Thursday, February 7, 2008

CAT/PET/MRI

Para akong tanga talaga. Nagtataka ako ngayong mga nakalipas na araw kung bakit mag-isa na lang akong naglalakad pauwi papuntang sakayan sa ilalim ng flyover ng Katipunan. Ngayon lamang ako nagtataka makalipas ang isang buwan ng mag-isang paglalakad pauwi. Ngayon lang rin ako nagtataka na tuwing sasakay ako sa dyipni pauwi, umuupo ako sa kaliwang bahagi nito. Lagi na lang kasi akong may inaabangang dumaan. Nalulungkot ako kapag hindi ko siya nakitang dumaan, ngunit nalulungkot din ako kung sakaling dadaan nga siya. Hindi ko alam. Miski ako ay nalalabuan. Nalalabuan ako kung bakit lagi pa rin akong umuupo sa kaliwang bahagi ng dyipni at maramdaman ang pagkalungkot at pagkabigo, kung saan naman maaari akong umupo sa kanang bahagi ng dyipni tuwing pauwi na ako mula sa aking paaralan.

Hindi naman siguro ito ang sanhi ng madalas na pananakit ng aking ulo. Lagi nang masakit ang aking ulo, miski kumpleto ang aking tulog. May pakiramdam sa aking ulo na hindi nawawala, o kung nawawala man, bumabalik din matapos ang ilang oras. Bigla rin akong nagkakaroon mga sumpong ng panandalian ngunit malakas na malakas na pagkahilo na kung saan tila bibigat ang aking ulo patungo sa isang direksyon at magsisimulang bumagsak patagilid. Naglalakad ako sa may UP kaninang umaga, bigla ko na lamang naramdaman ang isang matinding sapak ng pagkahilo na kung saan muntik na akong matumba sa aking kaliwa at masagasaan ng isang motorsiklo. Kanina rin habang sinasagutan ang ikalawang tanong sa problem solving tungkol sa mga traffic light at DF-F ng aming mahabang pagsusulit sa Ps140, nakaramdam ulit ako ng isang nakakabalikwas na saksak ng pagkahilo sa aking ulong hirap na hirap na sa kakaisip kung bakit kailangan DF-F ang gamitin, samantalang madali lamang kung MOD16 ang gagamitin sa pagpapatupad ng traffic light na iyon.

Huli kong natatandaang mga panahon na nagkaganito ako ay nung ako ay nasa ikatlong taon ng mataas na paaralan. Naaalala ko pang humiga na ako sa sahig sa sakit habang tinatanong ni Nelvin kung ayos lang ba ako. Ngunit hindi rin masyadong pareho, ang masakit sa ulo ko dati ay ang bandang likod, ngayon naman ay ang bandang harap na may kaunting sakit sa loob sa bandang likod.

Habang inerireklamo ko kay Nelvin ang aking nararamdaman, sinabihan niya akong sabihin ko na lang sa mga magulang ko at magpatingin sa doktor. Ayaw ko dahil ayaw kong mag-alala sina Mamie at Dadee sa akin, pero ang totoo niyan, wala rin namang mangyayari kung sasabihin ko ito. Malamang, sasabihin lang sa akin ni Mamie sa galit niyang tono na dahil lagi na lang akong puyat. Mas maaga na nga akong natutulog ngayon eh.

Sa tingin ko, may namumuo nang bara sa mga daluyan ng dugo sa aking utak. Baka isang araw, mamatay na lang ako dahil sa isang aneurysm. Ayaw ko kasing brain tumor dahil masyado itong mahirap. Maaari rin namang may mali sa aking cochlea at sa mga fluid nito na namamahala ng balance ng isang tao. Hindi ko alam, hindi ko alam.

Hindi ko alam ang rason. HIndi ko alam kung bakit lagi pa rin akong umuupo sa kaliwang bahagi ng dyipni.

Kailangan ko ba ng Computed Axial Tomography, Positron Emission Tomography, at Magnetic Resonance Imaging para malaman?

Huwag. Baka malaman kong may taning na pala ang buhay ko.

2 comments:

Anonymous said...

magpatingin ka na rin sa doktor para sigurado. Tsaka kung maagapan pa ang kung ano (kung meron man) maaagapan na. Hindi naman ata ganoon kalaki ang tsansang may taning ang buhay mo.

Anonymous said...

pakikiramdaman ko muna. bearable pa naman kasi.