Showing posts with label Hiyang at Matatas sa Wikang Filipino (HAMSFIL). Show all posts
Showing posts with label Hiyang at Matatas sa Wikang Filipino (HAMSFIL). Show all posts

Thursday, November 19, 2009

Hello World

System.out.println("Hello World!");

Ito ang karaniwang pinakaunang program na matutunan ng isang Java Programmer. Una ko itong natutunan noong ako'y nasa unang taon pa lamang sa Pamantasan ng Ateneo de Manila, at ngayon, habang sinusulat ko ang mga katagang ito, naghihintay ang aming tesis na may pamagat na Audio Based Game for the Visually Impaired on the Xbox 360 Console para sa makabuluhang kilos dahil mula't nagsabog ng basang lagim ang kaibigang si Ondoy, natigil na ang lahat ng kahit na anong pag-iisip tungkol sa mga bulag, isang telebisyon, at isang Xbox 360 at kung ano pang aparatong kailangan matutunang gamitin ng isang bulag.

Mahigit sa isang buwan na lang, pasko na, at sa loob ng dalawa't kalahating buwan, taong dos mil dyis na. Naalala ko pa noong nasa ikaapat na baitang ako na binibilang ko kung ilang taon pa ako kailangang mag-aral. Isa, dalawa, tatlo, apat... labing-isa. Dati, nagmumukmok ako tuwing maiisip ko na napakatagal pa ang kailangan kong gugulin sa pag-aaral, ngunit ngayong sa loob ng apat na buwan ay magtatapos na ako, hindi ko na alam.

Hello World.

Tuesday, August 25, 2009

Masaya?

Paminsan, hindi mo na alam kung magagawa mo bang sabihing masaya ka miski na napapalibutan ka ng mga kaibigan mong hindi. Tatanungin ka nila kung kumusta ka, at sasabihin mong masaya ka na. Kadalasan, sasabihin nilang

you deserve it. i'm so happy for you

o kaya nama'y

i'm happy for your happiness.

Pero alam mong hindi sila masaya dahil may mga bagay na bumabagabag sa kanila. Hindi ko alam kung tama bang maging masaya kahit na ang mga kaibigan mo ay hindi. Parang mali kasing isipin na nasa itaas ako't tumitingin pababa sa kanila. Hindi ko alam, baka mamaya'y pinalalaki ko lang itong nararamdaman ko. Simula nang maging kami, bigla kong nakita ang nakakalungkot na sitwasyon ng aking mga kaibigan. Marahil nagkataon lamang na ganito, o kaya nama'y sila'y matagal nang ganito at hindi ko lang ito "nakikita" dahil pareho lang kami ng lenteng tinitingnan sa buhay. Pare-pareho lang kaming malungkot, at masyado kaming makasarili't patuloy na itinutubog ang aming mga sarili sa putikang iyon. Masyado lang sigurong mataas ang pagtingin at paghanga ko sa mga kaibigan ko dahil sa mukha ng matinding kalungkutan, nagagawa pa nilang magpasaya at gumuhit ng mga ngiti sa mga mukha ng ibang tao.

Kung sakit na pwedeng mahawa lang sana ang kasiyahan, para naman sa wakas, ako naman ang makapagsabi nang you deserve it, I'm so happy for you.

Sunday, June 14, 2009

Huling First Day ng First Sem

Hay grabe. Senior na po ako. Huling dalawang semestre ko na po ito sa Pamantasan ng Ateneo de Manila. Ngunit tinatamad po akong pumasok bukas. Bitin na bitin po kasi ang aking bakasyon dahil kakatapos lang ng aking OJT. Sobrang hindi pa ako handa talaga pumasok bukas. Gusto ko nang mag-ayos ng gamit para bukas, pero ayaw ng katawan ko. Napakabigat ng pakiramdam ko talaga ngayon. Iniisip ko, ito ba ang nararamdaman ng isang presong bibitayin na sa loob ng labindalawang oras?

Ang labo, pero ngayong malapit na ako magtapos, ngayon ko pa nararanasan ang mga first day high na katulad nito. Hindi lang talaga ako mapalagay, grabe. Parang gusto kong iikot nang iikot ang tumbong ko sa kinauupuan ko ngayon, pero miski iyon, tinatamad akong gawin. Parang hindi kasi talaga sapat ang tatlong araw na pahinga, e. O baka naman sapat na ito, kaya lang tila kulang ito dahil isa akong malaking batugan? Ah naku naman talaga. Gusto kong matulog nang matulog nang matulog nang matulog. Ang sarap kasi sa batugang pakiramdam ang magigising ka sabay babanatan mo ng isa na namang five-minutes-pero-nagiging-five-hours na tulog.

Hindi lang talaga ako mapakali kasi huling first day ng first sem ko na ito. Grabe, parang kailan lang, unang first day ng first sem ko tapos ngayon, huli na. Ang bilis ano?

Magulo

Ang gulu-gulo ng nasa isipan ko ngayon. Ang gulu-gulo ng iniisip ng isipan ko ngayon. Ang gulu-gulo ng gulo na iniisip ng isipan ko ngayon. Basta, ang gulu-gulo talaga.

Alam mo yung may gusto kang sabihin sa isang tao pero hindi mo alam kung ano ang sasabihin niya sayo kaya hindi mo masabi yung gusto mong sabihin doon sa taong may gusto ka sanang sabihin? Ang gulu-gulo diba? Bakit kasi hindi pa naiibento ang wonder aparato na kung saan may lalabas na thumbs up sa noo ng taong may gusto kang sabihin kapag wala ka naman dapat ikatakot at ikabahala na sabihin ang gusto mong sabihin sa taong may gusto ka sanang sabihin. Hindi ko sinasadyang guluhin ang magulo nang post na ito dahil ang gulu-gulo lang talaga ng lahat. Ito ako, nakaupo sa kama ko sa kadiliman ng aking kwarto, tanging ang laptop ko lamang ang nagsisilbing ilaw, pero kahit ang ingay lang ng bentilador at ang mahinang pagratrat ng mga keys sa keyboard ang aking naririnig, gulung-gulo pa rin kasi ang utak ko. Sobrang gulung-gulo na. Hindi ko alam kung ito ba ay dahil may pasok na bukas o baka naman dahil inaantok na ako't heto akong pilit pinipigilan ang isang bagay na dapat hindi pinipigil kahit kailan, maliban na lamang siguro sa kung saan mang lugar o panahon na ayaw ko nang isipin dahil makagugulo lang talaga ito sa kaguluhang nagaganap sa magulo kong isip. Parang ang dami ko kasing kailangan gawin at ang dami dami ko pang gustong gawin, pero Linggo na lang ang natitirang araw para magawa ko lahat ng kailangan at gusto kong gawin. Nakadadagdag ito sa kaguluhan ng magulo kong isip kasi nga may gusto akong itanong sa isang tao ngunit hindi ko naman maitanong dahil hindi ko maisip kung paano ko ito itatanong dahil gulung-gulo ang aking isip. Kasi baka mamaya kapag tinanong ko sa taong may gusto akong itanong ngunit hindi ko matanong dahil naguguluhan talaga ako ang tanong na gusto kong itanong, baka kung ano na ang kaniyang maging reaksyon at dahil doon, lalo pang maguluhan ang magulo kong isip. Hindi ko na maintindihan ang mga pinagsususulat ko rito, kasi nga gulung-gulo na talaga ako sa gagawin ko. Yun bang parang hindi na ako makatulog nang mahimbing sa kakaisip kung paano ba ang gagawin ko para maitanong ko na ang tanong na gusto kong itanong sa taong may gusto akong itanong. Kasi sa tingin ko, maguguluhan lang siya sa tanong na itatanong ko kaya't gulung-gulo na talaga ako't hindi makapili kung ano ang kailangan kong gawin para maitanong ko ang tanong na gusto kong itanong nang matiwasay at walang nangyayaring kung ano mang peligrong dadagdag sa kaguluhang sinasapit ng magulo kong isip.


Ano ba yung gusto kong itanong?

Yun nga eh. Sa gulo ng magulo kong isip, hindi ko na maisip kung ano nga ba ang gusto kong itanong sa taong may gusto sana akong sabihin at itanong.


Sino ba kasi yang gusto kong sabihan at tanungan?

Yun nga eh.

Thursday, June 11, 2009

Tatlong Daang Oras - Huling Tatlumpung Minuto

Ito na. Pinatay na ang aircon dito sa opisina. Ito na ang huling beses kong maririnig ang kakaibang pagtahimik ng makulimlim na tunog ng aircon na ito. Huling beses na ako maiinitan matapos lamigin ng higit sa walong oras. Nung nagsimula ako dito, ginusto ko nang umalis, pero ngayong aalis na ako, gusto ko pang manatili kahit na ilan pang mga sandali. Siguro nakasanayan ko nang gumising ng umaga para magmadali patungo sa Quezon Avenue station ng MRT. Nakasanayan ko na rin marahil ang kakaibang siksikan tuwing mamalasin sa pagsakay sa tren. Sanay na akong magitgit ng kung sino mang tao at makipagdikitan ng katawan sa isang taong hindi ko kilala't malamang isang beses ko lang makikita sa buong buhay ko. Sanay na akong mapawisan ng pawis ng ibang tao, at nasanay na rin akong matuyuan ng pawis ng ibang tao. Sanay na akong araw-araw sumasakay ng elevator pataas at pababa ng ika-siyam na palapag. Nasanay na rin akong maghugas ng aking baunan. Nasanay na rin ang aking braso na may inaabot na baso ng malamig na tubig o kaya nama'y mainit na kape. Nasanay na rin kahit papaano ang aking mata sa pagbabad sa daan-daang linya ng code sa loob ng walong oras. Nasanay na rin ang aking katawan na maupo sa isang upuang pang-opisina, at sa tingin ko, hahanap-hanapin ko ito pagdating ng pasukan. Nasanay na rin ako sa paghalumbaba sa harap ng monitor ng computer na ginagamit ko habang iniisip kung ano ba ang problema ng ginagawa kong trabaho. Kayang kaya ko na rin labanan ang aking puyat at antok sa loob ng walong oras nang pagtatrabaho o "pagtatrabaho".

Nakasanayan ko na rin ang boses ng mga taong nakapaligid sa akin dito, at kahit na hindi sa akin ibinabato ang mga salitang inuusal sa aking paligid,

hahanap hanapin ko pa rin ang mga salitang nagpaikut-ikot sa aking mga tenga
at ang mga boses na dalawang daan at animnapu't dalawang oras ko nakasama.

Monday, June 8, 2009

Tatlong Daang Oras - Huling Tatlong Araw

Malapit nang matapos ang OJT ko dito sa 3M. Para sabihin ang totoo, wala akong natutunang bago dito. Inulit ko lang ang ginawa ko noong ikalawang semestre sa Pamantasan ng Ateneo de Manila: gamitin ang Java Hibernate. Sa totoo lang, kung bibigyan ako ng pagkakataong ulitin ang practicum ko, hindi ko na nanaising pumasok muli dito sa 3M. Gagandahan ko na agad ang papel ng aking mga resume at hindi lang sa pipitsuging papel ilalathala ang mga resume ko.

Ito siguro ang pinakamalaki kong pagkakamali.

Ang taas ng mga pangarap ko noong naghahanap pa ako ng mapapasukan para sa OJT. Pero walang nangyari sa lahat ng mga ito. Hindi ko lang talaga alam kung bakit; siguro dala talaga ito ng papel na ginamit ko upang isakatotohanan ang aking mga natamo sa aking buhay. Hindi ko lang alam kung interesado ba ang ibang tao sa mga sinulat ko doon. Malamang hindi.

Wala akong natutunan dito. Pero sa tingin ko isa rin itong pagkakamali.

Siguro, kailangan ko nang matuto na libre nga ang mangarap, ngunit hindi dapat nagpapadala ang tao sa mga pangarap na ito. Hindi lahat ng bagay ay kayang matamo tutal,


walang nang libre sa mundo.



Ang tatlong daan ay hindi na makakamit, ngunit matatapos na ang lahat sa loob ng tatlong araw.
(Tatlong daan binawasan ng dalawang daan at apatnapu't lima ay limampu't lima.)

Thursday, June 4, 2009

Puro Putang Ina Po Itong Post na Ito, Huwag Nang Basahin Kung Ayaw Makakita ng "Putang Ina"

WAREAGSSGFSHUGSNAKLGHWJIAD! DKSJHAIDUGBASDIGHASB! DJKHSDGJKADH! DSJKGHAHGJAAOO! SDKGHAIODSBGAASDIUASDBGAKSJDGUSS! SSGSSGS? SKHGSSGIHWTAAA! KSHGSKSGHGSLWITHWSLSG! ASDJKGHSDGSHDGSDHDSEOTUEPSHNZD! SAFSA! SGAGAGASGASGAS! ASDGDG! AFAF! DSKGDSSDHPUTANGINASDIGHD!
(Sige nga, basahin mo yan ng hiyang at matatas)

Tinatamad akong mag-English ngayon. Maulan kasi eh. Pupunuin ko rin ng mura itong post ko para ipakita kung gaano ako galit at nalulungkot nang magkasabay. Putang ina! Putang ina mo, mahal kong mambabasa, dahil nabasa mo ang mga katagang "Putang ina!" Nagpapasalamat ako dahil putang ina ako, putang ina ka, at putang ina tayong lahat na nagbabasa ngayon ng mga langtarang pagbabangit ng mga putang inang putang ina na yan. Ang sarap talaga sumigaw at magmura kapag walang nakakarinig sayo. Isipin mo, walang makakaalam na napakabalbal pala ng pananalita't napaka dumi pala ng iyong dila. Lahat na, sabihin mo! Putang ina na ang impit ay nasa Pu. Putang ina na ang damdamin ay nasa tang. Putang ina na damang dama ang pagka-ina ng putang ina. 'Di ba? Mas masarap ibulyaw sa buong mundong hindi ka naman maririnig ang putang ina kung ikukumpara sa son of a bitch. Parang ay, anak ako ng aso? Eh ano naman ngayon kung anak ako ng aso, 'tang ina ka pala e. 'Di ba? Gumaganun na talaga ako ngayon. Putang inaaaa! Ang sarap magmura sobra. Kasi naman, ang daming nangyayari sa mundo na nakakaputang ina naman talaga. Pasensiya na't minura kita kanina, mahal kong mambabasa. Alam mo namang hinding hindi kita taus pusong mumurahin, 'di ba? 'Di ba? Putang ina mo maniwala ka! Kung hindi, putang ina mo na talaga!

Nakakaiyak na nakakainis lang talaga kasi ang buhay. Ang daming nangyayaring ayaw mo sanang mangyari. Ang daming nangyayaring sana, sa ibang araw na lang nangyari kung hindi talaga ito maiiwasang mangyari. Putang ina, biruin mong umiyak ako sa aking kaarawan noong Martes? Sa lahat ng dalawampu't isang kaarawan ko, sa nagdaan lang ako napaiyak. Tanga kasi ako. Sana may umimbento ng gamot na pampatalino. Kung walang iimbento nito, siguro kakainin ko na lang ang mga utak ng mga may regalong kabataang Promil (Promil Gifted Children) para naman tumalino ako kahit kaunti. O kaya iimbento ako ng daungan ng pangkalawakang kinakain sa umaga bus (USB Port) para sa mga utak natin para naman maaaring ilipat sa isang kinang ikalawang bagay na maaaring paglagyan ng alaala ng kompyuter (flash disk) ang mga gusto nating makalimutan na. Nakakainis ang pagkapaulit-ulit nito. Daig pa niya ang nakakairitang pagkamatay at pagkabuhay ng sistemang ginagawa (Systems Develompent Life Cycle). Oo, yun kasi ang ginagawa namin dito sa aming pagsasanay sa trabahong On-the (On-the-Job Training). Palagi na lang kasing ganito, pero tila hindi pa rin ako nasasanay sa kahit gaano karaming beses pa ito mangyari sa akin.

At dahil diyan, sasabihin kong muli ang putang ina. Siguro naman ayos lang naman sayong mabasa ang "putang ina", hindi ba? Binigyan na kita ng babala sa titulo pa lang ng poste ng blog (blog post) kong ito.

Sabihan mo ako ng putang ina, sasabihan rin kita ng putang ina. Gusto mong magkaroon tayo ng palabas pababa ng putang ina (putang ina showdown)? Ayos lang sakin, mehn. Makikinig lang muna ako ng Jai Ho (Ikaw ang Aking Kapalaran) (Jai ho (You are My Destiny)).

Tatlong daan binawasan ng dalawang daan at dalawampu't dalawa ay walongpu't walo. Maaari na akong umalis sa putang inang trabahong ito bukas dahil bukas na namin ipapakita ang aming ginawa, ang sistemang otomatikong mahilig sa pridyider (Automatic Referencing System) at dahil sa Biyernes rin ay lagpas pitongpu't limang bahagdan (ano ba, 75% lang yan baka hindi mo alam) ng kailangan na tatlong daang oras. O 'di ba, may anking talento naman ako sa matematika. Yun nga lang, pang ika-limang baitang lang ang kaya ko. Putang ina mo, hmp.

Wah. Gutom na ako. Kakainin ko na lang nga itong biyoletang kremang tinapay (violet cream loaf) ni Mareng Julie. Sarado kami eh (we're close), inggit ka?

Friday, April 3, 2009

IV BS Computer Science

Ayan na ang nakalagay sa aking AISIS account.

Nakakagulat. Parang kahapon lang ang unang araw ng Viaje, ang Freshmen Orientation Seminar ko mga tatlong taon na ang nakalilipas. Naalala ko pa ang pakiramdam ng pawisan kong damit na kulay berde; ang amoy ng pawis na may kasamang pagod, saya, at pananabik; ang pakiramdam ng init ng araw habang iniisip kung anong klaseng mga tao ang aking mga makakasama sa loob ng apat na taon; at ang magkasamang takot at pangungulila sa isang lugar na pamilyar ang tao at ang pakiramdam.

Pero sadyang napakabilis talaga ng panahon. Hindi mo namamalayan ang paglipas ng tatlong taon. Malalaman mo lang na tapos na ito kapag tapos na nga talaga ito. Hindi mo maramdaman ang isang uri ng pananatili sa isang punto ng oras. Hindi mo maramdaman ang oras na umaagos sa iyong mga palad, na parang tubig na umaagos sa isang taimtim na ilog. Hindi mo ito kayang ipunin gamit ang iyong mga palad. Lagi lang itong dadaloy sa isang walang katapusang paraan na kung saan ang magagawa mo na lamang ay panoorin at pakinggan ito. Hindi ko lang talaga lubusang maintindihan kung bakit mabilis ang oras sa mga panahong masaya ka, ngunit tila tumitigil ito sa isang nakakapagod na pag-usad kapag tila madilim ang panahong umiikot sa iyong pagkatao.

Tatlong taon na ang nakalipas noong kulay berde pa ang bahagi ng aking ID na kung saan nakasulat ang 062486.

Dalawang taon na ang lumipas noong pula ang bahaging iyon ng aking ID.

Noong isang taon, kulay langit ito,

at sa pasukan, asul na ito - simbolo ng pagtatapos; at sana simbolo ng aking matagumpay na pakikipaglaban sa isa sa mga biyaya ng buhay bilang isang Atenista, anak, kapatid, at kaibigan.

Sunday, March 8, 2009

Ang Last Day ni Kuya Jhun

Isang buwan nang huli ang post na ito. February 8, 2009 natapos ang kontrata ni Kuya Jhun, pero ngayon ko lang magagawan ng post ang tungkol sa kanya.


Kagaya ng nakasanayan ko nang gawin, nagpunta ako sa Gateway matapos ang nag-iisang klase ko tuwing Martes. Hindi na ako kumain ng tanghalian dahil na rin nagtitipid ako. Hindi ako kumain noong araw na iyon para may pang-load ako sa Timezone dahil nga panandaliang nawala ang Student Promo nila dahil malapit na ang Christmas Break. Sayang kasi talaga. Ipakita mo lang ang ID mo kapag magpapa-load ka ng P200.00, at magiging P300.00 ang load mo. Hindi ako gastador na nauubos ko ang load na iyon sa isang araw, ang katotohanan niyan ay ipinagkakasya ko na ang load na ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo. Mahigpit na kung mahigpit ang sinturon ko noon, yun nga lang, sa Timezone.

At dahil sayang na sayang ako na wala na ang promong iyon, tinanong ko sa isang kuya doon kung ibabalik pa ba nila yung Student Promo ng Timezone.

Sir, sa isang taon na po. Isasabay po sa pasukan.

Oo nga naman.

Kinabukasan, sa rason na hindi ko na matandaan, nagpunta ulit ako sa Timezone. Nakasalubong ko si kuya na pinagtanungan ko noong nakalipas na araw, at sa isang hindi inaasahang pagkakataon, tumango siya noong nakita niya ako. Ngumiti na lang ako pabalik. Lumipas ang isang linggo, at nangailangan ko na ulit magpaload dahil P100.00 lang ang pinapa-load ko. Sa mga sandaling iyon, si kuya pala ang nakatoka sa Timezone sa Food Express, at sa kanya ako nagpa-load dahil gusto kong maglaro ng Tekken 6. Pagkatango niya sa akin at pagkangiti ko sa kanya, inabot ko na ang card ko kasama ang pera.

Sir, dagdagan ko kayo ng free game ha.

Natuwa ako dahil yun rin ang ginagawa ni Ate Myles kapag nagpapaload ako sa kanya.

Masayang-masaya akong naglaro ng PercussionFreaks 5th Mix. Pagkatapos noong una kong kanta doon, nilapitan ako ni kuya at inabutan ako ng higit sa limang Free Two Games na coupon.

Sir, eto o, free games pa.

At lalo pa akong naging masaya. Ang babaw kasi ng kaligayahan ko, at masaya ako na mababaw ang kaligayahan ko.

Simula noon, nag-usap na kami ni kuya tungkol sa kung anu-ano. Dahil isang linggo siyang toka sa ibaba, marami ring pagkakataon na nag-usap kami.

Kuya, Rudolf. Iniabot ko ang kamay ko.

Jhun.

Makalipas ng ilang linggo, naging mas personal na ang mga pinag-uusapan namin ni Kuya Jhun. Ikuwento niya sa akin na hindi siya nakapagtapos sa PMI dahil naging tambay raw siya ng bilyaran sa kanila. Dati raw siyang panadero, at naikwento niya sa akin yung dating nag-apply siya sa isang hotel bilang isang pastry chef. Nakakatuwa dahil parang natupad raw ang mga pangarap ni Kuya Jhun dahil kumpletong-kumpleto raw ang mga kagamitan sa hotel na sinubukan niyang pinasukan. Naikwento rin niya sa akin kung gaano kahirap ang trabaho doon sa Timezone lalung-lalo na kapag straight shift sila, ngunit kahit ganoon, gusto niya raw sanang doon na lang manatiling nagtatrabaho sa Timezone. Doon ko nakita na napakabait talaga ni Kuya Jhun, gaya nga nang sabi sa akin ni Ate Myles noong hindi pa tapos ang kontrata niya.

At lumipas pa ang ilang araw, doon ko na nalaman na isang napakarelihiyosong tao ni Kuya Jhun. Naging libangan raw niya rati ang pagbabasa ng Bibliya, at siya pa lang ang alam ko na nakabasa na ng buong Luma at Bagong Tipan. Ang dami niyang itinuro sa akin tungkol sa Diyos. Tinuruan niya ako ulit maniwala sa Panginoon at magpasalamat sa Kanya sa mga biyayang natatanggap ko sa araw-araw.

Dahil kay Kuya Jhun, muli kong naramdaman ang kapayapaang matagal ko nang hindi naramdaman sa pagdadasal ng taimtim at nang buong puso. Natuto ulit akong umasa sa mga magagandang umaga sa pagtatapos nang kahit na isang kalunos-lunos na araw.

Pero isang buwan na ang nakalipas mula natapos ang kontrata ni Kuya Jhun sa Timezone. Sa kasamaang palad, hindi na-extend ang kontrata niya doon at kinailangang magpaalam na. Halos tatlong linggo na rin ang nakalipas noong huli niya akong tinext na naghahanap siya ng trabaho sa may Ayala habang nakasakay sa dyip. Tinanong ko na rin sina Kuya Joel at Kuya Aries kung may balita ba sila kay Kuya Jhun, at sabi rin nila, hindi na siya nagpaparamdam.

Kuya, kung naasan ka man ngayon, maraming salamat. Hindi mo lang alam, pero ikaw ang isa sa mga taong nagpabago ng buhay ko. Mamimiss ko ang mga forwaded messages mo sa aking tuwing umaga. Ingat ka palagi, at sana, i-text mo ako kung kumusta ka na. Lagi kong ipagdadasal ang patuloy na mga biyaya para sa iyo at pamilya mo.

Saturday, March 7, 2009

Endangered Specie(s?) Protection Program

Paminsan talaga, hindi mo inaasahan ang mga nangyayari sa buhay mo. Akala mo, wala ka nang kinabukasan, yun pala, may isang napakaliwanag na bukas ang naghihintay sa iyo. Hindi mo lang ito makita dahil nilulunod mo ang iyong sarili sa mga luha mong dulot ng kawalan na ng pag-asa. Hindi naman kita masisisi kung sadyang mapagbiro ang takbo ng panahon para sa iyo. Totoo naman kasing napakaraming mga pangyayari ang hindi mo inaasahan na hiniling mo na sana nagkaroon ka ng isang uri ng kapangyarihang mabago ang mga ito. Nakalulungkot lang kasing isipin na kailangan mo pang umiyak at magluksa para lamang makita mo ang ngiti ng bukas at mawaksi sa kalungkutan. Pero nananatili pa rin sa pinakamalalim na bahagi ng iyong pagkatao ang kawalan ng pag-asa sa umaga't sa gabi dahil nababagabag ka na sa paglipas ng panahon, babagsak ka na naman sa isang balon na kung saan hindi mo makita ang liwanag sa bibig nito.

Kailangan lang talaga maniwala sa sarili.

At kailangan rin magdasal sa Diyos hindi para bigyan tayo ng lakas, ngunit para bigyan tayo ng oportunidad na maipakita ang kaya nating gawin.

Lord, salamat talaga sa araw (kahapon) na ito.

Sunday, January 25, 2009

Dream > Income?

Kinse bago mag alas-nuwebe ang pinag-usapang oras na magkikita-kita sa Cathouse. Dahil kinse pasado ng alas-otso na, dali-dali siyang isinuot ang kanyang pinaka disenteng polo shirt. Nagkandarapa siya sa pamimili kung ang itim ba o ang kulay-kaki niyang katad na sapatos ang kanyang isusuot. Unang beses niya kasing pupunta sa Ortigas upang kumuha ng isang eksamen para sa kanyang on the job training sa Abril. Sa gulo ng kanyang isip at dahil wala ang kanyang nanay dahil pinaihi niya ang kanilang aso, nauwi na lang siya sa isang sapatos na hindi niya masyadong sinusuot dahil lagi niyang nayayapakan ang kanyang pantalon tuwing iyon ang sapatos niyang suot. Paspasan niyang kinuha ang kanyang kakaunting ipon sa kanyang alkansyang dati'y lalagyan ng brief, at humaharurot na bumulusok palabas ng bahay. Pinalad naman siya dahil sa kanyang paglabas, nakasakay agad siya ng traysikel na ihahatid siya sa lugar kung saan sila magkikita ng kanyang sasabayang kaibigan. Habang unakabilad sa araw at unti-unting bumabakat ang pawis sa kanyang polong madaling mabasa ng pawis, inisip niya kung aabot ba sila sa eksamen nilang nakatakda sa ikasampu ng umaga. Kinakabahan, pinagpapawisan, at tinitingnan kung bumabakat na ba ang kanyang pawis sa kanyang polo, dumating na ang sasakyan ng kanyang kaklase. Binati niya ang nanay ng kanyang kaibigan, at sinuklian siya ng mga katagang

Rudolf, nag-mature ang itsura mo.

Dahil masyado siyang abala sa pag-iintindi sa polo niyang binabakatan na ng kanyang pawis, hindi na niya ito nabigyan ng kaukulang pansin. Mabilis nilang binaybay ang kahabaan ng Commonwealth. Mukhang magiging ayos na ang lahat. Hindi sila mahuhuli dahil sa tulin ng kanilang pagpasada sa Commonwealth. Ngunit dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari na lagi namang nangyayari, nahuli sila ng dating sa lugar na pinagkasunduan. Dumating sila doon ng kinse pasado alas-nuwebe, at nagsimula na naman siyang kabahan dahil hindi rin nila masyadong kabisado ang Ortigas, isang mundong ibang-iba sa mundong ginalawan at ginagalawan nila. Ngunit makalipas ang ilang sandali, nagkita-kita na rin sila sa wakas. Ang pagsasama sama na ito ay ang simula ng isang masaya at magulong biyahe mula Katipunan Avenue tungong Exchange Road.

Naging isang bitukang pasikut-sikot ang mga kalye ng Ortigas para sa kanilang mga mata. Ngunit kahit papaano, nakita't natunton nila ang Philippine Stock Exchange Center noong sumapit ang pito makalipas ang ika-sampu ng umaga.

Namangha sila sa laki ng gusaling iyon.

Matapos nilang magulantang at panandaliang mawala sa dami ng elevator ng West Tower, dali-dali silang nagpunta sa ika-dalawangpu't walong palapag hindi para tumalon palabas ng bintana, kung hindi para kunin na ang kanilang eksamen.

Kasama si Flora, umakyat sila ng isa pang palapag at pinaupo isang kwarto na tila pang-eksamen talaga. Kinuwento niya kay Flora na medyo nahirapan silang matunton ang lugar dahil unang beses pa lang nila magawi sa parte ng Ortigas na iyon. Tinanong kasi ni Flora kaya niya sinabi.

Matapos ang pagpapakilala, ipinaliwanag ni Flora gamit ang kanyang napakahinang boses ang ginagawa nila sa Azeus. IT solutions ang pakakarinig niya, at sa totoo lang, tila hindi siya interesado dahil manghang-mangha pa siya kung gaano ka-office ang feel ng loob ng kwarto kung saan sila ikukulong.

...and there will be an allowance of P450.00 a day.

Napaiktad ang karamihan sa kanila, ngunit miski naikubli ang kanilang nararamdaman, nawindang silang lahat. Hindi nila makontrol ang paglaki ng butas ng kanilang ilong tuwing hihinga sila. Nanlaki ang kanilang mga mata sa mga katagang iyon.

Ngunit napaisip siya noong sinabi ang mga katagang "four hundred fifty a day". Ngunit biglang nawala ito sa kanyang isipan dahil may sinasabi pala si Flora. Mas narinig pa niya ang kaluskos ng mga paa ng ipis kaysa sa boses ni Flora.

The test consists of ten items. The passing is seven, and the test will be for an hour. I will be monitoring you from downstairs and will get your papers after an hour.

Good luck!

Naging madali ang unang dalawang tanong, ngunit hanggang doon na lang iyon. Ngunit kahit na alam niyang malabong siya'y makapasok sa Azeus bilang isang intern, ginalingan pa rin niya dahil maaari siyang kumita ng malaki kung papalarin siyang makapagtrabaho doon.

...

Okay, please finalize your answers.

...

Pass your papers forward along with the copy of your transcript.

Pinasa niya ang kanyang papel na puno ng duda sa kanyang sarili. Bahala na, sabi niya sa sarili niya. Tutal, nasa kabilang gusali lang naman ang Chikka, at doon naman talaga niya gustong pumasok.

Habang naglalakad papuntang Megamall dahil pare-pareho nang kumakalam ang kanilang mga sikmura, napatigil siya ng sandali. Sinubukan niyang alalahanin ang tunog ng boses ni Flora noong inusal niya ang mga salitang mangangahulugan nang mahigit sa P17,000.00 para sa tatlong daang oras na kailangan nilang bunuin. May kakaibang pakiramdam ang namayani sa kanyang loob. Hindi pa niya ito nararamdaman kahit kailan. Tumingin siya sa langit na nagbabadya ng ulan, at tinanong ang sarili kung ano ang nangyari sa kanya.

Ano nang nangyari sa kanyang mga pangarap? O kung anong mga bagay lang iyon na ibinabalot niya bilang ang kanyang mga pangarap?

Eh, ano ba naman, may isang taon pa tayo ano!

Pumasok sila sa loob ng Megamall at sinalubong ng malamig na simoy ng aircon. Ibang-iba sa init na namamayagpag sa konkretong mukha ng Ortigas, ngunit hindi nalalayo sa lugar kung saan niya gustong mamalagi tuwing gulung-gulo ang kanyang utak at uhaw na uhaw ang kanyang pinakaloob para sa isang katahimikang sa isang lugar lang niya natagpuan.

Friday, January 23, 2009

Dream > Income

Hindi ko lang talaga alam kung bakit.

Nagsimula ang napakalakas kong pagnanasa na magtrabaho sa Timezone bilang isang mas mataas pa sa Customer Service Assistant noong malaman ko kay Ate Myles na natapos na ang kontrata ni Kuya Ryan sa Timezone sa may Gateway. Simula noon, hindi na naalis sa aking utak ang asul na uniporme ng mga tauhan sa Timezone. Tumatak na sa aking isipan ang mga dingding ng lugar na iyon. Tuwing hihinto ang panahon sa sarili kong mundo, biglang aandar sa aking mga ala-ala ang mga oras na kung saan napapalibutan ako ng mga hiyaw na nagmumula sa dose-dosenang arcade machine na ibinabaon ang aking mga problema sa isang panandaliang panibugho ng katotohanan at buhay. Bigla ko na lang masasalat ang aking Powercard sa kaliwang bulsa ng aking maong na kupas, at magsisimula ang tila isang hindi totoong pagsulong papunta sa maliit na piraso ng katahimikan.

Hindi ko na talaga alam kung bakit.

Ngayon, sa bugso ng mga malalaking kompanya na inaakit akong maging intern sa ilalim ng kanilang malahiganteng mga anino, nagsisimula nang mawangis ang dating napakatatag na determinasyon kong magtrabaho sa Timezone. Unti unti nang nagiging isang malaking katanungan ang aking kagustuhang magtrabaho sa lugar na puno ng ingay at saya. Isa-isang napundi ang napakaraming ilaw na pinanatiling maliwanag ang pangarap kong ito


hanggang ngayon.

Rudolf (1/23/2009 12:46:46 AM): eh kasi
Rudolf (1/23/2009 12:46:55 AM): napapaisip ako kung may career ba talaga ako sa timezone
Rudolf (1/23/2009 12:49:20 AM): kasi alam mo yun?
Rudolf (1/23/2009 12:49:31 AM): parang yung mga inaaplyan ko for ojt parang ang big time talaga
Rudolf (1/23/2009 12:49:40 AM): tapos kagaya nga ng sabi ni kuya joel sa akin
Rudolf (1/23/2009 12:50:00 AM): parang sa small time lang ako magtatrabaho?
Rudolf (1/23/2009 12:50:03 AM): i mean
Rudolf (1/23/2009 12:50:21 AM): gusto ko talagang magtrabaho doon
Rudolf (1/23/2009 12:50:33 AM): pero parang for how long?
Meki (1/23/2009 12:50:36 AM): dream > income
Meki (1/23/2009 12:50:42 AM): well para sa kin
Rudolf (1/23/2009 12:50:45 AM): yeah ako rin naman eh
Meki (1/23/2009 12:50:47 AM): hahaaha
Rudolf (1/23/2009 12:51:00 AM): ewan ko
Rudolf (1/23/2009 12:51:09 AM): may isang taon pa naman ako para pag-isipan lol

Pero sa totoo lang, gusto ko pa ring magtrabaho doon. Kahit tutol si Mamie, kahit hindi na ako kilalanin ni Dadee

sa ngayon, gusto ko pa ring magtrabaho doon.





Hindi naman masamang managinip ng gising, hindi ba?

Tuesday, January 20, 2009

Katahimikan

Noong Lunes sa aking Ph102 class, tandang-tanda ko ang mga katagang ito ni G. Mariano miski na mapungay na ang aking mga mata sa antok:



"Bakit tila ang mga Filipino, takot sa katahimikan? Kailangan parati na lang maingay."



Totoo nga bang takot tayo sa katahimikan kaya tayo masasabing isang maingay na bansa? O sadyang maingay lang talaga tayong mga Filipino?

Hindi ko alam. Ang daming bumabagabag sa aking isipan ngayon. Mga resume na kailangan pagandahin para makakuha ng maayos na practicum sa April; mga project na kailangan ipasa; mga bagay tungkol sa aking kinabukasan na hindi ko alam kung bakit ngayon pa lang, naiisip ko na; mga pagsusulit na lagi na lang inuurong ang petsa sa aming ikinadidismaya; mga kung anu-anong mga damdaming ayaw ko nang sabihin; at pag-aalala dahil sa loob ng isang buwan, matatapos na ang kontrata nina Kuya Jhun at Kuya Joel sa Gateway.

Pero kahit papaano, unti-unti akong nakahahakbang paharap dahil sa isang sandigang ngayo'y aking sinasandalan. Ito ang asul na rosaryo sa aking bulsa. Ngunit ang tunay na anyo ng aking inaasahan,


sa katahimikan ko lamang nakikita't nararamdaman.

Tuesday, December 23, 2008

Kung Wala Kayo...?

Paano kaya kung:

Walang mga basurero na nangongolekta ng mga basura nating nandidiri tayong hawakan? Ano kayang mangyayari sa atin? Kasi paminsan, pati sa kanila, nandidiri na tayo. Samantalang napakaimportante ng trabaho nila para sa ating sari-sariling buhay.

Walang mga cashier at bagger sa mga supermarket? Kaya kaya nating magcancel ng isang item na naswipe natin ng dalawang beses? Magagawa kaya nating mailagay sa plastic bag ang mga pinamili natin ng maayos at hindi tatapon? Kasi naman, kaunting pagkakamali lang nila, katakut-takot na pagtataray na ang inaabot nila. Taimtim naman nilang tinatanggap ang pagpuputakti ng mga masasakit na salita.

Walang mga janitor sa school? Masisikmura kaya nating linisin ang kubentang nanlilimahid sa ihi at kung ano pa man? Magagawa kaya nating pumasok sa isang banyong nakakahilo na ang baho? Kasi naman, kadalasan, iniirapan lang natin sila.

Walang driver ng mga jeep at bus, at mga kunduktor? Paano kaya tayo papasok sa pamantasan o kaya sa trabaho? Kakayanin kaya nating maglakad? Hindi naman kasi lahat sila, mga barumbado't bastos, pero kadalasan, lahat sila'y natatrato bilang mga bastardong wala nang alam gawin kung hindi magtaas ng singil ng pamasahe at magreklamo tuwing bababa ang minimum o may magbabayad ng student.

Wala na ang mga kasambahay natin sa bahay? Kaya kaya nating maglaba, maglinis, mamalantsa, magluto, at gumising nang maaga? Wala, kadalasan sila'y nababale-wala lang dahil sila'y "katulong" lang naman. Sino ba sila sa buhay natin?

Nakasalamuha ko na sila. Nakinig sa kuwento nila sa buhay. Pinakinggan ko kung gaano na sila nahihirapan sa buhay, pero kahit gipit, nagagawa pa rin nilang tumawa at maging masaya.

At yun ang mahalaga.


Kina Ate Lulay at Ate Rosie, ang aming labandera at plantsadora. Ang galing at ang bilis nilang maglaba at mamalantsa.

Sa mga Kuya ng Halrey, ang nangongolekta ng basura sa aming subdivision. Hindi niyo lang alam, hindi lang basta-basta ang inyong trabaho.

Kay Kuya Ronnie, ang aming jeep driver noong may Tulong Dunong pa kami sa High School. Ang bait ni Kuya Ronnie tuwing maaabutan ko siya sa biyahe.

Kina Ate Aileen, Ate Brenda, Ate Emer, Kuya Tonton, at Kuya Tyrone, ang mga dakilang cashier, bagger, at merchandiser sa Robinsons Supermarket Marikina kung saan ako'y nagtrabaho nang tatlong Sabado. Ang babait nila at hindi nila ako pinabayaang mabagot habang kasama ko sila. Salamat sa mga pabaon niyong kuwento, at sana'y masayang-masaya kayo ngayong pasko dahil iyon lang ang nararapat para sa inyo.

Kina Ate Mhel, Ate Sarah, Ate Myles, Kuya Macky, Kuya Wil, Kuya Son, Kuya Loyd, Kuya Rey,
Kuya Abel, Kuya Joel, at Kuya Jhun, mga staff at mga supervisor sa Timezone sa Gateway. Salamat sa inyong lahat kasi pinananatili niyong Timezone ang Timezone sa Gateway, ang aking takbuhan para makatakas ng sandali sa buhay. Kayang kaya nila ang magkasunod na shift at maging masiyahin pa rin kapag nakakausap ko sila.


Maligayang pasko sa inyong lahat.

Thursday, December 11, 2008

Kaligayahan

Oo. Lahat naman tayo gusto itong makamit. Lahat tayo, gusto maging masaya. Pero iba-iba ang gusto nating mangyari sa ating mga buhay para masabi nating tayo ay "masaya".

Maraming iba't ibang klaseng kaligahayan sa mundo. Malalim, mababaw, seryoso, palabiro, sa iyo, sa akin, at pwede ring sa ating lahat.

At kung kaya lang natin sanang makita ang mga dapat nating makita at maramdaman ang mga dapat nating maramdaman, lahat tayo ay magiging masaya. Nananatili ang problema dahil masyadong ambisyoso ang tao. Masyadong makasarili. Masyado niyang binubulag ang kanyang sarili sa mga pansariling pangako na sa katotohanan, mga delusyong tiyak na papatirin siya upang madapa sa matigas at malamig na sahig ng pagkabigo. Lahat ng bagay na gusto niya, gusto na niyang makuha agad. Hindi niya kayang intindihin kung bakit lagi na lang siyang bigo sa kanyang walang katapusang paghabol sa kaligayahang kayang balutin ang kanyang buong pagkatao na parang isang malambot na kumot sa isang napakalamig na gabi ng Disyembre. Ang kanyang mismong pagnanasa sa kaligayahan ang siyang sumisira sa kanyang dating matatag at matibay na loob. Dahil sa kanyang desperasyong makita ang liwanag sa gitna ng sukdulang kadiliman, pilit niyang ibinubuka ang kanyang mga mata hanggang sa siya'y lumuha na ng dugo; ang tanging bagay na pinapanatili siyang buhay, humihinga, at umaasa.

Hindi ba niya alam na dapat hindi hinahabol ang mga mumunting paru-paro? Na hindi ito dadapo sa kanya hangga't hindi siya maupo sa payapang kapatagan, ipikit ang mga matang pagod na sa kakaiyak, at pakinggan ang pagtibok ng kanyang puso?

Hindi ba niya alam na sa gitna ng absolutong dilim, makikita niya ang isang sinag ng liwanag ng walang kahirap-hirap? Na hindi na niya kinakailangang lumuha ng dugo para lamang mabasag ang kalungkutang bumabalot sa kanyang kadiliman?

Pilit niyang inaabot ang tagpuan ng langit at lupa, kung saan lumulubog ang araw. Hindi ba niya alam na kailanman, hindi niya ito maabot?

Pilit niyang hinihintay ang bukas na dumating. Hindi ba niya alam na kailanman, hindi ito darating?

Ayaw niya kasing makita kung nasaan siya. Ayaw niyang intindihin na ang bukas, kailanman, hindi magiging ngayon.


Ang tao nga naman.

Hindi marunong maghintay.

Ngunit hindi natin sila masisisi, dahil nakakapagod ang maghintay. Alam kong alam mo na iyon.




Pagod na ako, ngunit kahit papaano, masaya ako.

Sana ikaw rin.

Monday, December 8, 2008

Ang Ubuntu 8.10 sa Laptop ni Rudolf

Noong bata ako, may hilig na talaga ako sa mga computer. Marahil dahil lagi akong nakakulong sa bahay ang isa sa maraming rason kung bakit ako nahilig sa mga ito. Kinagisnan ko na rin sa aming bahay ang monochrome monitor ng aking namayapang Tita Nene. Hindi ko na nga alam kung ano bang tawag sa computer na iyon, pero yun yung computer na iisa lang ang kulay na kayang i-display, at ang kulay na iyon ay ang kulay berde. Yun yung berdeng matingkad; mas matingkad pa sa mga damong nakabilad sa init ng araw sa tanghali. Hindi ko na masyadong maalala kung paano ba iyon gumagana. Basta, ang naaalala ko na lang ay ang Wordstar program nito kung saan nagsusulat ang aking Kuya ng mga istorya niyang bastos na kinabibilangan nina Taguro at Jeremiah, at yung isang larong nalaman namin na naroon pala dahil ipinakita sa amin nung technician isang beses na masira ito. Zaxxon ang tawag doon, at isa kang piloto ng isang fighter jet. Nakakainis lang ang larong iyon dahil tuwing gagamitin mo ang iyong baril, nababawasan ang iyong fuel. Kailangan mong lumipad nang mababa at sumira ng mga lalagyan ng langis para dumami ang iyong fuel. Pero nilaro ko pa rin ito ng nilaro dahil wala naman nang ibang laro sa computer na iyon, at wala rin naman akong makakalaro sa bahay dahil laging wala ang mga magulang at kapatid ko. Ayaw ko namang maglaro sa labas dahil mainit, at ayaw kong pagpawisan. Wala rin naman kasi akong makakalaro sa labas dahil wala akong kababata, lahat sila ay kasing gulang nina Kuya o kaya ni Ate, at hindi naman kadalasang nilalaro ng isang manlalaro lang ang patintero, tumbang preso, agawan base, habulan, at taguan.

Isang Linggo, umuwi kami ng aking pamilya sa Bulacan, tulad nang nakasanayan na naming gawin. Pero may iba sa bisita naming iyon. May Super Famicom na ang pinsan kong si Jerome. Dito na nagsimula ang pagnanasa kong magbakasayon ng matagal na matagal sa bahay ng pinsan ko para lang makapaglaro ng Street Fighter ng buong magdamag. Gusto kong matutunan kung paano gawin ang Flaming Hadouken ni Ryu, Shin Shoryuken ni Ken, at Yoga Flame ni Dhalsim. Ngunit isang pagkakataong natulog ako doon, hindi rin ako nakapaglaro ng buong magdamag dahil wala na akong iniisip kung hindi si Mamie. Mama's boy kasi ako, at dati, hindi ko kayang mawalay sa kanya.

At makalipas ang ilang araw, parang bomba atomikang kumitil sa libu-libong taong pinipigilan ang kanilang utot ang pagsabog ng katagang 'PlayStation'.

Nagkaroon ako ng mga kaibigan sa aming subdivision dahil sa PlayStation. Hindi ko na naramdaman ang paglalaro ng patintero sa mga kalsada dito sa Filinvest. Hindi ko na naramdaman ang matuyuan ng pawis habang kumakain ng kalihim at coke na nakaplastik sa may gate pagkatapos maglaro ng habulan. Hindi na ako nakapaglaro ng taguan doon sa liblib na lugar sa may bakanteng lote apat na kalye mula sa aming bahay. Lagi na lang kaming pumupunta sa bahay nina Pael at Ayo, at doon naglalaro ng kanilang PlayStation. Nagpatayan kami sa Tekken 3, Kill Thrill, at sa Samurai Showdown 3 at 4. Lagi kong ginagamit si Angel dahil meron siyang laser beam na lumalabas sa kanyang noo, ngunit lagi lang akong tinatalo ni Pael gamit si Baek. Si Belladona naman ang gamit ko sa Kill Thrill, ngunit hindi ko alam kung bakit ako ang una nilang pinupugutan ng ulo, binabalian nang lahat ng buto sa katawan, o kaya sinasaksak ng isang milyong beses sa lima at kalahating segundo. Lagi rin akong talunan sa Samurai Showdown dahil wala na akong ibang alam gawin kung hindi ang Icicle Attack ni Rimururu. Kaya noong bumili si Mamie ng bagong computer na may Windows 95, tumigil na ako sa pagpunta kina Pael. Lagi naman kasi akong natatalo doon, at nagsasawa na ako sa mga hinahanda nilang miryenda dahil parang yun at yun lang din. Pero masarap ang spaghetti nilang may dahon ng laurel, miski na nagtae ako pagkatapos kong kumain nito. Pinagtitripan na rin kasi ako nina Kimi at ni Chino e.

Sa unang pagbukas ko ng aming bagong computer na iyon, naramdaman ko sa aking sarili na ayaw ko nang pumunta kina Pael para lang maglaro ng PlayStation nila. Kuntento na ako sa TriviaMaze ng Encarta, at masaya na rin akong panoorin ang Kuya ko na maglaro ng Diablo.

Lumipas ang mahigit sa isang dekada, ngunit ganoon pa rin ang nangyayari. Nag-iba na ang mga pangalan: Windows XP Professional na ang dating Windows 95 at PlayStation 2 na ang dating PlayStation lang. Ngunit ganoon pa rin ako, sa aking palagay. Dahil sa kanila, naging ganito ako. Pero ninais ko na rin siguro ang mga nangyari kaya ito ako ngayon, sinusubukan ang bagong operating system na ininstall ko sa aking laptop. Siguro, kung nakapaglaro ako ng patintero sa ilalim ng katirikan ng araw; siguro, kung nangati ako matapos maglaro ng taguan sa matalahib na bakanteng lote; siguro, kung hindi ko kinulong ang sarili ko sa bahay noong bata ako, hindi ako magiging isang nerdoks na wala nang ginawa kung hindi kumain, matulog, umutot, tumae, at magbasa nang magbasa ng code ng isang program.

Pero masaya na ako sa kinalalagyan ng buhay ko ngayon. Kahit papaano, masasabi ko sa sarili ko na kuntento na ako sa daang tinatahak ko ngayon.




Ayos naman pala ang Ubuntu.

Thursday, November 27, 2008

Ang Last Day ni Ate Myles

Matapos ang isang nakakapagod na araw sa school, kumain kami ng aking mga kaibigan sa Jollibee. Nakagawian na naming gawin ito matapos ang mga Martes at Huwebes na nakakalusaw dahil dirediretso ang aming mga klase. Kinakailangan pa naming tumakbo ng halos isa't kalahating kilometro sa pagitan ng aming mga klase dahil kung hindi, mahuhuli kami. Matapos ang isang araw na kung saan kinainisan namin ang layo ng CTC sa Bellarmine, nagpunta ako sa Gateway upang magsayang ng oras. Nakakatuwang isipin ngayon na kahit na gahul na gahol na ako sa oras dati, nagagawa ko pa ring magpunta sa Timezone para magliwaliw. Nagagawa ko pa ring maglaro ng Percussion Freaks at DrumMania miski na may deadline ako kinabukasan.

Tulad ng lahat ng bisita ko sa Gateway, lagi muna akong nagpupunta sa Timezone sa ibaba dahil kaunti lang ang tao doon. Doon, nakita ko ang isang staff ng Timezone na kinukulit ng isang batang paslit.

Ate, ate, swipe mo ako doon! Bilis!

Nakakatuwang panoorin ang batang iyon habang kinukulit ang babaeng staff. Ang kulitan nila ay nauwi rin sa pag-swipe ni Ate ng kanyang Staff Powercard sa ipinipilit noong batang maliit.

Naku bata ka, mawawalan ako ng trabaho sa iyo eh! Napahagikgik si Ate.

Matapos puntahan ang mga nagpaload, napadaan si Ate sa harap ko.

Kapatid mo? Sabay turo sa batang naglalaro ng skateboard.

Ay naku, hindi ano! Napapalo si Ate sa aking braso sa tawa.

Doon nagsimula ang aming pagkakaibigan ni Ate Myles. Simula noon, hindi ko pinalampas ang kahit na isang punta ko sa Gateway nang hindi ko siya nakakausap. Kung anu-ano ang pinag-usapan namin ni Ate Myles. Mula sa batang iyon na lagi siyang kinukulit, yung crush niyang nanakawan ng limang libo dahil aanga-anga, trabaho niya, pati na rin sa buhay pag-ibig ko. Siya kasi eh. Nakita niyang medyo malungkot ako, at miski itinanggi ko, hindi siya natinag sa kanyang nakita. Sinabi ko kay Ate Myles dahil nakita na rin naman niya, at medyo nalulungkot talaga ako noong mga panahong iyon.

Ay, talaga? Ganun ka?

Nakakatuwang kausap si Ate Myles. Lagi kasi siyang nakangiti miski alam mong pagod na siya sa trabaho niya maghapon. Tuwing kakausapin ko siya, hindi mawawala sa kanyang mukha ang ngiti. Tuwing may aasikasuhin siyang customer, para bagang lagi siyang puno ng sigla at saya. Tuwing pupunta ako sa Timezone sa Gateway, hinahanap ko palagi ang isang maliit na babaeng laging nakatali ang buhok na halos hanggang baywang, malalim ang mata, matinis ang boses, at laging nakangiti o tumatawa.

Yan si Ate Myles.

Nakalulungkot na hindi ako nakapagpaalam ng mabuti sa kanya kahapon. Nagkagulu-gulo kasi ang hindi ko ba alam kung ano. Nagkabulutong siya kaya nawala siya sa Gateway ng halos isang linggo. Noong Martes, nakita ko siya sa harap ng counter, nakatayo, at nakangiti.

Ang tagal mong nawala! Anong nangyari sa iyo? Bulutong!

Ikaw ha, nakikitsismis ka na rin!

Napatawa kami ng husto. Nalaman kong may bulutong si Ate Myles kay Kuya Jhun, at dahil isang linggo na rin siyang wala.

Dahil sasandaling panahon ko na lang makikita si Ate Myles, nagpunta akong Timezone kahapon, miski na hindi talaga ako pumupuntang Timezone tuwing Miyerkules. Sabi ni Ate Myles sa akin, last day na raw niya ngayong Huwebes, at opening shift pa siya. Nagkuwentuhan din kami tungkol sa kanyang bulutong at sa kagustuhan niyang bigyan ako nito, sa bulutong ko noong bata pa ako, kung saan siya nakatira, hanggang sa mga weekender at ang pagtatrabaho sa Timezone.

Kaya kanina, nagmadali akong pumunta ng Timezone dahil last day na ni Ate Myles. Pagdating ko doon, hindi ko siya nakita.

Kuya, andyan pa ba si Ate Myles? O nag-out na?

Ano sir, kahapon pa po siya natigil.

Ha?! Akala ko ngayon ang last day niya?

Hindi ko alam kung anong nangyari. Nalungkot ako dahil nangako ako kay Ate Myles na hahabulin kong makarating sa Timezone kanina bago mag-6:30ng. Nalungkot ako dahil hindi ako nakapagpaalam sa kanya ng maayos.

Nagpaikut-ikot ako sa Timezone habang iniisip kung ano nang nangyari kay Ate Myles. Hindi ko na alam kung saan siya magtatrabaho. Ni hindi ko na alam kung magkikita pa kami ulit kahit kailan. Napatitig ako sa dumidilim na kalangitan sa labas. Nakiusap ako sa langit na iyon na sana, ipadala kay Ate Myles ang aking pasasalamat dahil talagang naging masaya ako sa Timezone tuwing nakakausap ko siya. Paglingon ko, nakita ko si Kuya Jhun, nakatayo. Tumango siya sa akin noong nakita niya ako. Ngumiti ako, at nilapitan siya.

Kuya, kahapon pala ang last day ni Ate Myles...

Ha? Kahapon ba? Off kasi ni Kuya kahapon, sa aking pagkakaalam.

Nagmadali nga ako ngayon kasi ang sabi niya, ngayon daw ang last day niya eh.

Umalis sandali si Kuya dahil may kailangan siyang gawin. Bumalik naman siya agad.

Akala ko sa katapusan pa?

Yun din ang akala ko e. Pero kahapon daw ang last day niya, sabi ni Kuya doon.


Hay. Naman talaga.

Ate Myles, mamimiss kita. Ingat ka lagi ha. At kung saan ka man magtatrabaho, sana hindi mabago ang ugali mong nakakapagpagaan ng loob. Miski na hindi tayo naging talagang magkalapit na magkaibigan, isa ka sa mga taong hinding-hindi ko malilimutan kahit kailan. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na nagpakilala ako sayo at nakipagkamay. Hindi ko malilimutan ang sabay nating pagsigaw ng Aaaaaaaa! noong tayo ay nagkakilala sa pangalan.

Ingat ka lagi.

Friday, August 22, 2008

Semikal Tres

Matagal ko nang gustong magpasemikal. Ngunit hindi ko ito magawa dahil lagi na lang tumututol si Mamie. Hindi ko alam kung bakit ayaw niya akong magpagupit ng semikal, miski yung hindi maikling maikli ang buhok. Nagdadalawang-isip din ako kahit papaano dahil una, meron akong puting marka sa aking noo dahil nagkaroon ako ng vetiligo noong ako'y sanggol pa, at ikalawa, baka hindi bagay sa akin ang semikal dahil sa aking pagsasalat at paghihimas sa aking ulo, tila yata hindi maganda ang hugis nito. Tinanung-tanong ko rin ang aking mga kaibigan, at sinabi nila na baka nga raw hindi bumagay sa akin ang semikal. Medyo patag kasi ang likod ng ulo ko. At ang sabi pa sa akin ni Ate noong isang araw, ang semikal daw ay para lamang sa mga gifted.

Kaya kanina, nagpasemikal ako. Sinunggaban ko na ang pagkakataong wala sa bahay si Mamie dahil may project siya sa Mindoro.

Pagkababa ko ng bus galing sa Gateway, tumungo agad ako sa parlor ni Milai. Wala siyang inaasikaso, kaya natanong ko agad siya kung babagay ba sa akin ang semikal.

Oo naman noh, 'di ba nga i-semikal na dapat kita dateh?

Tinanong ko rin sa kanya kung gaano kahaba ang tres.

Mahaba!

Pati na rin yung dos.

Mas maikli sa tres. Yung uno kashi, ano, halos ahit na ahit na.

Sinabi ko na lang kay Milai na tres na lang muna, dahil madaling gawing dos ang tres. Medyo mahirap yatang ibalik sa tres ang dos dahil sandamakmak na pandikit ang kailangan ng prosesong iyon.

Pinaandar ni Milai ang kanyang razor. Napuno ng huni ang buong parlor nila. Ikinabit ni Milai ang ngipin ng razor para sa tres, at sinimulang araruhin ang malago kong buhok.

Ang bilis kasing humaba ng buhok mo eh, ano?

Matapos ang ilang saglit ng pagdaan ng kanyang razor sa aking bumbunan, nakita ko na ang hugis ng aking ulo. Hindi ako makapaniwala dahil maayos naman pala ang itsura nito. Medyo hindi pa lang nga ako sanay tuwing mananalamin ako. Medyo sumasayad pa rin sa isip ko na

Sino ba itong kaharap kong ito? Ang pogi naman niya.
Ay teka, ako ito eh.

Haha. Sabaw na kasi ako sa pag-aaral para sa aking Ph101 oral midterm exam sa Sabado.

At ang gaan-gaan na ng aking ulo.

Thursday, August 21, 2008

Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel

When I woke up yesterday morning, it was raining. The rain poured as if there was no tomorrow. Fighting all the strong urges not to go to school, I readied myself to leave. I stepped outside and looked at the weather. The sky was a deep gray, but somehow, the sun was peeping through the curtain of impending showers. As it drizzled mildly outside, I quickly wore a pair of jeans and shoes, opened my umbrella, and left as soon as possible to take advantage of the slightly nice weather. But things turned bad as soon as I hopped off the tricycle.

The gentle drizzle which broke the sunlight into a wonderful splash of colors suddenly turned into a violent maelstrom that ripped the rays of the sun into nothingness. My puny umbrella was no match against the strong and cold winds that battered the street. I tightly embraced my bag and protected my laptop which was deep within my bag. The rains slightly hampered its attack which left me wet from my belt below.

I decided to turn back, and change. I was in no condition to go to school that wet.

Things raced across my mind as I was heading back home. I told myself I should have had just worn slippers and shorts instead of shoes and jeans. But my back tingled in a negative way whenever I thought of the floodwater which carried whatever things I don't want to mention, or even think about. I have always worn shoes because of that compulsive reason. And in jeans, my legs were kept warm inside my air-conditioned classrooms.

I got home, at ako ay sinalubong ni Ate Rosie, ang aming plantsadora.

Grabe! Biglang bumuhos yung ulan!

Dapat kasi hindi ka na lang pumasok eh! Haha

Nagmamadali akong pumasok sa aming bahay at sumugod sa aking silid. Inalis ko agad ang aking basang pantalon at sapatos at inilagay ang mga ito sa likod ng prigider. Hinanap ko ang shorts kong matagal ko nang hindi nagagamit, at ang tsinelas kong Reva na binili namin kay Kuya Rodel dati.

Kumusta na kaya si Kuya Rodel ngayon? Kumusta na kaya yung asawa niyang may bara sa puso? Hindi ko rin kasi alam kung natulungan nga ba ni Mamie sina Kuya Rodel, eh.

Nagmadali ulit akong umalis ng bahay. Tinangay ko ang isa naming payong dahil walang silbi ang aking payong sa hagupit ng ulan at hangin. Naramdaman ng aking mga paa ang lamig ng tubig -baha, at nabasa ang aking mga binti sa lakas ng buhos ng ulan.

At sa isang hindi kanais-nais na sitwasyon, natubog ang aking paa sa putik.

Sa totoo lang, nandiri ako.

Buti na lang, may malakas na agos ng tubig-baha na kung saan hinugasan ko ang aking putikang paa at puri.

Pero nandiri pa rin ako.

Noong bumaba ako sa Central at tumawid sa tulay, muli na namang nadumihan ang aking mga paa. Diring-diri ako pero wala akong magawa dahil huling-huli na ako sa aking klase. Doon, nakita ko si nanay na hindi makatawid dahil baha. Nilalagpasan lang siya ng mga taong nakakasalubong niya.

Nanay.

Inabot ko ang aking kamay. Malugod na inabot din ito ni nanay at naramdaman ko sa kanyang palad ang malaking pasasalamat.

Ay naku, maraming salamat!

Tinulungan kong tumulay si nanay sa mga batong inihagis niya sa bahang lagpas bukong-bukong.

Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi ako nandiri sa tubig-bahang hindi ko alam kung saang lupalop ng mundo nanggaling at kung ano ang nilalaman.

Napakaganda ng aking pakiramdam na natulungan ko si nanay na makatawid sa may Central. Dahil ako'y nakatsinelas, nagawa ko siyang matulungan, hindi katulad ng ibang mga nakasapatos at nakapantalon. Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel, naramdaman kong muli kung gaano kadiri ang putik sa pa at ang tuyong tubig-baha sa mga binti. Naramdaman kong muli kung gaano nakakailang ang pakiramdam ng may dumi sa talampakan, at ang pakiramdam na matalamsikan ng maitim na putik sa binti.

Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel, naranasan ko ang isang uwang ng buhay ng mga taong nakatira sa laylayan ng lipunan. Dahil sa Reva Slippers ni Kuya Rodel, naranasan kong muli kung gaano kasaya mamuhay habang nilalasap ang mga mumunting bagay na lagi na lang hindi binibigyan ng pansin.

Natuto muli akong umapak sa lupa, at makita ang mga dapat makita.

---

Nagkatinginan tayo
Ngumiti ka
Nabuo ang araw ko.

Tuesday, August 5, 2008

Nakatitig

Ang hina talaga ng loob ko.

Hindi rin naman kasi normal ang kalagayan ko eh. Hindi ito nangyayari sa lahat nga tao. Nangyayari lang ito sa mga taong katulad ko, katulad namin.

---

Lagi akong masaya tuwing Martes, Huwebes, at Biyernes dahil may pagkakataon akong makita kayong dalawa. Off ni ano yata tuwing Martes, at ikaw naman, hindi ko alam. Si ano kasi, lagi kong nakikita sa Timezone. Ikaw, paminsan wala, paminsan naman naroon ka. Pero gusto ko sanang kaibiganin kayong dalawa.

Nagsimula ang lahat noong nakipaglaro si ano sa akin ng House of the Dead. Mula noon, lagi ko nang napapansin si ano tuwing pupunta ako sa Timezone. Dati-rati, isa lamang siyang tao sa likod ng counter, pero simula noong araw na iyon, nag-iba na ang tingin ko sa kanya. Gumaan ang aking loob sa kanya, ngunit hindi ko ito mailabas ng maigi dahil hindi ko alam ang magiging reaksyon niya. Ikinubli ko na lang ang lahat sa aking loob dahil natatakot ako sa kung anong maaaring mangyari.

Ikaw naman, hindi ko alam. Bigla ka na lang sumulpot sa aking paningin noong isang araw habang hinahanap ko si ano. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang damdamin ko para sa iyo.

Simula ng mga araw na iyon, iba na ang pakay ko sa aking pagpunta sa Gateway. Hindi lang dahil maglalaro ako, kundi dahil gusto ko rin kayong makita, kahit na sa malayo lang. Tuwing paalis na ako sa Timezone, lagi kong hinahanap ang inyong mga mukha upang kahit papaano, may maibaon ako sa aking pag-uwi.

Ngunit hindi ko alam kung papaano kayo kakausapin labas sa kailangang itawag niyo sa akin. Gusto ko talaga kayo kausapin hindi lang dahil may kailangan ako bilang isang taong tumatangkilik sa Timezone, kundi dahil gusto kong malaman kung ano na ba ang nangyari buhay ninyong dalawa.

Gusto ko lang sanang itanong kung kumusta na kayo.

Pero hindi ko ito magawa. Natatakot kasi ako.

Kaya pilit ko na lang kinukuntento ang aking sarili sa pagtitig sa inyong dalawa sa malayo habang ginagawa niyo ang inyong trabaho. Kung mangyari mang mapapatingin kayo sa akin, agad kong binabali ang aking titig sa inyong mga mata at kakabahan na bahagya dahil nga natatakot ako.

Ngunit hahanap ako ng paraan upang maipon ang aking tapang para man lang makangiti ako sa inyong dalawa tuwing magkakasalubong tayo ng daan at magtitinginan sa mata ng saglit.



Kinamumuhian ko ang aking sarili dahil hinayaan kong mamulat ako sa mga ganitong uri ng damdamin.

Ngunit sadyang ganito yata talaga ang nakatakda para sa akin.