Monday, December 8, 2008

Ang Ubuntu 8.10 sa Laptop ni Rudolf

Noong bata ako, may hilig na talaga ako sa mga computer. Marahil dahil lagi akong nakakulong sa bahay ang isa sa maraming rason kung bakit ako nahilig sa mga ito. Kinagisnan ko na rin sa aming bahay ang monochrome monitor ng aking namayapang Tita Nene. Hindi ko na nga alam kung ano bang tawag sa computer na iyon, pero yun yung computer na iisa lang ang kulay na kayang i-display, at ang kulay na iyon ay ang kulay berde. Yun yung berdeng matingkad; mas matingkad pa sa mga damong nakabilad sa init ng araw sa tanghali. Hindi ko na masyadong maalala kung paano ba iyon gumagana. Basta, ang naaalala ko na lang ay ang Wordstar program nito kung saan nagsusulat ang aking Kuya ng mga istorya niyang bastos na kinabibilangan nina Taguro at Jeremiah, at yung isang larong nalaman namin na naroon pala dahil ipinakita sa amin nung technician isang beses na masira ito. Zaxxon ang tawag doon, at isa kang piloto ng isang fighter jet. Nakakainis lang ang larong iyon dahil tuwing gagamitin mo ang iyong baril, nababawasan ang iyong fuel. Kailangan mong lumipad nang mababa at sumira ng mga lalagyan ng langis para dumami ang iyong fuel. Pero nilaro ko pa rin ito ng nilaro dahil wala naman nang ibang laro sa computer na iyon, at wala rin naman akong makakalaro sa bahay dahil laging wala ang mga magulang at kapatid ko. Ayaw ko namang maglaro sa labas dahil mainit, at ayaw kong pagpawisan. Wala rin naman kasi akong makakalaro sa labas dahil wala akong kababata, lahat sila ay kasing gulang nina Kuya o kaya ni Ate, at hindi naman kadalasang nilalaro ng isang manlalaro lang ang patintero, tumbang preso, agawan base, habulan, at taguan.

Isang Linggo, umuwi kami ng aking pamilya sa Bulacan, tulad nang nakasanayan na naming gawin. Pero may iba sa bisita naming iyon. May Super Famicom na ang pinsan kong si Jerome. Dito na nagsimula ang pagnanasa kong magbakasayon ng matagal na matagal sa bahay ng pinsan ko para lang makapaglaro ng Street Fighter ng buong magdamag. Gusto kong matutunan kung paano gawin ang Flaming Hadouken ni Ryu, Shin Shoryuken ni Ken, at Yoga Flame ni Dhalsim. Ngunit isang pagkakataong natulog ako doon, hindi rin ako nakapaglaro ng buong magdamag dahil wala na akong iniisip kung hindi si Mamie. Mama's boy kasi ako, at dati, hindi ko kayang mawalay sa kanya.

At makalipas ang ilang araw, parang bomba atomikang kumitil sa libu-libong taong pinipigilan ang kanilang utot ang pagsabog ng katagang 'PlayStation'.

Nagkaroon ako ng mga kaibigan sa aming subdivision dahil sa PlayStation. Hindi ko na naramdaman ang paglalaro ng patintero sa mga kalsada dito sa Filinvest. Hindi ko na naramdaman ang matuyuan ng pawis habang kumakain ng kalihim at coke na nakaplastik sa may gate pagkatapos maglaro ng habulan. Hindi na ako nakapaglaro ng taguan doon sa liblib na lugar sa may bakanteng lote apat na kalye mula sa aming bahay. Lagi na lang kaming pumupunta sa bahay nina Pael at Ayo, at doon naglalaro ng kanilang PlayStation. Nagpatayan kami sa Tekken 3, Kill Thrill, at sa Samurai Showdown 3 at 4. Lagi kong ginagamit si Angel dahil meron siyang laser beam na lumalabas sa kanyang noo, ngunit lagi lang akong tinatalo ni Pael gamit si Baek. Si Belladona naman ang gamit ko sa Kill Thrill, ngunit hindi ko alam kung bakit ako ang una nilang pinupugutan ng ulo, binabalian nang lahat ng buto sa katawan, o kaya sinasaksak ng isang milyong beses sa lima at kalahating segundo. Lagi rin akong talunan sa Samurai Showdown dahil wala na akong ibang alam gawin kung hindi ang Icicle Attack ni Rimururu. Kaya noong bumili si Mamie ng bagong computer na may Windows 95, tumigil na ako sa pagpunta kina Pael. Lagi naman kasi akong natatalo doon, at nagsasawa na ako sa mga hinahanda nilang miryenda dahil parang yun at yun lang din. Pero masarap ang spaghetti nilang may dahon ng laurel, miski na nagtae ako pagkatapos kong kumain nito. Pinagtitripan na rin kasi ako nina Kimi at ni Chino e.

Sa unang pagbukas ko ng aming bagong computer na iyon, naramdaman ko sa aking sarili na ayaw ko nang pumunta kina Pael para lang maglaro ng PlayStation nila. Kuntento na ako sa TriviaMaze ng Encarta, at masaya na rin akong panoorin ang Kuya ko na maglaro ng Diablo.

Lumipas ang mahigit sa isang dekada, ngunit ganoon pa rin ang nangyayari. Nag-iba na ang mga pangalan: Windows XP Professional na ang dating Windows 95 at PlayStation 2 na ang dating PlayStation lang. Ngunit ganoon pa rin ako, sa aking palagay. Dahil sa kanila, naging ganito ako. Pero ninais ko na rin siguro ang mga nangyari kaya ito ako ngayon, sinusubukan ang bagong operating system na ininstall ko sa aking laptop. Siguro, kung nakapaglaro ako ng patintero sa ilalim ng katirikan ng araw; siguro, kung nangati ako matapos maglaro ng taguan sa matalahib na bakanteng lote; siguro, kung hindi ko kinulong ang sarili ko sa bahay noong bata ako, hindi ako magiging isang nerdoks na wala nang ginawa kung hindi kumain, matulog, umutot, tumae, at magbasa nang magbasa ng code ng isang program.

Pero masaya na ako sa kinalalagyan ng buhay ko ngayon. Kahit papaano, masasabi ko sa sarili ko na kuntento na ako sa daang tinatahak ko ngayon.




Ayos naman pala ang Ubuntu.

2 comments:

Jinjiruks said...

mahirap kaya ang word processor dyan sa ubuntu pati na rin ang parang excel type.

Anonymous said...

Naku, wala akong balak gamitin ang word processor at spreadsheet ng linux ano. Haha.