Monday, July 7, 2008

Si Manong Janitor

Ilang taon na niyang nililinis ang mga panlalaking banyo ng Loyola Schools. Sa kinahabaan ng panahong ito, hindi pa niya tunay na natititigan sa mata ang kahit na isang Atenista. Lagi na lang niyang nililinis ang mga kubetang mapanghi dahil sa katamaran ng mga Atenistang i-flush ang kubeta. Unti-unti na ring napapagod si Manong sa paglilinis ng mga urinal na lagi na lang may buhok. Napapagod na talaga si Manong sa kakamop ng sahig na lagi na lang basa sa tubig mula sa lababo, o kaya'y basa sa tilamsik ng pag-ihi ng mga Atenistang iyan. Gusto na niyang humanap ng trabahong mas malaki ang sahod dahil nananatili pa ring lubog sa hirap ang kanyang pamilya. Sawa na siyang lagyan ng shampoo ang soap dispenser. Sawa na siyang punasan nang punasan ang salaming lagi na lang nababasa. Sawang sawa na rin siya sa nakahihilong amoy ng kung anu-anong kinakain at inalalabas ng mga Atenistang ito sa kanyang banyong takda.

Unti-unti na niyang kinamumuhian ang mga Atenistang ito. Tila wala na silang ginawang maayos kung hindi ikalat ang kanilang mga ihi, magtae at punuin ang kubeta ng toilet paper, at maglagas ng kanilang mga putang inang bulbol.

"Ayaw ko na. Suko na ako."

Binitawan ni Manong ang kanyang mga kasangkapang panglinis. Nabasag ang marupok na plastik ng kanyang spray ant nabubo ang tubig na hinaluan ng sabong mabango. Lumagitik ang braso ng kanyang dakilang mop sa paghampas nito sa sahig na may tiles. Lumagabog ang kanyang dustpan na yari sa malaking lata ng biskwit. Walang buhay na namatay ang kanyang walis tambo, isang kaibigang kasalo niya sa hirap at ginhawa. Itinapon niya sa dingding ang kanyang trapong laging nakasuksok sa kanyang bulsa.

Mukhang suko na talaga si Manong.

Palabas na siya sa kanyang banyo nang may pumasok na Atenista. Tila iba ang porma niya sa mga Atenistang kinamumuhian niya. Simple ang pananamit. May inosenteng ngiti sa mukha. Napatigil siya.

"Manong! Kumusta?"

Nawindang ang galit sa loob ni Manong.

Sinundan na lang ng mga mata nitong si Manong itong lalaking ito. Pumasok sa isang cubicle at doon umihi.

"Ay Manong! Pasensiya ka na! Hindi ko naasintang mabuti eh! Hehe."

"Sige bayaan mo na. Haha."

Nginitian ng Atenistang ito si Manong habang siya'y naghuhugas ng kamay, iwinisik ang mga kamay para matuyo ng kaunti, at saka umalis ng banyo.

Hindi makapaniwala si Manong. Hindi niya maintindihan ang lumipas na mga sandali.

Isa isang pinulot ni Manong ang kanyang mga gamit na nakakalat sa sahig. Pinulot niya ng sabay ang basag na niyang spray at ang kanyang trapong kulay asul. Sunud-sunod niyang kinuha ang kanyang mop, ang walis, at ang dustpan. Tiningnan niya ang kanyang sarili sa salamin. Tiningnan niya ang lalaking sabay na nakatitig sa kanya.

"Tao rin pala sila."

Ngunit ang hindi niya alam, nananatili pa rin siyang isang hamak na janitor para sa karamihan.

Nananatili siyang hindi nakikita sa paningin, at hindi binibigyan ng pansin.



Dahil siya'y isang taong naninirahan sa laylayan ng ating lipunan.

No comments: