Saturday, April 4, 2009

Si Nicole

Maganda si Nicole. Maputi, matangos ang ilong, mahaba at mabango ang buhok, mahinhin ngunit paminsan-minsan, napapausal ng mura. Kaklase ko si Nicole sa Ph101 at Ph102 ni Mariano. Ikinuwento ko kay Lucky na crush ko si Nicole, at sa ikinagulat ko, kilala pala niya si Nico. Hindi naman ako kilig to the bones. Hindi ko rin hiningi ang ID niya sa Y!M o kaya ang number niya mula kay Lucky. Hindi ko alam. Siguro hindi ko pa siya sobrang crush noon, o kung crush na crush ko na talaga siya, baka dahil gusto ko na ako ang humingi ng contacts niya mula sa kanya mismo. Parang bang walang nilaga kung walang tiyaga. Type ko si Nicole, pero dahil sa napakagaling kong ugali, lumipas ang isang semestre na wala akong ginagawa. Nakuntento na lang ako sa mga nakaw na silip sa kanyang magandang mukha sa sulok ng aking paningin na si Mariano ang bida. Wala akong magagawa, alangan namang titigan ko siya palagi. Dalawa ang tiyak kong mangyayari: una, pagagalitan ako ni Mike (close kami, kayo hindi) at pagmumukhaing isang malaking hunghang ang kanyang estudyanteng gusto ata tanungin kung available ba ang isa pa niyang estudyante, at pangalawa, matatakot si Nicole sa akin katulad na lang ng pagkatakot ng isang mayuming dalaga sa isang lumilipad na ipis. Hindi halaman si Nicole kaya wala siyang stalk-er. Wehe ang korni.

Kaya nagulat na lang ako sa pagkakataon noong nakalipas na semestre dahil inilapit ni Mike ang upuan ko sa upuan ni Nicole. Sabi nga ni Garde, chance ko na ito para mas makilala si Nicole. Ngunit ang problema, may nakaupo sa gitna namin ni Nicole, si Paolo Duay, at sa kasamaan o kabutihang palad, siya ang mas nakilala ko. Transferee student siya mula sa Ateneo de Davao, at graduating na siya ngayong taon na ito. Kalbo at balbas sarado, magkaibang-magkaiba sila ni Nicole na maganda at mabango sa aking mga mata at ilong. Si Paolo kasi, sobrang maton ang itsura at palaging amoy yosi na pilit itinatago sa Clorets ang amoy. Buti pa si Nicole, amoy pabango ng babae at Doublemint. Pero hindi ko sinasabi na ayaw ko kay Paolo. Ayos nga siyang kausap eh. Hanga rin ako sa mga suot ni Paolo. Lagi siyang naka tight-fit shirt at tight jeans. Kaya tuloy, laging bakat ang kanyang tiyan at ang kanyang kuwan, hita. Ang bastos mo naman.

Lumipas ang semestre, at naunang natapos sa kurso si Paolo. Bakante na ang kanyang upuan ng isang buwan. Lumipat ako sa upuan niya para makatabi si Nicole, at sa malaking ikinagulat ko, kebs si Mike na sobrang maarte sa kanyang seat plan. Siguro dahil nakita niyang wala na akong katabi, at siguro dahil nakita niyang type ko si Nicole. Well siguro yung nauna kasi hindi ko naman ipinapakitang type ko si Nicole. Torpe ako eh. Siguro psychic si Mike dahil sa isang group activity, magkasama kami ni Nicole sa isang grupo. At doon ko nalaman ang Y!M ID ni Nicole, at noong lumaon, ang kanyang numero sa selepono. Pero gaya ng inaasahan sa lahat ng relasyong classmate-classmate, school lang ang silbi ng pagpapalitang iyon.

Pero ayos lang sa akin, dahil naging kaibigan ko na si Nicole. Sa hindi malamang dahilan, nawala na ang pagnanais kong makilala siya sa isang napakalalim na nibel.



Nicole rin ang pangalan ng aso nina EJ. Nakakatuwa ang aso nila na iyon kasi ang hilig matulog sa hita ng tao. Nung minsan na nagpunta ako kina EJ para gumawa ng project sa CS110, tumalon sa hita ko si Nicole at doon pumuwesto ng tulog. Nakakatuwa. Ang init ng katawan niya kaya ang sarap niyang kalungin. Nawawala ang pagod at ang pagkasabaw ng utak ko sa bawat paghipo at paghimas ko sa amoy asong katawan ni Nicole. Ang cute cute niya kasi, at ang init pa niya. Naaalala ko pa ang longganisa factory ni Nicole na bigla na lang gagawa ng isang mahabang-mahabang longganisang dyebs na iiwan niya sa sahig ng bahay nina EJ. Nakakatuwang panoorin siyang pumupu habang pinagagalitan ni EJ dahil kalilinis lang niya ng sahig nila.

3 comments:

DN said...

aw... ikumpara daw si Nicole kay Nicole, the dog. ;P

Jinjiruks said...

haha. sabi na eh. stir.

Anonymous said...

aeRO boy: Pareho silang cute, in their own way. Hindi sila comparable.

Jinji: Hindi ko na nga sinama dyan sina Camille, Sari, at yung babaeng nakasabay ko sa jeep. Masyadong hahaba na yung post at tinatamad ako haha