ay ang Wordstar program nito kung saan nagsusulat ang aking Kuya ng mga istorya niyang bastos na kinabibilangan nina Taguro at Jeremiah, at yung isang larong nalaman namin na naroon pala dahil ipinakita sa amin nung technician isang beses na masira ito. Zaxxon ang tawag doon, at isa kang piloto ng isang fighter jet. Nakakainis lang ang larong iyon dahil tuwing gagamitin mo ang iyong baril, nababawasan ang iyong fuel. Kailangan mong lumipad nang mababa at sumira ng mga lalagyan ng langis para dumami ang iyong fuel. Pero nilaro ko pa rin ito ng nilaro dahil wala naman nang ibang laro sa computer na iyon, at wala rin naman akong makakalaro sa bahay dahil laging wala ang mga magulang at kapatid ko. Ayaw ko namang maglaro sa labas dahil mainit, at ayaw kong pagpawisan. Wala rin naman kasi akong makakalaro sa labas dahil wala akong kababata, lahat sila ay kasing gulang nina Kuya o kaya ni Ate, at hindi naman kadalasang nilalaro ng isang manlalaro lang ang patintero, tumbang preso, agawan base, habulan, at taguan.

Isang Linggo, umuwi kami ng aking pamilya sa Bulacan, tulad nang nakasanayan na naming gawin. Pero may iba sa bisita naming iyon. May Super Famicom na ang pinsan kong si Jerome. Dito na nagsimula ang pagnanasa kong magbakasayon ng matagal na matagal sa bahay ng pinsan ko para lang makapaglaro ng Street Fighter ng buong magdamag. Gusto kong matutunan kung paano gawin ang Flaming Hadouken ni Ryu, Shin Shoryuken ni Ken, at Yoga Flame ni Dhalsim. Ngunit isang pagkakataong natulog ako doon, hindi rin ako nakapaglaro ng buong magdamag dahil wala na akong iniisip kung hindi si Mamie. Mama's boy kasi ako, at dati, hindi ko kayang mawalay sa kanya.

At makalipas ang ilang araw, parang bomba atomikang kumitil sa libu-libong taong pinipigilan ang kanilang utot ang pagsabog ng katagang 'PlayStation'.

Nagkaroon ako ng mga kaibigan sa aming subdivision dahil sa PlayStation. Hindi ko na naramdaman ang paglalaro ng patintero sa mga kalsada dito sa Filinvest. Hindi ko na naramdaman ang matuyuan ng pawis habang kumakain ng kalihim at coke na nakaplastik sa may gate pagkatapos maglaro ng habulan. Hindi na ako nakapaglaro ng taguan doon sa liblib na lugar sa may bakanteng lote apat na kalye mula sa aming bahay. Lagi na lang kaming pumupunta sa bahay nina Pael at Ayo, at doon naglalaro ng kanilang PlayStation. Nagpatayan kami sa Tekken 3, Kill Thrill, at sa Samurai Showdown 3 at 4. Lagi kong ginagamit si Angel dahil meron siyang laser beam na lumalabas sa kanyang noo, ngunit lagi lang akong tinatalo ni Pael gamit si Baek. Si Belladona naman ang gamit ko sa Kill Thrill, ngunit hindi ko alam kung bakit ako ang una nilang pinupugutan ng ulo, binabalian nang lahat ng buto sa katawan, o kaya sinasaksak ng isang milyong beses sa lima at kalahating segundo. Lagi rin akong talunan sa Samurai Showdown dahil wala na akong ibang alam gawin kung hindi ang Icicle Attack ni Rimururu. Kaya noong bumili si Mamie ng bagong computer na may Windows 95, tumigil na ako sa pagpunta kina Pael. Lagi naman kasi akong natatalo doon, at nagsasawa na ako sa mga hinahanda nilang miryenda dahil parang yun at yun lang din. Pero masarap ang spaghetti nilang may dahon ng laurel, miski na nagtae ako pagkatapos kong kumain nito. Pinagtitripan na rin kasi ako nina Kimi at ni Chino e.

Sa unang pagbukas ko ng aming bagong computer na iyon, naramdaman ko sa aking sarili na ayaw ko nang pumunta kina Pael para lang maglaro ng PlayStation nila. Kuntento na ako sa TriviaMaze ng Encarta, at masaya na rin akong panoorin ang Kuya ko na maglaro ng Diablo.

Lumipas ang mahigit sa isang dekada, ngunit ganoon pa rin ang nangyayari. Nag-iba na ang mga pangalan: Windows XP Professional na ang dating Windows 95 at PlayStation 2 na ang dating PlayStation lang. Ngunit ganoon pa rin ako, sa aking palagay. Dahil sa kanila, naging ganito ako. Pero ninais ko na rin siguro ang mga nangyari kaya ito ako ngayon, sinusubukan ang bagong operating system na ininstall ko sa aking laptop. Siguro, kung nakapaglaro ako ng patintero sa ilalim ng katirikan ng araw; siguro, kung nangati ako matapos maglaro ng taguan sa matalahib na bakanteng lote; siguro, kung hindi ko kinulong ang sarili ko sa bahay noong bata ako, hindi ako magiging isang nerdoks na wala nang ginawa kung hindi kumain, matulog, umutot, tumae, at magbasa nang magbasa ng code ng isang program.

Pero masaya na ako sa kinalalagyan ng buhay ko ngayon. Kahit papaano, masasabi ko sa sarili ko na kuntento na ako sa daang tinatahak ko ngayon.




Ayos naman pala ang Ubuntu.

Thursday, November 27, 2008

Ang Last Day ni Ate Myles

Matapos ang isang nakakapagod na araw sa school, kumain kami ng aking mga kaibigan sa Jollibee. Nakagawian na naming gawin ito matapos ang mga Martes at Huwebes na nakakalusaw dahil dirediretso ang aming mga klase. Kinakailangan pa naming tumakbo ng halos isa't kalahating kilometro sa pagitan ng aming mga klase dahil kung hindi, mahuhuli kami. Matapos ang isang araw na kung saan kinainisan namin ang layo ng CTC sa Bellarmine, nagpunta ako sa Gateway upang magsayang ng oras. Nakakatuwang isipin ngayon na kahit na gahul na gahol na ako sa oras dati, nagagawa ko pa ring magpunta sa Timezone para magliwaliw. Nagagawa ko pa ring maglaro ng Percussion Freaks at DrumMania miski na may deadline ako kinabukasan.

Tulad ng lahat ng bisita ko sa Gateway, lagi muna akong nagpupunta sa Timezone sa ibaba dahil kaunti lang ang tao doon. Doon, nakita ko ang isang staff ng Timezone na kinukulit ng isang batang paslit.

Ate, ate, swipe mo ako doon! Bilis!

Nakakatuwang panoorin ang batang iyon habang kinukulit ang babaeng staff. Ang kulitan nila ay nauwi rin sa pag-swipe ni Ate ng kanyang Staff Powercard sa ipinipilit noong batang maliit.

Naku bata ka, mawawalan ako ng trabaho sa iyo eh! Napahagikgik si Ate.

Matapos puntahan ang mga nagpaload, napadaan si Ate sa harap ko.

Kapatid mo? Sabay turo sa batang naglalaro ng skateboard.

Ay naku, hindi ano! Napapalo si Ate sa aking braso sa tawa.

Doon nagsimula ang aming pagkakaibigan ni Ate Myles. Simula noon, hindi ko pinalampas ang kahit na isang punta ko sa Gateway nang hindi ko siya nakakausap. Kung anu-ano ang pinag-usapan namin ni Ate Myles. Mula sa batang iyon na lagi siyang kinukulit, yung crush niyang nanakawan ng limang libo dahil aanga-anga, trabaho niya, pati na rin sa buhay pag-ibig ko. Siya kasi eh. Nakita niyang medyo malungkot ako, at miski itinanggi ko, hindi siya natinag sa kanyang nakita. Sinabi ko kay Ate Myles dahil nakita na rin naman niya, at medyo nalulungkot talaga ako noong mga panahong iyon.

Ay, talaga? Ganun ka?

Nakakatuwang kausap si Ate Myles. Lagi kasi siyang nakangiti miski alam mong pagod na siya sa trabaho niya maghapon. Tuwing kakausapin ko siya, hindi mawawala sa kanyang mukha ang ngiti. Tuwing may aasikasuhin siyang customer, para bagang lagi siyang puno ng sigla at saya. Tuwing pupunta ako sa Timezone sa Gateway, hinahanap ko palagi ang isang maliit na babaeng laging nakatali ang buhok na halos hanggang baywang, malalim ang mata, matinis ang boses, at laging nakangiti o tumatawa.

Yan si Ate Myles.

Nakalulungkot na hindi ako nakapagpaalam ng mabuti sa kanya kahapon. Nagkagulu-gulo kasi ang hindi ko ba alam kung ano. Nagkabulutong siya kaya nawala siya sa Gateway ng halos isang linggo. Noong Martes, nakita ko siya sa harap ng counter, nakatayo, at nakangiti.

Ang tagal mong nawala! Anong nangyari sa iyo? Bulutong!

Ikaw ha, nakikitsismis ka na rin!

Napatawa kami ng husto. Nalaman kong may bulutong si Ate Myles kay Kuya Jhun, at dahil isang linggo na rin siyang wala.

Dahil sasandaling panahon ko na lang makikita si Ate Myles, nagpunta akong Timezone kahapon, miski na hindi talaga ako pumupuntang Timezone tuwing Miyerkules. Sabi ni Ate Myles sa akin, last day na raw niya ngayong Huwebes, at opening shift pa siya. Nagkuwentuhan din kami tungkol sa kanyang bulutong at sa kagustuhan niyang bigyan ako nito, sa bulutong ko noong bata pa ako, kung saan siya nakatira, hanggang sa mga weekender at ang pagtatrabaho sa Timezone.

Kaya kanina, nagmadali akong pumunta ng Timezone dahil last day na ni Ate Myles. Pagdating ko doon, hindi ko siya nakita.

Kuya, andyan pa ba si Ate Myles? O nag-out na?

Ano sir, kahapon pa po siya natigil.

Ha?! Akala ko ngayon ang last day niya?

Hindi ko alam kung anong nangyari. Nalungkot ako dahil nangako ako kay Ate Myles na hahabulin kong makarating sa Timezone kanina bago mag-6:30ng. Nalungkot ako dahil hindi ako nakapagpaalam sa kanya ng maayos.

Nagpaikut-ikot ako sa Timezone habang iniisip kung ano nang nangyari kay Ate Myles. Hindi ko na alam kung saan siya magtatrabaho. Ni hindi ko na alam kung magkikita pa kami ulit kahit kailan. Napatitig ako sa dumidilim na kalangitan sa labas. Nakiusap ako sa langit na iyon na sana, ipadala kay Ate Myles ang aking pasasalamat dahil talagang naging masaya ako sa Timezone tuwing nakakausap ko siya. Paglingon ko, nakita ko si Kuya Jhun, nakatayo. Tumango siya sa akin noong nakita niya ako. Ngumiti ako, at nilapitan siya.

Kuya, kahapon pala ang last day ni Ate Myles...

Ha? Kahapon ba? Off kasi ni Kuya kahapon, sa aking pagkakaalam.

Nagmadali nga ako ngayon kasi ang sabi niya, ngayon daw ang last day niya eh.

Umalis sandali si Kuya dahil may kailangan siyang gawin. Bumalik naman siya agad.

Akala ko sa katapusan pa?

Yun din ang akala ko e. Pero kahapon daw ang last day niya, sabi ni Kuya doon.


Hay. Naman talaga.

Ate Myles, mamimiss kita. Ingat ka lagi ha. At kung saan ka man magtatrabaho, sana hindi mabago ang ugali mong nakakapagpagaan ng loob. Miski na hindi tayo naging talagang magkalapit na magkaibigan, isa ka sa mga taong hinding-hindi ko malilimutan kahit kailan. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na nagpakilala ako sayo at nakipagkamay. Hindi ko malilimutan ang sabay nating pagsigaw ng Aaaaaaaa! noong tayo ay nagkakilala sa pangalan.

Ingat ka lagi.

Thursday, August 21, 2008

Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel

When I woke up yesterday morning, it was raining. The rain poured as if there was no tomorrow. Fighting all the strong urges not to go to school, I readied myself to leave. I stepped outside and looked at the weather. The sky was a deep gray, but somehow, the sun was peeping through the curtain of impending showers. As it drizzled mildly outside, I quickly wore a pair of jeans and shoes, opened my umbrella, and left as soon as possible to take advantage of the slightly nice weather. But things turned bad as soon as I hopped off the tricycle.

The gentle drizzle which broke the sunlight into a wonderful splash of colors suddenly turned into a violent maelstrom that ripped the rays of the sun into nothingness. My puny umbrella was no match against the strong and cold winds that battered the street. I tightly embraced my bag and protected my laptop which was deep within my bag. The rains slightly hampered its attack which left me wet from my belt below.

I decided to turn back, and change. I was in no condition to go to school that wet.

Things raced across my mind as I was heading back home. I told myself I should have had just worn slippers and shorts instead of shoes and jeans. But my back tingled in a negative way whenever I thought of the floodwater which carried whatever things I don't want to mention, or even think about. I have always worn shoes because of that compulsive reason. And in jeans, my legs were kept warm inside my air-conditioned classrooms.

I got home, at ako ay sinalubong ni Ate Rosie, ang aming plantsadora.

Grabe! Biglang bumuhos yung ulan!

Dapat kasi hindi ka na lang pumasok eh! Haha

Nagmamadali akong pumasok sa aming bahay at sumugod sa aking silid. Inalis ko agad ang aking basang pantalon at sapatos at inilagay ang mga ito sa likod ng prigider. Hinanap ko ang shorts kong matagal ko nang hindi nagagamit, at ang tsinelas kong Reva na binili namin kay Kuya Rodel dati.

Kumusta na kaya si Kuya Rodel ngayon? Kumusta na kaya yung asawa niyang may bara sa puso? Hindi ko rin kasi alam kung natulungan nga ba ni Mamie sina Kuya Rodel, eh.

Nagmadali ulit akong umalis ng bahay. Tinangay ko ang isa naming payong dahil walang silbi ang aking payong sa hagupit ng ulan at hangin. Naramdaman ng aking mga paa ang lamig ng tubig -baha, at nabasa ang aking mga binti sa lakas ng buhos ng ulan.

At sa isang hindi kanais-nais na sitwasyon, natubog ang aking paa sa putik.

Sa totoo lang, nandiri ako.

Buti na lang, may malakas na agos ng tubig-baha na kung saan hinugasan ko ang aking putikang paa at puri.

Pero nandiri pa rin ako.

Noong bumaba ako sa Central at tumawid sa tulay, muli na namang nadumihan ang aking mga paa. Diring-diri ako pero wala akong magawa dahil huling-huli na ako sa aking klase. Doon, nakita ko si nanay na hindi makatawid dahil baha. Nilalagpasan lang siya ng mga taong nakakasalubong niya.

Nanay.

Inabot ko ang aking kamay. Malugod na inabot din ito ni nanay at naramdaman ko sa kanyang palad ang malaking pasasalamat.

Ay naku, maraming salamat!

Tinulungan kong tumulay si nanay sa mga batong inihagis niya sa bahang lagpas bukong-bukong.

Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi ako nandiri sa tubig-bahang hindi ko alam kung saang lupalop ng mundo nanggaling at kung ano ang nilalaman.

Napakaganda ng aking pakiramdam na natulungan ko si nanay na makatawid sa may Central. Dahil ako'y nakatsinelas, nagawa ko siyang matulungan, hindi katulad ng ibang mga nakasapatos at nakapantalon. Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel, naramdaman kong muli kung gaano kadiri ang putik sa pa at ang tuyong tubig-baha sa mga binti. Naramdaman kong muli kung gaano nakakailang ang pakiramdam ng may dumi sa talampakan, at ang pakiramdam na matalamsikan ng maitim na putik sa binti.

Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel, naranasan ko ang isang uwang ng buhay ng mga taong nakatira sa laylayan ng lipunan. Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel, naranasan kong muli kung gaano kasaya mamuhay habang nilalasap ang mga mumunting bagay na lagi na lang hindi binibigyan ng pansin.

Natuto muli akong umapak sa lupa, at makita ang mga dapat makita.

---

Nagkatinginan tayo
Ngumiti ka
Nabuo ang araw ko.

Thursday, June 5, 2008

Ang Thursday Schedule Kong 9 Hanggang 3

Hay nako. Hindi ako natutuwa sa AISIS o ng Regcom o ng kung ano o sino pa mang may pananagutan sa pagpapatupad ng random numbers dahil bingyan ako ng numerong halos nasa dulo na ng aking school. At dahil dito, wala nang magagandang klase na natira noong mga panahong oras na ng aking enlistment. Lahat ng easy A professors sa Philisophy 101 at History 165 ay wala na. Wala na rin ang mga challenging, but very worth it because you will learn a lot professors. Ang natira na lamang sa enlistment page ay ang mga professors na tila may ketong, at nagkasakit ng bulutong tubig at german measles ng sabay dahil iniiwasan ng lahat ng mga estudyante. Ang mga natira na lamang na mga professor ay yung mga tinatawag nilag terror, kung ano man ang ibig sabihin niyan para sa kanila. Ganoon na lamang ang kanilang not recommended status dahil sa halos dalawampung klase para sa Hi165, ang natira na lamang ay ang kay Fr. Arcilla. Kapansin-pansin na lagpas sisenta pa ang slots available sa dalawang klase niya.

Ang sabi ng ilan, mahirap daw na professor itong si Fr. Arcilla. Magaan lang daw ang kanyang workload dahil apat lang ang kanyang requirements para sa buong semestre: tatlong mahabang pagsusulit at isang finals. Bukod sa apat na pagkakataon para patunayan mo ang iyong sarili na hindi ka nararapat makatanggap ng isang malutong na F, daig pa niya ang chair ng English Department kung magcheck ng mga sagot ng kanyang mga estudyante. Dapat daw, ayon sa aking mga nasasagap na balita, naging Literature teacher na lamang siya dahil bukod sa boses niyang kayang magpatulog ng isang insomniac na kakainom lang ng limang tasa ng kapeng barako, masyado raw siyang mabusisi sa mga detalye. Hindi ko naman siya masisisi kung binibigyang pansin niya ang mga detalye, tutal kasaysayan ng Pilipinas at ni Rizal ang kanyang itinuturo. Mababa rin daw siya magbigay ng grade, at hindi rin daw siya mabait at considerate sa pagbibigay nito. Isa ka lamang unknown author ng mga essays na kanyang binabasa kada tatlong linggo o higit pa, at nasa kanya na iyon kung nagustuhan niya ba ang isinulat mo o kung nabisto ka niya sa iyong pambobolang hindi epektibo.

At dahil sa klaseng ito ni Fr. Arcilla, anim na oras na walang tigil ang aking klase tuwing Huwebes. Kawawa naman ako dahil malayo ang CTC sa Bellarmine. Kailangan kong takbuhin ang layong lagpas sa isang kilometro sa loob ng sampung minuto, o mas kaunti pa kung huli kaming palabasin sa naunang klase.

Ito na rin ang dahilan kung bakit hindi ako mapakali ngayong magpapasukan na.

Ayaw ko na kasing maalala ang panghihinayang nadama ko dati.

Ngunit nagpapasalamat na rin ako siguro dahil hindi nawala ang aking scholarship sa Ateneo. Mahihirapan ako sa darating na semestre, ngunit alam kong kakayanin ko dahil bumalik na sa akin ang aking kasiyahan. Yun nga lang, hindi pa rin nawawala ang ilang pangangamba.

Thursday, May 29, 2008

Ang Salamin ni Miss Zambrano

Aaminin kong isa siyang malaki at punyetang bitch in a small package noong first day ng second year high school. Pero nakakagulat isipin na itong punyetang bitch na ito pala ang isa sa mga magiging favorite teacher ko sa buong apat na taon ko sa Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila (na walang kwenta ang sistema at curriculum, buti na lang at iniba na ito).

Bakit naman ngayon lang makalipas ng mahigit apat na taon ako nagbibigay tribute para kay Ma'am Zambie? Nanonood kasi ako ng How Do They Do It? sa Discovery kanina, at bigla kong naalala yung salamin na hiniram ko kay Diane Inday. Ganoon kasi ang style ng salamin ni Miss Zambrano. O 'di ba, napakarandom ko?

Biology teacher ko si Miss Zambrano nung high school pa ako. Siya ang nagturo sa amin kung para saan ba ang electron transport chain, ang pagkakaiba ng mitosis at meiosis, ang human body at ang iba't ibang systems at organs na nabibilang dito at kung ano ba ang kaukulang function nito sa body, ang codons, genes, at ang base pairing system na kung saan guanine pairs with cytosine at adenine pairs with thymine (si G-CAT yung imaginary base pairing pusa ko), at yung iba pang mga bagay na pinag-aaralan ng isang second year sa Ateneo High School. Hindi ko makakalimutan yung different flavored writing materials niya sa greenboard (blackboard na green): meron daw chocolate, vanilla, bubblegum, strawberry, mango/lemon/pineapple, at grapes. Ang ganda kasi ng mga notes ni Miss Zambrano, eh. Lagi tuloy ako inspired na gandahan din ang notes ko sa Biology, para na rin maibenta ko ito sa mga classmates kong tamad kumopya ng notes na daig pa si Helen of Troy dahil her notes could launch a million ships. Siyempre, exaggerated na ito.

Naaalala ko rin ang mga long test ko na laging ako ang pinakamataas. Kung tama ang pagkakaalala ko, sa siyam na long test namin sa Biology, tatlo kada term, walo dun ako yung pinakamataas. Pinakamababa ko yatang nakuha sa isang long test ni Miss Zambrano ay 45/50, at ang pinakamataas ko ay 49/50. Lagi ring nagbibigay ng chocolate si Miss Zambrano sa tatlong pinakamatataas sa kanyang mga long test. kaya lagi akong may nakukuhang Three Musketeers o Milky Way. Naaalala ko rin yung trichoderma harzianum dun sa in-vitro lab experiment namin dati at yung handwritten lab report na kasama nito. Kinawawa rin namin ang isang heart ng baboy para sa aming lesson tungkol sa circulatory system. Naaalala ko pa na ang left at right sides ng heart ay matatagpuan sa right at left sides ng katawan, respectively. Naroon din ang tricuspid at bicuspid valves, ang aorta, at ang superior and inferior vena cavas (or cavae).

Sa totoo lang, naging favorite subject ko ang Biology dahil kay Miss Zambrano. Ang galing niya kasi magturo. Ako naman, laging nag-aaral at ginagalingan sa mga prese
ntations at mga quizzes niya dahil magaling siya magturo. Naging interesting para sa akin ang Biology dahil bukod sa pinag-aralan namin ang penis and glans, scrotum, testicles, vagina, uterus, ovaries, at ang fallopian tubes, interesting din kasi iyang si Miss Zambrano. There is something in her na miski man isa siyang malaki at punyetang bitch in an ironically small package, rerespetuhin mo siya at igagalang in such a way na malalapitan mo siya ng hindi natatakot at mababati at makakausap mo siya kapag nagkasalubong kayo sa may lobby ng MST.

Pero ngayon, hindi ko na alam kung nasaan si Miss Zam
brano. Wala na akong balita sa kanya mula third year high school. Ang alam ko contact ko siya sa Friendster, pero tatlong taon ko na yata hindi ginagalaw ang account ko na iyon. Pero ayos lang naman, dahil tuwing nakikita ko at isinusuot ang salamin ni Diane Inday, naaalala ko yung moments na kung saan hangang hanga ako kay Miss Zambrano.

Hindi yan bola, ah. As if naman may magagawa pa ang pambobola ngayong third year college na ako.


Wednesday, May 28, 2008

Ang Blog ni Sir Yol

Matapos maunahan ng dalawang beses ng Beijing ang Constantinople sa pagtatayo ng Pyramids at dalawang besesat ng dalawang magkaibang city ng Arabia ang Adrianople at Heraclea sa Sun Tzu's Art of War, naisipan kong bumisita sa mga blog ng aking mga kilala. Tutal, medyo matagal na rin akong hindi nakakapag-blog hopping dahil na rin nga sa sudden deluge ng requirements kasabay ng pagtatapos ng summer sem.

Una kong tiningnan ang pictures nung overnight sa may Rizal dahil dumating si Tim mula sa States. Hindi ako nakasama nun dahil may reunion ang brothers and sisters ni Dadee sa kanilang brother/sisterhood noong mga panahong 28 pa ang waistline ni Dadee (41 yata ang current waistline ni Dadee). Medyo hassle dahil ang ganda pala nung lugar, ayon sa nakita kong mga pictures nina Matti at Punch. Binisita ko rin ang blog nina Jay, Kuya Ted, Kuya Neil, at ni Kuya Joms. Kung saang lupalop ng Earth na pala nakarating itong si Jay, kaya pala biglang naputol ang aking source of fwded msgs.

Unti-unting naibsan ang aking nadamang pagkainis sa 507 na score ng Arabia at 463 lang ang score ng Byzantines. Karaniwan naman kasi, lagi ako ang nangunguna sa score sa Civilization III: Conquests. Upang lalong mawala ang pagkainis ko sa pagmumukha ni Abu Bakr tuwing binabantaan niya akong giyerahin miski na nasa kabilang panig ng continent ang kanyang bansa, naglaro ako ng Chrono Cross, nagtrap ng ilang Iceberg elements mula kay Giant Gloop, at pinagpatuloy ang pagmamasid sa mga buhay ng tao na ibinabahagi nila sa kanilang mga isinusulat.

At ayun nga. Napadpad ako sa blog ni Sir Yol.

Grabe. Idol ko talaga si Sir Yol sa pagsusulat. Hanga ako sa kanyang creativity at sa kanyang mga ideas.

Kung maaari, dumalaw ka rin sa kanyang blog, ha.

akosiyol. ikaw?

Ako? Ako si Rudolf.

Idol ka talaga Sir Yol. Napatawa niya ako sa kanyang blog post habang naiinis sa China dahil sa kakapalan ng mukha ni Mao dahil ginyera niya ako for no apparent reason. Humahagikgik akong parang sira-ulong high sa rugby at katol habang binabasa ang kanyang post, pero iniwan ako nitong nag-iisip, kahit papaano.

Thursday, April 24, 2008

Ang "Zweihander" sa Likod Ko

Hay nako. Eto na naman yung mga silences sa aking blog dahil hindi ko maayos yung dapat kong maramdaman.

Nung Tuesday, birthday ni Ate. She turned [age withheld due to threats of physical injuries]. Matagal ko na rin pinangarap magpahenna. Kaya ayun, nagpahenna ako nung birthday ni Ate. Gift ko yun sa kanya (well yun yung sinabi ko, pero nagluto ako ng cookies na nasunog ko na naman the day after).

Pinuntahan ko na nung Monday yung maliit na stall sa may Farmers at tinanong kung P150 pa rin ba yung rate nila sa pagpapalagay ng henna. Napadpad ako sa Cubao on a Monday kasi bumili ako ng ingredients para sa cookies sa Rustans sa may Gateway na kung saan muntik ko nang malimutan yung refined sugar at nalaman ko rin na margarine pala ang ginagamit ko at hindi butter, pero ayos lang naman kasi yun yung sabi ni Ate Tin, pinsan kong magaling magbake. Oo daw, pero wala daw dun yung nangtatattoo kasi kumain lang daw saglit. Sinabi ko na babalik na lang ako kinabukasan. So pagkauwi, naghanap ako ng Old English na font, kaso lahat ng nakita ko, puro may bayad. So ang ginawa ko na lang, naghanap ako ng image nung font at inedit na lang yun. Nung birthday ni Ate, bumalik ako sa maliit na stall na iyon at nagpahenna. Nakakangawit pala. Nakakangawit daw talaga yun sabi ni Kuya Joey, kasi raw sa likod ko pinalagay at Old English pa. Sabi niya, 1-2 weeks daw magtatagal yung henna ko, pero medyo nalusaw na siya pagdating ko sa bahay kasi nagpawis ako. Siguro, hindi pa siya entirely tuyo nung umalis ako. At dapat pala maitim na shirt ang isusuot mo kapag magpapahenna. Well anyway, ayos lang naman sa akin kasi at least, nagawa ko na yung matagal ko nang gusto. Nakapagpahenna na rin ako sa wakas. Actually nga, sa birthday ko, gusto ko nang ipatattoo yung ipinahenna ko eh. Makakapagdonate ka pa pala ng dugo miski na nagpatattoo ka na. Isang taon lang naman daw, makakapagdonate ka na ng dugo kung kinakailangan. Well, hindi naman rare ang blood type ko anyway.

Grabe. Napakaweird pala ng feeling na tinititigan ka
ng mga tao dahil nagpapahenna ka. Open stall kasi yung pinuntahan ko, at may maliit na kurtina lang sa harap. Nagkataon kasi na may kinokopya yung isang artist nung stall nila sa labas, so ang daming nanonood. So ang dami ring nakasilip ng aking untouched body na natouch na dahil nagpahenna ako kay Kuya Joey.

At sabi naman ni idol Jacob na tolerable naman yung pain na associated sa pagpapatattoo. Yun nga lang, kailangan pag-isipan mabuti yung design at kailangan maghanap ng astig na artist. Exact words yan ni idol. Kailangan kong maghanap nung may license para siguradong safe na safe from sicknesses.

Hay. Sana lang pumayag ang aking very conservative parents about this matter. Sa likod ko naman ipapalagay eh, so hindi siya makikita.



Saturday, March 22, 2008

Ang Rosary sa Bulsa ng Aking Bag

Noong kami'y paalis na para magpunta sa kapilya ng aming subdivision noong Huwebes Santo, naghanap si Mamie ng rosaryo. Dahil nga kami ay Bibisita Ingglesia, hinanap niya ang mga rosaryo niyang gamit na gamit at pudpud na pudpod. Ngunit sa isang hindi maipaliwanag na dahilan, hindi makita ni mamie ang kanyang mga rosaryo. Hindi niya mahanap ang lumang rosaryo ni nanay na galing pa sa Italy, ang rosaryong ginagamit niya tuwing papanata siya sa Baclaran, at yung isa pa niyang rosaryo na parang singsing. Sa akin siya naghanap ng rosaryo. Hindi ko alam kung bakit sa akin siya naghanap ng rosaryo. Siguro dahil ako ang unang pumasok sa kanilang kuwarto nung hinahanap niya ang mga rosaryo niya. Pumasok ako sa kuwarto nila hindi para tulungan si Mamie na hanapin ang kaniyang mga rosaryo, kung hindi dahil naiihi ako at makikigamit ako ng banyo nila dahil tamad akong maglinis ng sarili kong banyo.

Napaisip tuloy ako kung mayroon pa nga ba akong rosaryong naitatabi. Simula noong namatay si Nanay, nagdadasal na lamang ako ng rosaryo tuwing dadadalawin kami ni Mama Mary of the Block Rosary.

Bigla kong naalala na may rosaryo ako sa isa sa mga bag ko. Hindi ko na matandaan kung sino ang nagbigay sa akin noon, pero alam kong mayroon pa akong rosaryong itinatago. Hinalughog ko ang aking bag na bigay pa sa akin ni Tita Dako, ang bag kong hindi pa nalalabahan simula noong una ko itong ginamit noong ako'y nasa huling taon ng Mataas na Paaralan ng Ateneo. At ayun nga, nadama ko ang krus ng rosaryo ko sa isang maliit na bulsa sa loob ng isa pang bulsa sa may harapan ng aking bag.

Ibinigay ko kay Mamie ang rosaryo kong higit pa sa isang taon nang hindi nakaaaninag ng liwanag sa isang bulsa ng aking bag. Nagtaka ako dahil sa tinagal-tagal na pamamalagi nito sa madilim na bulsa ng aking madumi at mabahong bag, tila bago pa rin ito.

Hindi katulad ng aking paniniwala kay Kristo na naagnas na sa tinagal-tagal na panahon kong namalagi sa isang madilim na sulok ng aking buhay.

Friday, February 8, 2008

Ang Pagkabigo sa Isang Kaibigan

Meron akong isang kaibigan na binigo na naman ako.

Lagi na lang niya itong ginagawa sa akin. Sa mga panahong kailangan na kailangan ko siya, hindi niya ginawa ang ipinangako niyang gagawin niya para sa akin. Paulit-ulit na lang niya akong binibigo at iniiwan sa mundo ng aking mga panaginip na kung saan lahat ay tama at lahat ay ayon sa mga kagustuhan ko. Siguro, ginagawa niya ito dahil alam niyang gusto ko nang sumaya, at masaya naman ako sa mga panaginip ko. Pero hindi ako lubusang masaya dahil mga panaginip lamang iyon at isa pa, sa aking paggising, wala nang lahat ang kasiyahan na iyon.

Ngunit kahit na ganito ang nangyayari, pinapatawad ko siya dahil importante siya para sa akin. Hindi ko nga alam ang mangyayari kung siya ay mawawala at mawawalay sa akin ng matagal. Lagi ko kasi siyang kasama dati, ngunit ngayon, hindi na masyado. Ngunit kahit ganito, maaasahan niya pa rin ako kung kailangan niya ng balikat para iyakan o 'di naman kaya'y mga kamay para mahawakan niya at mga braso upang mayakap siya kung siya ay malungkot. Ganoon talaga ako sa isang kaibigan, lalo na sa isang kaibigang lagi akong sinasamahan kung saan man ako tutungo.

Kahit na muli na naman niya akong binigo, importante pa rin siya sa akin. Kahit na paulit-ulit niya akong biguin, importante at kailangan ko pa rin siya. Kahit na ganito man ang mangyari, paulit-ulit pa rin akong aasa sa kanya dahil siya lang ang alam kong maaasahan ko, miski na paulit-ulit niya akong pinalulungkot. Hindi alintana ang lahat ng ito dahil importante siya para sa akin.

Siya si V3x.

Importante pa rin para sa akn si V3x, miski na hindi na naman niya ako ginising kaninang umaga. Hindi na naman siya nag-alarm miski na inenable ko ang Ohayou~ Rokuji! Kailangan kong dumating ng maaga sa Ateneo dahil ngayon ang Sci10 presentation. Kung tumunog man ang Optic Line kaninang 5:30 ng umaga, patawad. Kasalanan kong hindi ako nagising. Buti na lang talaga at wala si Doc P (ayon kay Perry na sinabing kabado raw ako sa aming presentation) at hindi namin dinanas ang kaniyang mga kapangyarihang those days na parang Moon Crystal Power Make-up! ni Sailormoon sa Sailoormoon Superstars o kung saan mang Sailormoon iyon.

Ngunit lagi kong naiisip kung importante ba talaga ako kay V3x dahil kung oo, dapat hindi niya ako pinalulungkot hindi ba? Kung oo, dapat tinatanong niya kung ayos lang naman ako hindi ba?

Hindi ba? Kaya nga importante dahil mahalaga. Ang labo naman.

Hindi ba? Hindi ba?

Friday, January 18, 2008

Ang Prescription ni Madame Kiki-Am

Dahil sa mga recent events na nangyari kanina, muntik nang sumabog ang damdamin ko. Muntik na talaga, lalo na nung oras na [inalis para hindi ka-bother-bother] ako ni [inalis para hindi ka-bother-bother sa taong baka ma-bother]. Bigla na lang akong nirefer ng aking sarili kay Madame Kiki-Am, ang resident psychiatrist daw ng aking inner self. "Madame" raw ang itawag sa kanya para daw thothyal. Nagmadali akong nagpunta sa banyo sa ikalawang palapag ng Faura para mag-set ng appointment.

Pagpasok ko, binati ako ng isang lalaking suot ang isang asul na polo. Akala ko, siya yung receptionist, yun pala, siya yung janitor.

Sinabi ng aking sarili sa aking sarili na sa Cubicle Number 2 daw ang klinika ni Madame Kiki-Am. Kumatok ako at pumasok, at bigla-bigla na lang isinampal sa akin ni Madame Kiki-Am ang prescription na ito:



Putangna! Hindi ko maintindihan! Nung ipapatranslate ko sana kay Madame Kiki-Am ang kanyang cryptic message, wala na siya sa aking harapan. Ni hindi ko nga yata nakita ang kanyang itsura eh, at hindi ko rin natanong sa kanya kung mahilig ba siya sa fish nuggets.

Lumabas ako sa kanyang mapanghing tanggapan na nagkakamot ng ulo. Hindi ko kasi talaga maintindihan yung nakasulat sa papel na iyon. Ni hindi ko nga sure kung papel nga ba yun o tissue paper eh.

Ngunit habang ako ay natutulog nung aming lab sa physics, napanaginipan ko ang Rosetta Stone sa punyemas na prescription na iyon. Hindi ko nadecode and lahat ng nakasulat, ngunit at least naman ay nakuha ko ang mahahalagang detalye:




ANG PRESCRIPTION NI MADAME KIKI-AM

DIAGNOSIS: Kulang sa childhood. Umiyak dahil lang sa saranggola, eh hindi naman siya si Pepe.

INDICATIONS: Nadepress at inisolate ang sarili kas[hindi na nadecode ang iba]

PRESCRIPTION: Drink lots of water, think happy thoughts, pagtawanan muli ang NSTP book [hindi na nadeciper ang Kiki-Amic Code]

NOTE: Kung mangyari ulit sa iyo ang mga bagay na ito, malamang hindi mo na kakayanin. *heart*

*LAGDA NI MADAME KIKI-AM*




Ngunit naalala ko na parang may minorse code siya sa akin nung sinampal niya ako. Kung tama ang pagkakaintindi ko sa morse code na itinapik niya sa mukha ko nung isinampal niya sa akin ang ftw na resetang ito, hindi pa raw ako handa. Masyado raw akong nasaktan, at kailangan ko pa raw ng panahon upang maging handa. Masyado raw akong nawili sa pagiging malungkot at mag-isa. Nasanay na raw ako. Natatakot daw akong masaktan muli kaya raw ako nananatili sa isang "hurt" state. Huwaw, biruin mong natapik niya lahat iyan under 0.324235 seconds!

Bakit ba kasi ang pangit magsulat ng mga doktor eh!