Friday, August 15, 2008

BSOD

Meron yatang chronic illness itong laptop ko. Naayos ko na kasi yung palagiang blue screen of death niya, pero ngayon, bumalik na naman ito. Uminom lang ako ng tubig, at pagbalik ko sa aking kuwarto, ayun na. Lumitaw na naman ang BSOD na 0x0000008E daw ang error. Tumingin-tingin na rin ako ng mga solusyon para sa error na ito, at ayon sa mga nakita ko, baka raw faulty memory o kaya naman ay may driver na kailangang i-update. Maari din daw may underlying process kung bakit nagkakaganito. Hindi naman siguro malicious program ang sanhi ng BSOD kong ito dahil madalas naman akong mag-scan para sa mga virus, malware, at adware.

Hindi ko alam kung bakit nagkakaganito, pero may hinala ako kung tuwing kailan lumalabas ang error na ito. Kung tama ang aking hinala, tuwing mag-iinstall ako ng demanding na program sa aking laptop, babalik ang BSOD status niya hangga't ako ay mag chkdsk /f /r. Halimbawa, ngayon. Nilagyan ko ng Starcraft si lappy, at nagkaroon siya ulit ng dreaded BSOD na ito. Matapos kong gawin ang check disk, naging maayos naman na ulit. Ganoon din ang ginawa ko noong madalas magkaroon ng BSOD dati matapos kong lagyan ng Osu! at Silkroad ang laptop kong ito.

Hindi ko lang talaga matanto kung bakit nagkakaganito. May solusyon naman akong nahanap, pero hindi pa rin akong masyadong mapalagay dahil alam kong may problema. Nakakainis lang kasi dahil nakakagulat at nakakatakot. Bigla na lang kasing lumalabas ang BSOD na ito.

Kung sana lang, may warning. O baka naman yung BSOD na yung warning? Ewan ko ba.



Parang taong papasok sa iyong buhay at sa iyong puso, at sa isang iglap, bigla na lang maglalaho.



Kung may program man ang buhay ko, saan ko kaya mahahanap ang source code? Marami yata kasing error eh. Pero ang weird dito, miski may error, nagkocompile at gumagana pa rin ito.

Hay.

2 comments:

. said...

Ang ganda ng metaphors mo ah. Kapag nag BSOD ang computer ko, magugunaw ang mundo ko. Haha.

Anonymous said...

Hehe. CS Major kasi eh. :p