Showing posts with label Sa Isang Sinag ng Araw. Show all posts
Showing posts with label Sa Isang Sinag ng Araw. Show all posts

Thursday, November 19, 2009

Hello World

System.out.println("Hello World!");

Ito ang karaniwang pinakaunang program na matutunan ng isang Java Programmer. Una ko itong natutunan noong ako'y nasa unang taon pa lamang sa Pamantasan ng Ateneo de Manila, at ngayon, habang sinusulat ko ang mga katagang ito, naghihintay ang aming tesis na may pamagat na Audio Based Game for the Visually Impaired on the Xbox 360 Console para sa makabuluhang kilos dahil mula't nagsabog ng basang lagim ang kaibigang si Ondoy, natigil na ang lahat ng kahit na anong pag-iisip tungkol sa mga bulag, isang telebisyon, at isang Xbox 360 at kung ano pang aparatong kailangan matutunang gamitin ng isang bulag.

Mahigit sa isang buwan na lang, pasko na, at sa loob ng dalawa't kalahating buwan, taong dos mil dyis na. Naalala ko pa noong nasa ikaapat na baitang ako na binibilang ko kung ilang taon pa ako kailangang mag-aral. Isa, dalawa, tatlo, apat... labing-isa. Dati, nagmumukmok ako tuwing maiisip ko na napakatagal pa ang kailangan kong gugulin sa pag-aaral, ngunit ngayong sa loob ng apat na buwan ay magtatapos na ako, hindi ko na alam.

Hello World.

Tuesday, August 25, 2009

Masaya?

Paminsan, hindi mo na alam kung magagawa mo bang sabihing masaya ka miski na napapalibutan ka ng mga kaibigan mong hindi. Tatanungin ka nila kung kumusta ka, at sasabihin mong masaya ka na. Kadalasan, sasabihin nilang

you deserve it. i'm so happy for you

o kaya nama'y

i'm happy for your happiness.

Pero alam mong hindi sila masaya dahil may mga bagay na bumabagabag sa kanila. Hindi ko alam kung tama bang maging masaya kahit na ang mga kaibigan mo ay hindi. Parang mali kasing isipin na nasa itaas ako't tumitingin pababa sa kanila. Hindi ko alam, baka mamaya'y pinalalaki ko lang itong nararamdaman ko. Simula nang maging kami, bigla kong nakita ang nakakalungkot na sitwasyon ng aking mga kaibigan. Marahil nagkataon lamang na ganito, o kaya nama'y sila'y matagal nang ganito at hindi ko lang ito "nakikita" dahil pareho lang kami ng lenteng tinitingnan sa buhay. Pare-pareho lang kaming malungkot, at masyado kaming makasarili't patuloy na itinutubog ang aming mga sarili sa putikang iyon. Masyado lang sigurong mataas ang pagtingin at paghanga ko sa mga kaibigan ko dahil sa mukha ng matinding kalungkutan, nagagawa pa nilang magpasaya at gumuhit ng mga ngiti sa mga mukha ng ibang tao.

Kung sakit na pwedeng mahawa lang sana ang kasiyahan, para naman sa wakas, ako naman ang makapagsabi nang you deserve it, I'm so happy for you.

Sunday, June 14, 2009

Huling First Day ng First Sem

Hay grabe. Senior na po ako. Huling dalawang semestre ko na po ito sa Pamantasan ng Ateneo de Manila. Ngunit tinatamad po akong pumasok bukas. Bitin na bitin po kasi ang aking bakasyon dahil kakatapos lang ng aking OJT. Sobrang hindi pa ako handa talaga pumasok bukas. Gusto ko nang mag-ayos ng gamit para bukas, pero ayaw ng katawan ko. Napakabigat ng pakiramdam ko talaga ngayon. Iniisip ko, ito ba ang nararamdaman ng isang presong bibitayin na sa loob ng labindalawang oras?

Ang labo, pero ngayong malapit na ako magtapos, ngayon ko pa nararanasan ang mga first day high na katulad nito. Hindi lang talaga ako mapalagay, grabe. Parang gusto kong iikot nang iikot ang tumbong ko sa kinauupuan ko ngayon, pero miski iyon, tinatamad akong gawin. Parang hindi kasi talaga sapat ang tatlong araw na pahinga, e. O baka naman sapat na ito, kaya lang tila kulang ito dahil isa akong malaking batugan? Ah naku naman talaga. Gusto kong matulog nang matulog nang matulog nang matulog. Ang sarap kasi sa batugang pakiramdam ang magigising ka sabay babanatan mo ng isa na namang five-minutes-pero-nagiging-five-hours na tulog.

Hindi lang talaga ako mapakali kasi huling first day ng first sem ko na ito. Grabe, parang kailan lang, unang first day ng first sem ko tapos ngayon, huli na. Ang bilis ano?

Friday, April 3, 2009

IV BS Computer Science

Ayan na ang nakalagay sa aking AISIS account.

Nakakagulat. Parang kahapon lang ang unang araw ng Viaje, ang Freshmen Orientation Seminar ko mga tatlong taon na ang nakalilipas. Naalala ko pa ang pakiramdam ng pawisan kong damit na kulay berde; ang amoy ng pawis na may kasamang pagod, saya, at pananabik; ang pakiramdam ng init ng araw habang iniisip kung anong klaseng mga tao ang aking mga makakasama sa loob ng apat na taon; at ang magkasamang takot at pangungulila sa isang lugar na pamilyar ang tao at ang pakiramdam.

Pero sadyang napakabilis talaga ng panahon. Hindi mo namamalayan ang paglipas ng tatlong taon. Malalaman mo lang na tapos na ito kapag tapos na nga talaga ito. Hindi mo maramdaman ang isang uri ng pananatili sa isang punto ng oras. Hindi mo maramdaman ang oras na umaagos sa iyong mga palad, na parang tubig na umaagos sa isang taimtim na ilog. Hindi mo ito kayang ipunin gamit ang iyong mga palad. Lagi lang itong dadaloy sa isang walang katapusang paraan na kung saan ang magagawa mo na lamang ay panoorin at pakinggan ito. Hindi ko lang talaga lubusang maintindihan kung bakit mabilis ang oras sa mga panahong masaya ka, ngunit tila tumitigil ito sa isang nakakapagod na pag-usad kapag tila madilim ang panahong umiikot sa iyong pagkatao.

Tatlong taon na ang nakalipas noong kulay berde pa ang bahagi ng aking ID na kung saan nakasulat ang 062486.

Dalawang taon na ang lumipas noong pula ang bahaging iyon ng aking ID.

Noong isang taon, kulay langit ito,

at sa pasukan, asul na ito - simbolo ng pagtatapos; at sana simbolo ng aking matagumpay na pakikipaglaban sa isa sa mga biyaya ng buhay bilang isang Atenista, anak, kapatid, at kaibigan.

Saturday, March 7, 2009

Endangered Specie(s?) Protection Program

Paminsan talaga, hindi mo inaasahan ang mga nangyayari sa buhay mo. Akala mo, wala ka nang kinabukasan, yun pala, may isang napakaliwanag na bukas ang naghihintay sa iyo. Hindi mo lang ito makita dahil nilulunod mo ang iyong sarili sa mga luha mong dulot ng kawalan na ng pag-asa. Hindi naman kita masisisi kung sadyang mapagbiro ang takbo ng panahon para sa iyo. Totoo naman kasing napakaraming mga pangyayari ang hindi mo inaasahan na hiniling mo na sana nagkaroon ka ng isang uri ng kapangyarihang mabago ang mga ito. Nakalulungkot lang kasing isipin na kailangan mo pang umiyak at magluksa para lamang makita mo ang ngiti ng bukas at mawaksi sa kalungkutan. Pero nananatili pa rin sa pinakamalalim na bahagi ng iyong pagkatao ang kawalan ng pag-asa sa umaga't sa gabi dahil nababagabag ka na sa paglipas ng panahon, babagsak ka na naman sa isang balon na kung saan hindi mo makita ang liwanag sa bibig nito.

Kailangan lang talaga maniwala sa sarili.

At kailangan rin magdasal sa Diyos hindi para bigyan tayo ng lakas, ngunit para bigyan tayo ng oportunidad na maipakita ang kaya nating gawin.

Lord, salamat talaga sa araw (kahapon) na ito.

Sunday, January 25, 2009

Dream > Income?

Kinse bago mag alas-nuwebe ang pinag-usapang oras na magkikita-kita sa Cathouse. Dahil kinse pasado ng alas-otso na, dali-dali siyang isinuot ang kanyang pinaka disenteng polo shirt. Nagkandarapa siya sa pamimili kung ang itim ba o ang kulay-kaki niyang katad na sapatos ang kanyang isusuot. Unang beses niya kasing pupunta sa Ortigas upang kumuha ng isang eksamen para sa kanyang on the job training sa Abril. Sa gulo ng kanyang isip at dahil wala ang kanyang nanay dahil pinaihi niya ang kanilang aso, nauwi na lang siya sa isang sapatos na hindi niya masyadong sinusuot dahil lagi niyang nayayapakan ang kanyang pantalon tuwing iyon ang sapatos niyang suot. Paspasan niyang kinuha ang kanyang kakaunting ipon sa kanyang alkansyang dati'y lalagyan ng brief, at humaharurot na bumulusok palabas ng bahay. Pinalad naman siya dahil sa kanyang paglabas, nakasakay agad siya ng traysikel na ihahatid siya sa lugar kung saan sila magkikita ng kanyang sasabayang kaibigan. Habang unakabilad sa araw at unti-unting bumabakat ang pawis sa kanyang polong madaling mabasa ng pawis, inisip niya kung aabot ba sila sa eksamen nilang nakatakda sa ikasampu ng umaga. Kinakabahan, pinagpapawisan, at tinitingnan kung bumabakat na ba ang kanyang pawis sa kanyang polo, dumating na ang sasakyan ng kanyang kaklase. Binati niya ang nanay ng kanyang kaibigan, at sinuklian siya ng mga katagang

Rudolf, nag-mature ang itsura mo.

Dahil masyado siyang abala sa pag-iintindi sa polo niyang binabakatan na ng kanyang pawis, hindi na niya ito nabigyan ng kaukulang pansin. Mabilis nilang binaybay ang kahabaan ng Commonwealth. Mukhang magiging ayos na ang lahat. Hindi sila mahuhuli dahil sa tulin ng kanilang pagpasada sa Commonwealth. Ngunit dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari na lagi namang nangyayari, nahuli sila ng dating sa lugar na pinagkasunduan. Dumating sila doon ng kinse pasado alas-nuwebe, at nagsimula na naman siyang kabahan dahil hindi rin nila masyadong kabisado ang Ortigas, isang mundong ibang-iba sa mundong ginalawan at ginagalawan nila. Ngunit makalipas ang ilang sandali, nagkita-kita na rin sila sa wakas. Ang pagsasama sama na ito ay ang simula ng isang masaya at magulong biyahe mula Katipunan Avenue tungong Exchange Road.

Naging isang bitukang pasikut-sikot ang mga kalye ng Ortigas para sa kanilang mga mata. Ngunit kahit papaano, nakita't natunton nila ang Philippine Stock Exchange Center noong sumapit ang pito makalipas ang ika-sampu ng umaga.

Namangha sila sa laki ng gusaling iyon.

Matapos nilang magulantang at panandaliang mawala sa dami ng elevator ng West Tower, dali-dali silang nagpunta sa ika-dalawangpu't walong palapag hindi para tumalon palabas ng bintana, kung hindi para kunin na ang kanilang eksamen.

Kasama si Flora, umakyat sila ng isa pang palapag at pinaupo isang kwarto na tila pang-eksamen talaga. Kinuwento niya kay Flora na medyo nahirapan silang matunton ang lugar dahil unang beses pa lang nila magawi sa parte ng Ortigas na iyon. Tinanong kasi ni Flora kaya niya sinabi.

Matapos ang pagpapakilala, ipinaliwanag ni Flora gamit ang kanyang napakahinang boses ang ginagawa nila sa Azeus. IT solutions ang pakakarinig niya, at sa totoo lang, tila hindi siya interesado dahil manghang-mangha pa siya kung gaano ka-office ang feel ng loob ng kwarto kung saan sila ikukulong.

...and there will be an allowance of P450.00 a day.

Napaiktad ang karamihan sa kanila, ngunit miski naikubli ang kanilang nararamdaman, nawindang silang lahat. Hindi nila makontrol ang paglaki ng butas ng kanilang ilong tuwing hihinga sila. Nanlaki ang kanilang mga mata sa mga katagang iyon.

Ngunit napaisip siya noong sinabi ang mga katagang "four hundred fifty a day". Ngunit biglang nawala ito sa kanyang isipan dahil may sinasabi pala si Flora. Mas narinig pa niya ang kaluskos ng mga paa ng ipis kaysa sa boses ni Flora.

The test consists of ten items. The passing is seven, and the test will be for an hour. I will be monitoring you from downstairs and will get your papers after an hour.

Good luck!

Naging madali ang unang dalawang tanong, ngunit hanggang doon na lang iyon. Ngunit kahit na alam niyang malabong siya'y makapasok sa Azeus bilang isang intern, ginalingan pa rin niya dahil maaari siyang kumita ng malaki kung papalarin siyang makapagtrabaho doon.

...

Okay, please finalize your answers.

...

Pass your papers forward along with the copy of your transcript.

Pinasa niya ang kanyang papel na puno ng duda sa kanyang sarili. Bahala na, sabi niya sa sarili niya. Tutal, nasa kabilang gusali lang naman ang Chikka, at doon naman talaga niya gustong pumasok.

Habang naglalakad papuntang Megamall dahil pare-pareho nang kumakalam ang kanilang mga sikmura, napatigil siya ng sandali. Sinubukan niyang alalahanin ang tunog ng boses ni Flora noong inusal niya ang mga salitang mangangahulugan nang mahigit sa P17,000.00 para sa tatlong daang oras na kailangan nilang bunuin. May kakaibang pakiramdam ang namayani sa kanyang loob. Hindi pa niya ito nararamdaman kahit kailan. Tumingin siya sa langit na nagbabadya ng ulan, at tinanong ang sarili kung ano ang nangyari sa kanya.

Ano nang nangyari sa kanyang mga pangarap? O kung anong mga bagay lang iyon na ibinabalot niya bilang ang kanyang mga pangarap?

Eh, ano ba naman, may isang taon pa tayo ano!

Pumasok sila sa loob ng Megamall at sinalubong ng malamig na simoy ng aircon. Ibang-iba sa init na namamayagpag sa konkretong mukha ng Ortigas, ngunit hindi nalalayo sa lugar kung saan niya gustong mamalagi tuwing gulung-gulo ang kanyang utak at uhaw na uhaw ang kanyang pinakaloob para sa isang katahimikang sa isang lugar lang niya natagpuan.

Friday, January 23, 2009

Dream > Income

Hindi ko lang talaga alam kung bakit.

Nagsimula ang napakalakas kong pagnanasa na magtrabaho sa Timezone bilang isang mas mataas pa sa Customer Service Assistant noong malaman ko kay Ate Myles na natapos na ang kontrata ni Kuya Ryan sa Timezone sa may Gateway. Simula noon, hindi na naalis sa aking utak ang asul na uniporme ng mga tauhan sa Timezone. Tumatak na sa aking isipan ang mga dingding ng lugar na iyon. Tuwing hihinto ang panahon sa sarili kong mundo, biglang aandar sa aking mga ala-ala ang mga oras na kung saan napapalibutan ako ng mga hiyaw na nagmumula sa dose-dosenang arcade machine na ibinabaon ang aking mga problema sa isang panandaliang panibugho ng katotohanan at buhay. Bigla ko na lang masasalat ang aking Powercard sa kaliwang bulsa ng aking maong na kupas, at magsisimula ang tila isang hindi totoong pagsulong papunta sa maliit na piraso ng katahimikan.

Hindi ko na talaga alam kung bakit.

Ngayon, sa bugso ng mga malalaking kompanya na inaakit akong maging intern sa ilalim ng kanilang malahiganteng mga anino, nagsisimula nang mawangis ang dating napakatatag na determinasyon kong magtrabaho sa Timezone. Unti unti nang nagiging isang malaking katanungan ang aking kagustuhang magtrabaho sa lugar na puno ng ingay at saya. Isa-isang napundi ang napakaraming ilaw na pinanatiling maliwanag ang pangarap kong ito


hanggang ngayon.

Rudolf (1/23/2009 12:46:46 AM): eh kasi
Rudolf (1/23/2009 12:46:55 AM): napapaisip ako kung may career ba talaga ako sa timezone
Rudolf (1/23/2009 12:49:20 AM): kasi alam mo yun?
Rudolf (1/23/2009 12:49:31 AM): parang yung mga inaaplyan ko for ojt parang ang big time talaga
Rudolf (1/23/2009 12:49:40 AM): tapos kagaya nga ng sabi ni kuya joel sa akin
Rudolf (1/23/2009 12:50:00 AM): parang sa small time lang ako magtatrabaho?
Rudolf (1/23/2009 12:50:03 AM): i mean
Rudolf (1/23/2009 12:50:21 AM): gusto ko talagang magtrabaho doon
Rudolf (1/23/2009 12:50:33 AM): pero parang for how long?
Meki (1/23/2009 12:50:36 AM): dream > income
Meki (1/23/2009 12:50:42 AM): well para sa kin
Rudolf (1/23/2009 12:50:45 AM): yeah ako rin naman eh
Meki (1/23/2009 12:50:47 AM): hahaaha
Rudolf (1/23/2009 12:51:00 AM): ewan ko
Rudolf (1/23/2009 12:51:09 AM): may isang taon pa naman ako para pag-isipan lol

Pero sa totoo lang, gusto ko pa ring magtrabaho doon. Kahit tutol si Mamie, kahit hindi na ako kilalanin ni Dadee

sa ngayon, gusto ko pa ring magtrabaho doon.





Hindi naman masamang managinip ng gising, hindi ba?

Tuesday, January 20, 2009

Katahimikan

Noong Lunes sa aking Ph102 class, tandang-tanda ko ang mga katagang ito ni G. Mariano miski na mapungay na ang aking mga mata sa antok:



"Bakit tila ang mga Filipino, takot sa katahimikan? Kailangan parati na lang maingay."



Totoo nga bang takot tayo sa katahimikan kaya tayo masasabing isang maingay na bansa? O sadyang maingay lang talaga tayong mga Filipino?

Hindi ko alam. Ang daming bumabagabag sa aking isipan ngayon. Mga resume na kailangan pagandahin para makakuha ng maayos na practicum sa April; mga project na kailangan ipasa; mga bagay tungkol sa aking kinabukasan na hindi ko alam kung bakit ngayon pa lang, naiisip ko na; mga pagsusulit na lagi na lang inuurong ang petsa sa aming ikinadidismaya; mga kung anu-anong mga damdaming ayaw ko nang sabihin; at pag-aalala dahil sa loob ng isang buwan, matatapos na ang kontrata nina Kuya Jhun at Kuya Joel sa Gateway.

Pero kahit papaano, unti-unti akong nakahahakbang paharap dahil sa isang sandigang ngayo'y aking sinasandalan. Ito ang asul na rosaryo sa aking bulsa. Ngunit ang tunay na anyo ng aking inaasahan,


sa katahimikan ko lamang nakikita't nararamdaman.

Friday, January 9, 2009

Gusto Ko Maging

"Ang gusto ko maging trabaho ko sana in the future eh isang supervisor ng isang branch ng Timezone."

(simangot)

"Nyek! Nakasimangot. Bakit naman?"

"Ayan ang hirap kapag laki ka sa ginhawa eh. Hindi aggressive. Tutal ako, laki sa hirap, kaya talagang naging agresibo ako."

"Eh Ma, kung hindi ka naman masaya sa work mo, hindi ka rin naman magiging successful 'di ba?"

"Anak, hindi lahat ng gusto mo pwedeng masunod. At kung hindi ka naman magso-survive sa mundo, eh ano pa ang trabaho mo miski na masaya ka?"

(titig sa labas ng bintana kung saan maraming tao galing sa bawat yapak ng lipunan ang naglalakad)

("Pero gusto ko talagang magtrabaho sa Timezone. Hindi ko alam kung bakit, pero tuwing nasa ano mang branch ako ng Timezone, maayos na maayos ang pakiramdam ko. Eh ano naman kung maliit ang sweldo? Sasaya ba ako kung limpak-limpak ang pera ko't lumalangoy ako sa pera dahil sa yaman ko? Ayaw kong yumaman, Ma. Gusto ko lang maging masaya dahil sa totoo lang, hindi na ako masaya.")

("Hindi talaga.")

"Let's go?"

(tango habang nakatitig pa rin sa labas)

Tuesday, December 23, 2008

Kung Wala Kayo...?

Paano kaya kung:

Walang mga basurero na nangongolekta ng mga basura nating nandidiri tayong hawakan? Ano kayang mangyayari sa atin? Kasi paminsan, pati sa kanila, nandidiri na tayo. Samantalang napakaimportante ng trabaho nila para sa ating sari-sariling buhay.

Walang mga cashier at bagger sa mga supermarket? Kaya kaya nating magcancel ng isang item na naswipe natin ng dalawang beses? Magagawa kaya nating mailagay sa plastic bag ang mga pinamili natin ng maayos at hindi tatapon? Kasi naman, kaunting pagkakamali lang nila, katakut-takot na pagtataray na ang inaabot nila. Taimtim naman nilang tinatanggap ang pagpuputakti ng mga masasakit na salita.

Walang mga janitor sa school? Masisikmura kaya nating linisin ang kubentang nanlilimahid sa ihi at kung ano pa man? Magagawa kaya nating pumasok sa isang banyong nakakahilo na ang baho? Kasi naman, kadalasan, iniirapan lang natin sila.

Walang driver ng mga jeep at bus, at mga kunduktor? Paano kaya tayo papasok sa pamantasan o kaya sa trabaho? Kakayanin kaya nating maglakad? Hindi naman kasi lahat sila, mga barumbado't bastos, pero kadalasan, lahat sila'y natatrato bilang mga bastardong wala nang alam gawin kung hindi magtaas ng singil ng pamasahe at magreklamo tuwing bababa ang minimum o may magbabayad ng student.

Wala na ang mga kasambahay natin sa bahay? Kaya kaya nating maglaba, maglinis, mamalantsa, magluto, at gumising nang maaga? Wala, kadalasan sila'y nababale-wala lang dahil sila'y "katulong" lang naman. Sino ba sila sa buhay natin?

Nakasalamuha ko na sila. Nakinig sa kuwento nila sa buhay. Pinakinggan ko kung gaano na sila nahihirapan sa buhay, pero kahit gipit, nagagawa pa rin nilang tumawa at maging masaya.

At yun ang mahalaga.


Kina Ate Lulay at Ate Rosie, ang aming labandera at plantsadora. Ang galing at ang bilis nilang maglaba at mamalantsa.

Sa mga Kuya ng Halrey, ang nangongolekta ng basura sa aming subdivision. Hindi niyo lang alam, hindi lang basta-basta ang inyong trabaho.

Kay Kuya Ronnie, ang aming jeep driver noong may Tulong Dunong pa kami sa High School. Ang bait ni Kuya Ronnie tuwing maaabutan ko siya sa biyahe.

Kina Ate Aileen, Ate Brenda, Ate Emer, Kuya Tonton, at Kuya Tyrone, ang mga dakilang cashier, bagger, at merchandiser sa Robinsons Supermarket Marikina kung saan ako'y nagtrabaho nang tatlong Sabado. Ang babait nila at hindi nila ako pinabayaang mabagot habang kasama ko sila. Salamat sa mga pabaon niyong kuwento, at sana'y masayang-masaya kayo ngayong pasko dahil iyon lang ang nararapat para sa inyo.

Kina Ate Mhel, Ate Sarah, Ate Myles, Kuya Macky, Kuya Wil, Kuya Son, Kuya Loyd, Kuya Rey,
Kuya Abel, Kuya Joel, at Kuya Jhun, mga staff at mga supervisor sa Timezone sa Gateway. Salamat sa inyong lahat kasi pinananatili niyong Timezone ang Timezone sa Gateway, ang aking takbuhan para makatakas ng sandali sa buhay. Kayang kaya nila ang magkasunod na shift at maging masiyahin pa rin kapag nakakausap ko sila.


Maligayang pasko sa inyong lahat.

Thursday, December 11, 2008

Kaligayahan

Oo. Lahat naman tayo gusto itong makamit. Lahat tayo, gusto maging masaya. Pero iba-iba ang gusto nating mangyari sa ating mga buhay para masabi nating tayo ay "masaya".

Maraming iba't ibang klaseng kaligahayan sa mundo. Malalim, mababaw, seryoso, palabiro, sa iyo, sa akin, at pwede ring sa ating lahat.

At kung kaya lang natin sanang makita ang mga dapat nating makita at maramdaman ang mga dapat nating maramdaman, lahat tayo ay magiging masaya. Nananatili ang problema dahil masyadong ambisyoso ang tao. Masyadong makasarili. Masyado niyang binubulag ang kanyang sarili sa mga pansariling pangako na sa katotohanan, mga delusyong tiyak na papatirin siya upang madapa sa matigas at malamig na sahig ng pagkabigo. Lahat ng bagay na gusto niya, gusto na niyang makuha agad. Hindi niya kayang intindihin kung bakit lagi na lang siyang bigo sa kanyang walang katapusang paghabol sa kaligayahang kayang balutin ang kanyang buong pagkatao na parang isang malambot na kumot sa isang napakalamig na gabi ng Disyembre. Ang kanyang mismong pagnanasa sa kaligayahan ang siyang sumisira sa kanyang dating matatag at matibay na loob. Dahil sa kanyang desperasyong makita ang liwanag sa gitna ng sukdulang kadiliman, pilit niyang ibinubuka ang kanyang mga mata hanggang sa siya'y lumuha na ng dugo; ang tanging bagay na pinapanatili siyang buhay, humihinga, at umaasa.

Hindi ba niya alam na dapat hindi hinahabol ang mga mumunting paru-paro? Na hindi ito dadapo sa kanya hangga't hindi siya maupo sa payapang kapatagan, ipikit ang mga matang pagod na sa kakaiyak, at pakinggan ang pagtibok ng kanyang puso?

Hindi ba niya alam na sa gitna ng absolutong dilim, makikita niya ang isang sinag ng liwanag ng walang kahirap-hirap? Na hindi na niya kinakailangang lumuha ng dugo para lamang mabasag ang kalungkutang bumabalot sa kanyang kadiliman?

Pilit niyang inaabot ang tagpuan ng langit at lupa, kung saan lumulubog ang araw. Hindi ba niya alam na kailanman, hindi niya ito maabot?

Pilit niyang hinihintay ang bukas na dumating. Hindi ba niya alam na kailanman, hindi ito darating?

Ayaw niya kasing makita kung nasaan siya. Ayaw niyang intindihin na ang bukas, kailanman, hindi magiging ngayon.


Ang tao nga naman.

Hindi marunong maghintay.

Ngunit hindi natin sila masisisi, dahil nakakapagod ang maghintay. Alam kong alam mo na iyon.




Pagod na ako, ngunit kahit papaano, masaya ako.

Sana ikaw rin.

Monday, December 8, 2008

Ang Ubuntu 8.10 sa Laptop ni Rudolf

Noong bata ako, may hilig na talaga ako sa mga computer. Marahil dahil lagi akong nakakulong sa bahay ang isa sa maraming rason kung bakit ako nahilig sa mga ito. Kinagisnan ko na rin sa aming bahay ang monochrome monitor ng aking namayapang Tita Nene. Hindi ko na nga alam kung ano bang tawag sa computer na iyon, pero yun yung computer na iisa lang ang kulay na kayang i-display, at ang kulay na iyon ay ang kulay berde. Yun yung berdeng matingkad; mas matingkad pa sa mga damong nakabilad sa init ng araw sa tanghali. Hindi ko na masyadong maalala kung paano ba iyon gumagana. Basta, ang naaalala ko na lang ay ang Wordstar program nito kung saan nagsusulat ang aking Kuya ng mga istorya niyang bastos na kinabibilangan nina Taguro at Jeremiah, at yung isang larong nalaman namin na naroon pala dahil ipinakita sa amin nung technician isang beses na masira ito. Zaxxon ang tawag doon, at isa kang piloto ng isang fighter jet. Nakakainis lang ang larong iyon dahil tuwing gagamitin mo ang iyong baril, nababawasan ang iyong fuel. Kailangan mong lumipad nang mababa at sumira ng mga lalagyan ng langis para dumami ang iyong fuel. Pero nilaro ko pa rin ito ng nilaro dahil wala naman nang ibang laro sa computer na iyon, at wala rin naman akong makakalaro sa bahay dahil laging wala ang mga magulang at kapatid ko. Ayaw ko namang maglaro sa labas dahil mainit, at ayaw kong pagpawisan. Wala rin naman kasi akong makakalaro sa labas dahil wala akong kababata, lahat sila ay kasing gulang nina Kuya o kaya ni Ate, at hindi naman kadalasang nilalaro ng isang manlalaro lang ang patintero, tumbang preso, agawan base, habulan, at taguan.

Isang Linggo, umuwi kami ng aking pamilya sa Bulacan, tulad nang nakasanayan na naming gawin. Pero may iba sa bisita naming iyon. May Super Famicom na ang pinsan kong si Jerome. Dito na nagsimula ang pagnanasa kong magbakasayon ng matagal na matagal sa bahay ng pinsan ko para lang makapaglaro ng Street Fighter ng buong magdamag. Gusto kong matutunan kung paano gawin ang Flaming Hadouken ni Ryu, Shin Shoryuken ni Ken, at Yoga Flame ni Dhalsim. Ngunit isang pagkakataong natulog ako doon, hindi rin ako nakapaglaro ng buong magdamag dahil wala na akong iniisip kung hindi si Mamie. Mama's boy kasi ako, at dati, hindi ko kayang mawalay sa kanya.

At makalipas ang ilang araw, parang bomba atomikang kumitil sa libu-libong taong pinipigilan ang kanilang utot ang pagsabog ng katagang 'PlayStation'.

Nagkaroon ako ng mga kaibigan sa aming subdivision dahil sa PlayStation. Hindi ko na naramdaman ang paglalaro ng patintero sa mga kalsada dito sa Filinvest. Hindi ko na naramdaman ang matuyuan ng pawis habang kumakain ng kalihim at coke na nakaplastik sa may gate pagkatapos maglaro ng habulan. Hindi na ako nakapaglaro ng taguan doon sa liblib na lugar sa may bakanteng lote apat na kalye mula sa aming bahay. Lagi na lang kaming pumupunta sa bahay nina Pael at Ayo, at doon naglalaro ng kanilang PlayStation. Nagpatayan kami sa Tekken 3, Kill Thrill, at sa Samurai Showdown 3 at 4. Lagi kong ginagamit si Angel dahil meron siyang laser beam na lumalabas sa kanyang noo, ngunit lagi lang akong tinatalo ni Pael gamit si Baek. Si Belladona naman ang gamit ko sa Kill Thrill, ngunit hindi ko alam kung bakit ako ang una nilang pinupugutan ng ulo, binabalian nang lahat ng buto sa katawan, o kaya sinasaksak ng isang milyong beses sa lima at kalahating segundo. Lagi rin akong talunan sa Samurai Showdown dahil wala na akong ibang alam gawin kung hindi ang Icicle Attack ni Rimururu. Kaya noong bumili si Mamie ng bagong computer na may Windows 95, tumigil na ako sa pagpunta kina Pael. Lagi naman kasi akong natatalo doon, at nagsasawa na ako sa mga hinahanda nilang miryenda dahil parang yun at yun lang din. Pero masarap ang spaghetti nilang may dahon ng laurel, miski na nagtae ako pagkatapos kong kumain nito. Pinagtitripan na rin kasi ako nina Kimi at ni Chino e.

Sa unang pagbukas ko ng aming bagong computer na iyon, naramdaman ko sa aking sarili na ayaw ko nang pumunta kina Pael para lang maglaro ng PlayStation nila. Kuntento na ako sa TriviaMaze ng Encarta, at masaya na rin akong panoorin ang Kuya ko na maglaro ng Diablo.

Lumipas ang mahigit sa isang dekada, ngunit ganoon pa rin ang nangyayari. Nag-iba na ang mga pangalan: Windows XP Professional na ang dating Windows 95 at PlayStation 2 na ang dating PlayStation lang. Ngunit ganoon pa rin ako, sa aking palagay. Dahil sa kanila, naging ganito ako. Pero ninais ko na rin siguro ang mga nangyari kaya ito ako ngayon, sinusubukan ang bagong operating system na ininstall ko sa aking laptop. Siguro, kung nakapaglaro ako ng patintero sa ilalim ng katirikan ng araw; siguro, kung nangati ako matapos maglaro ng taguan sa matalahib na bakanteng lote; siguro, kung hindi ko kinulong ang sarili ko sa bahay noong bata ako, hindi ako magiging isang nerdoks na wala nang ginawa kung hindi kumain, matulog, umutot, tumae, at magbasa nang magbasa ng code ng isang program.

Pero masaya na ako sa kinalalagyan ng buhay ko ngayon. Kahit papaano, masasabi ko sa sarili ko na kuntento na ako sa daang tinatahak ko ngayon.




Ayos naman pala ang Ubuntu.

Sunday, December 7, 2008

Ang Pagiging Bagger sa Lane One (Express Lane)

Noong natapos ang duty namin sa Robinsons noong nakaraang Sabado, sinabi ko sa sarili ko na sana, maging bagger ako sa susunod na Sabado. Bukod sa nakakapagod, nakakahilo at nakakainis din ang maghanap ng mga stray item sa mistulang walang katapusang mga hilera ng paninda. Nakakahilong hanapin ang tamang lugar ng isang mumunting chichirya sa daan-daang pang ibang chichirya na halos magkakapareho ang itsura ng wrapper. Nakakaantok na hindi tingnan nang tingnan ang mga makikintab na disenyo sa mga wrapper. Nakakainis makakita ng cotton buds sa mga de lata, at limang piraso ng Kit-Kat sa mga inuming nakabote. Nakakairita rin ang mga customer na mahuhuli mong inilalagay ang isang item kung saan-saan lang lalagyan. Kung pwede lang sana, binigyan ko na ng Spinning Heel Drop yung masungit na babae na basta-basta na lang iniwan ang napkin sa mga mantika; Megawatt Uppercut yung batang hinalughog ang buong shelf ng Oishi dahil naghahanap ng Cubee, eh Monde yun at wala ito sa mga chichirya dahil classified ito bilang isang wafer; at isang lumalagitik na Piercing Thorn Fortissimo yung machong lalaki na iniwan ang isang galong mineral water sa may asukal. Eh paano kung matapon yun dun? Masasayang ang pinaghirapan naming ayusin nina Kuya Tyrone.

Kaya pagpasok ko kanina sa selling area, dali-dali akong nagpunta sa mga Cashier. Nilapitan ko ang tahimik na babae na nasa likod ng point of sales system sa lane one. Hindi siya mukhang masungit, kaya kinausap ko siya nang walang pagdadalawang isip.

Ate, kailangan mo po ng bagger?

Express lane ito eh, wala masyadong iba-bag. Pero okay lang.

Mabait si Ate Brenda. Mahinahon niya akong tinuruan at tinulungang mag-bag ng mga binibili ng mga customer. Itinuro niya sa akin kung nasaan ang extra extra small, extra small, small, medium, at large grocery bags (na biodegradable daw, ayon sa nakasulat dito). Sinabihan niya rin ako na lagyan ko ng karton ang bag kapag maraming de lata o bote ang customer. Tinulungan niya akong ihiwalay ang mga sabon at toiletries sa mga food at non-food items. Siya na ang nagbabalot ng mga karne at iba pang mga item na nanggaling sa fresh section ng grocery. Sa mga panahong wala kaming ginagawa, kinakausap at nakakausap ko naman siya. Baguhan pa lang si Ate sa Robinsons bilang cashier. Wala pa raw siyang isang buwang nagtatrabaho doon. Kung anu-ano rin ang pinag-usapan namin: mula sa mga nagsasalita sa PA system hanggang sa mga policy nila doon sa Robinsons. Inalalayan ko ang mga tanong ko dahil tila nahihiya pa si Ate. Ako rin, kung tutuusin, medyo nahihiya pa.

Ate, ang bagal ng oras, ano?

Oo. Madalang kasi ang customer tuwing hapon. Mainit kasi, at tinatamad lumabas ng bahay. Usually yan, mga gabi dumadami ang customer.

Lalo na kung Linggo no, Ate?

Oo.

Ano yun, yung pila, sobrang haba? O hindi naman?

Hindi naman. Mga limang customer na naghihintay, yung tipong ganun ba. Ngayon kasi, madalang ang customer. Hapon kasi, at baka wala pa silang pera.

Nakakatuwang kausapin si Ate Brenda. Yung mga sandaling wala kaming ginagawa at tila napabagal umusad ng oras, napabilis niya dahil sa pakikipag-usap niya sa akin.

Makalipas ang isang oras, may isang parada ng mga babae na may suot na Santa Hat at may dala-dalang mga bakal na kahon ang dumaan sa aming harapan. Isa-isa silang lumabas ng selling area, at nagpuntahan sa mga cashier. Lunch break na raw nina Ate Brenda na opening shift. Papalit muna sa kanila ang mga kakapasok pa lang na closing shift. Iniligpit ni Ate Brenda ang pera sa drawer ng kanyang cash register, at inilagay sa kanyang bakal na kahon. Matapos noon, nagpaalam siya sa akin at umalis na.

Ang pumalit sa kanya ay si Ate Aileen. Mabait din siya, at mas maingay kaysa kay Ate Brenda. Sa pakikipag-usap sa kanya, nalaman kong 25 years old na si Ate, at tulad ni Ate Brenda, wala pang isang buwan sa kontrata nilang limang buwan doon sa Robinsons. Tinuro rin sa akin ni Ate Aileen ang mga boss, boss ng boss, at ang boss ng lahat doon. Sinabi rin niya sa akin na may pamangkin siyang nag-aaral din sa Ateneo. Basta, nakakatuwa ring kausapin si Ate Aileen.

Matapos ang mabagal na pag-usad ng oras dahil wala kaming ginagawa ni Ate Aileen, bumalik na mula sa kanilang lunch break si Ate Brenda.

Lunch break na namin! O di ba, kakapasok pa lang namin, lunch break na agad? Ikaw, hindi ka ba magbe-break?

Hindi na ate, 20 minutes lang kasi ang break namin, eh.

Ay, talaga? Ang ikli naman. Wala ka ngang magagawa sa 20 minutes. Ang sikip sikip kasi ng canteen namin eh.

At matapos ang isa pang oras, bumalik na sina Ate Aileen mula sa lunch break nila. Coffee break naman ng opening shift. At matapos noon, coffee break na nang closing shift. Sa aming pag-uusap nina Ate Brenda at Ate Aileen, hindi nila gusto ang ganoong pagsasalitan nilang mga kahera. Sina Ate Brenda kasi, buwal na sa gutom dahil matagal-tagal din bago ang lunch break nila. Habang sina Ate Aileen naman, wala nang break pagkatapos ng kanilang coffee break na iyon. Wala na silang oras para kumain ng hapunan.

Bumalik sina Ate Aileen mula sa kanilang break. Sabi sa akin ni Ate Brenda, magiging bagger muna sila habang nandoon pa sila. Alas-sais kasi ang alis nina Ate Brenda. Noong bumalik sina Ate Aileen, malapit na ring mag-alas-singko noon. Malapit na kaming mag-time out.

O! Malapit na kayong umalis! Makakakain ka na! pabirong winika ni Ate Aileen. Sa totoo lang, umiikot na ang tumbong ko sa gutom. Para bagang kinakain na ng tiyan ko ang sarili nito dahil sa gutom. Nanunuyo na rin ang labi at kumakapal na ang laway ko sa kakasabi ng Thank you po! o kaya Salamat po! sa mga customer namin. Hindi nagtagal, oras na para umalis kami.

Nagpaalam ako kina Ate Brenda at Ate Aileen na may malaking malaking ngiting nakapinta sa aking mukha. Pagud na pagod na ako sa kakatayo; hindi ko na maramdaman ang mga binti ko sa tinagal ng apat na oras nang pagtayong walang pahinga, ngunit nagawa ko pang kumaway ng masayang-masaya kina Ate Brenda at Ate Aileen.

Sa maikling panahong nakasama ko silang dalawa, ang dami kong natutunan. Ang dami kong nakitang kahit kailan ay hindi ko makikita kung hindi nila sa akin ipinakita. Ang dami kong dinanas na kahit kailan ay hindi ko daranasin kung hindi sila ang mga naging kasama ko. Ang dami kong natutunan na bago, na kahit kailan ay hindi ko matututunan kung hindi sila ang nagturo sa akin ng mga bagay na ito. Dahil sa kanila, lalo kong napapansin ang mga maliliit na bagay na nagpapatakbo at nangyayari sa paligid ko. Dahil sa kanila, naging masaya ako, kahit papaano.

Ate Brenda, Ate Aileen, next week ulit.

Friday, December 5, 2008

Tact Fact

Dahil tinatamad akong gumawa ng blog entry tungkol sa aking unang JEEP insertion sa Robinsons Marikina, gagawa na lang ako ng entry tungkol sa FIRO-B test interpretation namin kanina. May relevance naman sa JEEP eh, so ayos lang.

Kanina kasi, tinanong ni Ma'am Aileen, ang aming facilitator, kung kumusta ba kami sa aming mga area. Ayos na ayos naman ang area ko kasi ako yung pinalad na huling makapag-enlist sa Robinsons Marikina under kay Sir Mike. Medyo madali lang naman ang trabaho doon kung ikukumpara sa pagiging palero slash basurero slash basurera ng Omni, fish vendor sa Marikina Wet Market, o kaya street sweeper ng Commonwealth Avenue ng EPMWD. Sa totoo lang, wala talaga akong reklamo sa Robinsons Marikina. Malinis, malamig, at hindi mabaho. Well, exceptions siguro yung receiving area na sobrang init at yung meat section na sobrang amoy sariwang karne. Ay, ang reklamo ko lang pala ay yung sobrang hirap ng buhay na wala kang bulsa. Grabe. Akala ko dati, kunin mo nang lahat 'wag lang ang aking dignidad at puri. Ngayon, kunin mo nang lahat 'wag lang ang aking dignidad at puri plus mga bulsa kasi mawawalan ako ng lalagyan ko ng panyo at pamasahe.

Kanina, habang nagbabahagi si Gabo ng kanyang mga saloobin, tumatak sa isip ko yung sinabi niyang naghihinay-hinay daw siya sa mga sinasabi niya sa Sta. Lucia kapag kinakausap siya ng mga talagang janitor doon. Naikuwento niya sa amin na parang mali yung isinagot niya noong tinanong siya kung ano raw bang ginagawa ng mga Atenista doon sa Sta. Lucia, at nagtatrabaho bilang mga janitor at janitress. Sabi niya, immersion.

Eh immersion program naman talaga ang JEeP eh, hindi ba?

Nung naisip ni Gabo yung mga sinabi niya, sana "training" na lang daw yung sinabi niya. Kasi raw parang naibaba nang hindi sinasadya ni Gabo ang tingin niya sa mga janitor noong sinabi niyang "immersion".

Oo nga naman.

Samantalang ako, noong tinanong nina Kuya at ni Ate, diri-diretso kong sinabi na "immersion".



Walang masama magsabi ng katotohanan, pero kailangan din ng pag-iingat. Hindi kasi natin alam kung kailan tayo makakasakit ng damdamin ng ibang tao.

Thursday, August 21, 2008

Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel

When I woke up yesterday morning, it was raining. The rain poured as if there was no tomorrow. Fighting all the strong urges not to go to school, I readied myself to leave. I stepped outside and looked at the weather. The sky was a deep gray, but somehow, the sun was peeping through the curtain of impending showers. As it drizzled mildly outside, I quickly wore a pair of jeans and shoes, opened my umbrella, and left as soon as possible to take advantage of the slightly nice weather. But things turned bad as soon as I hopped off the tricycle.

The gentle drizzle which broke the sunlight into a wonderful splash of colors suddenly turned into a violent maelstrom that ripped the rays of the sun into nothingness. My puny umbrella was no match against the strong and cold winds that battered the street. I tightly embraced my bag and protected my laptop which was deep within my bag. The rains slightly hampered its attack which left me wet from my belt below.

I decided to turn back, and change. I was in no condition to go to school that wet.

Things raced across my mind as I was heading back home. I told myself I should have had just worn slippers and shorts instead of shoes and jeans. But my back tingled in a negative way whenever I thought of the floodwater which carried whatever things I don't want to mention, or even think about. I have always worn shoes because of that compulsive reason. And in jeans, my legs were kept warm inside my air-conditioned classrooms.

I got home, at ako ay sinalubong ni Ate Rosie, ang aming plantsadora.

Grabe! Biglang bumuhos yung ulan!

Dapat kasi hindi ka na lang pumasok eh! Haha

Nagmamadali akong pumasok sa aming bahay at sumugod sa aking silid. Inalis ko agad ang aking basang pantalon at sapatos at inilagay ang mga ito sa likod ng prigider. Hinanap ko ang shorts kong matagal ko nang hindi nagagamit, at ang tsinelas kong Reva na binili namin kay Kuya Rodel dati.

Kumusta na kaya si Kuya Rodel ngayon? Kumusta na kaya yung asawa niyang may bara sa puso? Hindi ko rin kasi alam kung natulungan nga ba ni Mamie sina Kuya Rodel, eh.

Nagmadali ulit akong umalis ng bahay. Tinangay ko ang isa naming payong dahil walang silbi ang aking payong sa hagupit ng ulan at hangin. Naramdaman ng aking mga paa ang lamig ng tubig -baha, at nabasa ang aking mga binti sa lakas ng buhos ng ulan.

At sa isang hindi kanais-nais na sitwasyon, natubog ang aking paa sa putik.

Sa totoo lang, nandiri ako.

Buti na lang, may malakas na agos ng tubig-baha na kung saan hinugasan ko ang aking putikang paa at puri.

Pero nandiri pa rin ako.

Noong bumaba ako sa Central at tumawid sa tulay, muli na namang nadumihan ang aking mga paa. Diring-diri ako pero wala akong magawa dahil huling-huli na ako sa aking klase. Doon, nakita ko si nanay na hindi makatawid dahil baha. Nilalagpasan lang siya ng mga taong nakakasalubong niya.

Nanay.

Inabot ko ang aking kamay. Malugod na inabot din ito ni nanay at naramdaman ko sa kanyang palad ang malaking pasasalamat.

Ay naku, maraming salamat!

Tinulungan kong tumulay si nanay sa mga batong inihagis niya sa bahang lagpas bukong-bukong.

Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi ako nandiri sa tubig-bahang hindi ko alam kung saang lupalop ng mundo nanggaling at kung ano ang nilalaman.

Napakaganda ng aking pakiramdam na natulungan ko si nanay na makatawid sa may Central. Dahil ako'y nakatsinelas, nagawa ko siyang matulungan, hindi katulad ng ibang mga nakasapatos at nakapantalon. Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel, naramdaman kong muli kung gaano kadiri ang putik sa pa at ang tuyong tubig-baha sa mga binti. Naramdaman kong muli kung gaano nakakailang ang pakiramdam ng may dumi sa talampakan, at ang pakiramdam na matalamsikan ng maitim na putik sa binti.

Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel, naranasan ko ang isang uwang ng buhay ng mga taong nakatira sa laylayan ng lipunan. Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel, naranasan kong muli kung gaano kasaya mamuhay habang nilalasap ang mga mumunting bagay na lagi na lang hindi binibigyan ng pansin.

Natuto muli akong umapak sa lupa, at makita ang mga dapat makita.

---

Nagkatinginan tayo
Ngumiti ka
Nabuo ang araw ko.

Tuesday, August 5, 2008

Nakatitig

Ang hina talaga ng loob ko.

Hindi rin naman kasi normal ang kalagayan ko eh. Hindi ito nangyayari sa lahat nga tao. Nangyayari lang ito sa mga taong katulad ko, katulad namin.

---

Lagi akong masaya tuwing Martes, Huwebes, at Biyernes dahil may pagkakataon akong makita kayong dalawa. Off ni ano yata tuwing Martes, at ikaw naman, hindi ko alam. Si ano kasi, lagi kong nakikita sa Timezone. Ikaw, paminsan wala, paminsan naman naroon ka. Pero gusto ko sanang kaibiganin kayong dalawa.

Nagsimula ang lahat noong nakipaglaro si ano sa akin ng House of the Dead. Mula noon, lagi ko nang napapansin si ano tuwing pupunta ako sa Timezone. Dati-rati, isa lamang siyang tao sa likod ng counter, pero simula noong araw na iyon, nag-iba na ang tingin ko sa kanya. Gumaan ang aking loob sa kanya, ngunit hindi ko ito mailabas ng maigi dahil hindi ko alam ang magiging reaksyon niya. Ikinubli ko na lang ang lahat sa aking loob dahil natatakot ako sa kung anong maaaring mangyari.

Ikaw naman, hindi ko alam. Bigla ka na lang sumulpot sa aking paningin noong isang araw habang hinahanap ko si ano. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang damdamin ko para sa iyo.

Simula ng mga araw na iyon, iba na ang pakay ko sa aking pagpunta sa Gateway. Hindi lang dahil maglalaro ako, kundi dahil gusto ko rin kayong makita, kahit na sa malayo lang. Tuwing paalis na ako sa Timezone, lagi kong hinahanap ang inyong mga mukha upang kahit papaano, may maibaon ako sa aking pag-uwi.

Ngunit hindi ko alam kung papaano kayo kakausapin labas sa kailangang itawag niyo sa akin. Gusto ko talaga kayo kausapin hindi lang dahil may kailangan ako bilang isang taong tumatangkilik sa Timezone, kundi dahil gusto kong malaman kung ano na ba ang nangyari buhay ninyong dalawa.

Gusto ko lang sanang itanong kung kumusta na kayo.

Pero hindi ko ito magawa. Natatakot kasi ako.

Kaya pilit ko na lang kinukuntento ang aking sarili sa pagtitig sa inyong dalawa sa malayo habang ginagawa niyo ang inyong trabaho. Kung mangyari mang mapapatingin kayo sa akin, agad kong binabali ang aking titig sa inyong mga mata at kakabahan na bahagya dahil nga natatakot ako.

Ngunit hahanap ako ng paraan upang maipon ang aking tapang para man lang makangiti ako sa inyong dalawa tuwing magkakasalubong tayo ng daan at magtitinginan sa mata ng saglit.



Kinamumuhian ko ang aking sarili dahil hinayaan kong mamulat ako sa mga ganitong uri ng damdamin.

Ngunit sadyang ganito yata talaga ang nakatakda para sa akin.

Monday, July 21, 2008

Bus Ticket

Hindi ko ito inaasahan.
Lumuluha pa ako
Nung nakita ko ang iyong pangalan.
Hindi ko sinasadyang mapindot ito
Ngunit doon nagsimula ang ati
ng pagkakaibigan.

Simula noong araw
na iyon,
Hindi ko maipaliwanag kung bakit
Lagi kitang hinihintay.
Marahil sadyang ikaw ay mabait,
At dahil dito,
Natuyo ang mga luha ko dahil sa noon.

At hanggang ngayon, hindi ko pa rin maipaliwanag
Ang kakaibang kasiyahang aking naramdaman.
Dahil sa pagdating mo sa aking buhay
Napanatag ang aking loob at isipan
At unti-unting naghilom ang basag kong katauhan
Dahil sa binigay mo sa aking la
kas at tatag.

Lumipas ang mga araw
At nalaman ko ang iyong pagkatao.
Sa isang iglap
Nawala ang kislap
Dahil sa katangian mong ako'y ayaw...
Ngunit

Natutunan ko itong tanggapin
Dahil naniniwala akong tinan
ggap mo ako.
Naging kumportable tayo sa isa't isa
At dahil diyan
Ako'y lubhang lumigaya,
Isang pakiramdam
Na kahit kailan, hindi ko pa nararanasan.

At sa isa mong text
Ako'y nabagabag.
Masyadong mabilis
At ang damdamin ko
'y nalabag...
Ngunit
Natuwa rin ako
Dahil patuloy akong naniwala
Sa iyong angking kabaitan.

Doon
Sa panahong
iyon
Sinabi kong buo na ako.
Sa iyong pagsabing ako'y iyong miss
At sa mga salitang nangangahulugang mga kiss.
Hindi ko hinayaang
Manlinlang ako ng aking pangahas na sarili...
Wala pang nagsabi nito sa akin kailanman
At hindi ko pa naramdaman ang kaligayahan sa loob
Kahit kailan.

Lumipas ang mga araw at gabi
Natulog tayo sa ilalim ng mga bituing may kinang.
Lagi kong inaabangan ang panibagong bukas
Dahil naramdaman ko ik
aw sa aking tabi
At nagsilbing aking tanging lakas.


Ngunit,


Sa iyong katahimikan noong gabing iyon
Naramdaman ko na ang isang malaking alon.
Kinabahan ako na baka sa isang iglap
Mawala na naman ang lahat,
Lahat ng inilagay ko na sa loob ng aking puso
At isinama na bilang aking pagkatao.

Nakita ko ang iyong mga mata
Nakita mo ang aking mga mata
At biglang
Nawalan ka na ng pakialam
At biglang
Naiwan akong m
ag-isa...

Nasira ang aking sirang sarili
Dahil sa pagkukulang na aking taglay.
Tandaan mo lang na hindi kita sinisisi
Dahil sino nga bang gustong makasama
Ang isang taong ayaw sa kanyang sarili?

Ikaw ang naging dahilan
Kung bakit natuyo ang aking mga luha.
Dahil sayo,

Natuto muli akong umasa
Na hindi lang puro lun
gkot
Ang mundong puno ng pangarap.
Dahil sayo,
Naramdaman kong nabuhay muli ang aking sarili
Na anim na buwang namatay
At nalunod sa mga luha.
Dahil sayo,
Natuto muli akong mangarap
At hindi magpatinag sa hinaharap.
Dahil sayo,
Sinabi kong tao nga ako.

Sana ang taglay kong kasa
lanan
Para sa iyong mga mata
Ay hindi tuluyang sisira
Sa mga panahong tayo ay masaya...


Huwag ka munang bumitiw...

Ayaw ko nang umiyak...

At ayaw ko na nang mamatay...


Mahirap ito,
Ngunit sana'y bigyan mo pa ako
Ng pagkakataon
Dahil hindi ko na alam
Ang gagawin ko
Kung ika'y maglalaho
Sa buhay kong bigo...

Naniniwala pa rin ako sa iyo
Tuwing titingnan ko ang un
ang bagay
Na binigay mo sa akin.
Sana, maniwala ka rin sa akin
Dahil talagang hindi ko kakayanin

Ang mawala ka
At maiwan na lang
Ang bus ticket
Bilang isang malayong pangarap
Kasama ang mga alap
aap...


Monday, July 7, 2008

Si Manong Janitor

Ilang taon na niyang nililinis ang mga panlalaking banyo ng Loyola Schools. Sa kinahabaan ng panahong ito, hindi pa niya tunay na natititigan sa mata ang kahit na isang Atenista. Lagi na lang niyang nililinis ang mga kubetang mapanghi dahil sa katamaran ng mga Atenistang i-flush ang kubeta. Unti-unti na ring napapagod si Manong sa paglilinis ng mga urinal na lagi na lang may buhok. Napapagod na talaga si Manong sa kakamop ng sahig na lagi na lang basa sa tubig mula sa lababo, o kaya'y basa sa tilamsik ng pag-ihi ng mga Atenistang iyan. Gusto na niyang humanap ng trabahong mas malaki ang sahod dahil nananatili pa ring lubog sa hirap ang kanyang pamilya. Sawa na siyang lagyan ng shampoo ang soap dispenser. Sawa na siyang punasan nang punasan ang salaming lagi na lang nababasa. Sawang sawa na rin siya sa nakahihilong amoy ng kung anu-anong kinakain at inalalabas ng mga Atenistang ito sa kanyang banyong takda.

Unti-unti na niyang kinamumuhian ang mga Atenistang ito. Tila wala na silang ginawang maayos kung hindi ikalat ang kanilang mga ihi, magtae at punuin ang kubeta ng toilet paper, at maglagas ng kanilang mga putang inang bulbol.

"Ayaw ko na. Suko na ako."

Binitawan ni Manong ang kanyang mga kasangkapang panglinis. Nabasag ang marupok na plastik ng kanyang spray ant nabubo ang tubig na hinaluan ng sabong mabango. Lumagitik ang braso ng kanyang dakilang mop sa paghampas nito sa sahig na may tiles. Lumagabog ang kanyang dustpan na yari sa malaking lata ng biskwit. Walang buhay na namatay ang kanyang walis tambo, isang kaibigang kasalo niya sa hirap at ginhawa. Itinapon niya sa dingding ang kanyang trapong laging nakasuksok sa kanyang bulsa.

Mukhang suko na talaga si Manong.

Palabas na siya sa kanyang banyo nang may pumasok na Atenista. Tila iba ang porma niya sa mga Atenistang kinamumuhian niya. Simple ang pananamit. May inosenteng ngiti sa mukha. Napatigil siya.

"Manong! Kumusta?"

Nawindang ang galit sa loob ni Manong.

Sinundan na lang ng mga mata nitong si Manong itong lalaking ito. Pumasok sa isang cubicle at doon umihi.

"Ay Manong! Pasensiya ka na! Hindi ko naasintang mabuti eh! Hehe."

"Sige bayaan mo na. Haha."

Nginitian ng Atenistang ito si Manong habang siya'y naghuhugas ng kamay, iwinisik ang mga kamay para matuyo ng kaunti, at saka umalis ng banyo.

Hindi makapaniwala si Manong. Hindi niya maintindihan ang lumipas na mga sandali.

Isa isang pinulot ni Manong ang kanyang mga gamit na nakakalat sa sahig. Pinulot niya ng sabay ang basag na niyang spray at ang kanyang trapong kulay asul. Sunud-sunod niyang kinuha ang kanyang mop, ang walis, at ang dustpan. Tiningnan niya ang kanyang sarili sa salamin. Tiningnan niya ang lalaking sabay na nakatitig sa kanya.

"Tao rin pala sila."

Ngunit ang hindi niya alam, nananatili pa rin siyang isang hamak na janitor para sa karamihan.

Nananatili siyang hindi nakikita sa paningin, at hindi binibigyan ng pansin.



Dahil siya'y isang taong naninirahan sa laylayan ng ating lipunan.

Wednesday, June 4, 2008

Parehong Daan, Magkaibang Paraan

Minsan iniisip ko na mag byahe sa bus....
kung nagpa plano man...
madalas iniisip ko na umaga o gabi....
Para makita ko kung san ako papunta....
Gabi naman para maramdaman ko yung lamig nang hangin...
Kaya lang parang kulang...
Mas masarap yata pag may katabi...
Mas maganda yata pag may kahak ng kamay....
Lihim na naghaharutan... na kayo lang ang nakaka alam
O magkayakap sa gabi habang umaandar ang sasakyan.....

Di ko nga lang alam kung kaylan...at di ko rin minamadali....

Kung di man abutan.... at wala nang masakyan...baka ibang ruta na lang ang sakyan ko...at dun sa seryosong buhay na ang tatahakin ko...

-jeof2

---

Hindi ko maintindihan ang buhay. Hindi ko rin maintindihan ang tao paminsan-minsan. Tila pareho naman ang hangarin ng bawat isa sa atin, ngunit tila wala ring tunay na nakayayakap sa hangarin minsan nilang minithi at pinangarap.

Bakit hindi kayang magtulungan ng tao?

Kahit na iisa ang tinatahak nating daan patungo sa tunay na kaligayahan, magkakaiba tayo ng paraan para maabot ang rurok ng buhay. Nakangiti ang tadhana sa iyo kung mangyaring madulas ka sa isang yabag mong hindi tiyak, at may sumalo sa iyo't napigil ang masakit na palo ng iyong katawan sa maruming daanang inapakan na ng mga taong hindi mo kilala.

Magiging masaya ka na ba? O hihintayin mong maabot ang dulo ng daang tinatahak mo?

---

Araw-araw sa pagmulat ng ating mga mata, nakasakay na tayo sa isang bus. Ito ang bus ng buhay. Paminsan, nakatayo ka dahil masikip, o kaya'y nakaupo ka sa dalawan o sa tatluhan; sa may bandang bintana, sa may pasilyo, o sa gitna ng dalawang taong hindi mo kilala. Magigising ka na lang na nakasakay sa isang bagong aircon bus na malamig at mabango ang simoy ng buhay, o kaya sa isang ordinary bus na kung saan langhap mo ang lahat ng polusyon ng buhay. Lalapitan ka ng konduktor at sisingilin ka ng iyong pamasahe. Itatago mo ang tiket, at sisimulan ang pagmamasid sa mga kapwa pasahero. Tulog ang ilan. Ang iba naman ay kausap ang kanilang mga kasama. Nanonood ng pelikula ni Judy Ann at ni Ryan ang karamihan, miski na ang gusto nilang panoorin ay si Jolina at si Marvin.

Pero lahat sila ay walang pakialam sa iyo at sa iyong ginagawa. Gagawin mo ito hanggang makarating ka sa iyong pupuntahan sa araw na iyon. Bababa ka sa bus habang iniisip ang mga nagdaan sa aircon bus na malamig at mabango ang simoy ng buhay, o ang lumang ordinary bus kung saan langhap mo ang lahat ng polusyon ng buhay. Titingin ka sa iyong kanan at titiyakin na walang sasagasa sa iyo, at ipipikit ang iyong mga mata dahil ikaw ay inaantok na.

Hihiga ka sa iyong kama at iisipin kung may kabuluhan nga ba ang pagmasid at pagtitig sa mga kapwa pasahero mong natutulog, nag-uusap, at nanonood ng Kasal, Kasali, Kasalo. Ihehele mo sa iyong sarili ang iyong pag-iisa at mga tanong na hindi mo masagot hanggang sa makatulog ka at panaginipan ang iyong mga gusto sanang mangyari sa loob ng bus na iyon.

Magigising ka sa tunog ng iyong alarm clock. Bago mo pa man maayos ang iyong kama, nakasakay ka na ulit sa bus, katulad pero tila kaiba sa sinakyan mo kahapon.

Ano nang gagawin mo ngayon?