Wednesday, July 30, 2008

E

Ang isang parte ng aking sarili ay ________ sa inyong dalawa ni Ate Biela.

A. naiinggit
B. naiinis
C. hindi naniniwala o hindi makapaniwala
D. natutuwa
E. lahat ng nabanggit


Hindi ko alam kung bakit napalayo ang relasyon ko sa Diyos. Dati naman, lagi kaming nagsisimba ni Nanay tuwing Sabado ng gabi, o kaya naman kasama ang aking pamilya tuwing Linggo ng umaga. Limang taon na ang nakakalipas noong mga panahong linggu-linggo akong pumupunta sa aming kapilya sa loob ng aming subdivision. Nagugunita ko pa sa aking mga alaala ang pakiramdam ng mga matitigas na upuuan sa kapilya ng Holy Family. Naaalala ko pa ang huni ng mga bentilador sa kisame tuwing tatahamik ang lahat sa pagdadasal. Nadarama ko pa rin hanggang ngayon ang lamig ng simoy ng hangin tuwing alas-siyete at ang maalinsangang pagkairita tuwing umaga.

Hindi ko alam kung bakit nagsimulang maagnas ang aking paniniwala sa Diyos, ngayo't sariwa pa sa aking alaala ang mga panahong ako'y nagdadasal pa tuwing bago matulog. Naaalala ko pa kahit papaano ang huling dalawang linya ng dasal na ginawa ko. Naaalala ko pa kung ano ang pakiramdam ng isang rosaryo sa aking mga kamay na puno ng kasamaan at kasalanan.

Pero bakit nga ba?

Kaya na rin siguro ako naiinggit sa mga tao na kahit gaano sila lunurin ng buhay sa kahirapan at mga pagsubok, nananatiling sandigan ang Diyos. Naiinggit ako sa kanila dahil sila ang mga taong kahit tila mawala na ang lahat ng mahahalagang bagay sa kanilang buhay, nananatili silang matatag dahil alam nilang walang katapusan ang kabaitan at pagmamahal ng Diyos. Sila ang mga uri ng taong hindi kailanman susuko, dahil hindi sila nauubusan ng pagkukunan ng lakas at tibay ng loob.

Naiinis ako sa mga taong laging nagdarasal dahil sila ang dahilan kung bakit nababagabag ang aking maayos na pamumuhay. Ipinapakita nila sa akin na may nangyari sa akin kaya pinakawalan ko na ang kapit ko sa mga kamay na hanggang ngayon, may sugat gawa ng mga makasalanang pako. Hindi ako makapaniwala na iisipin ko ang mga bagay na ito miski na hindi taus-puso ang aking mga intensyon at pagmumuni-muni.

Mga hangal sila. Pinaiikot lamang sila ng kanilang pananampalataya. Hindi ako makapaniwala sa kanila dahil mga taong may pakiramdam at emosyon din sila, ngunit hindi nila nararamdaman ang aking nadarama. Sa abot ng aking makakaya, pinasasalamatan ko lahat ng mga biyayang aking natatanggap, ngunit kahit na gaano karaming kabutihan ang ibinibigay Niya, hindi pa rin ako masaya. Hindi ko hinihingi ang isang mamahaling telepono o kaya'y bagong laptop. Ang gusto ko lang naman ay maging masaya at madama ang tunay na seguridad kapiling ang isang tao. Gusto ko lang naman maging masaya at kuntento kasama ang isang taong tatanggapin ako kung sino ako.

Ngunit hindi ba ito ang hinahanap ng lahat ng tao sa kalunos-lunos na mukha ng mundo?

Marahil, ako ang hangal. Hindi ko lang matanggap na kahit papaano, nakamit na nila ang kaligayahan at katatagang hinahanap ko.

Mahal kasi nila ang Diyos.

At dahil diyan, masaya ako para sa kanila. At kahit papaano, nasasabi kong masaya ako.



Hindi ko alam. At malamang, ayaw kong malaman.

2 comments:

. said...

Ang paniniwala ay kusang nawawala at kusang bumabalik.

Mahalin mo ang tao, matututo kang maging masaya. :)

Anonymous said...

Sana nga. :)