Tuesday, December 23, 2008

Kung Wala Kayo...?

Paano kaya kung:

Walang mga basurero na nangongolekta ng mga basura nating nandidiri tayong hawakan? Ano kayang mangyayari sa atin? Kasi paminsan, pati sa kanila, nandidiri na tayo. Samantalang napakaimportante ng trabaho nila para sa ating sari-sariling buhay.

Walang mga cashier at bagger sa mga supermarket? Kaya kaya nating magcancel ng isang item na naswipe natin ng dalawang beses? Magagawa kaya nating mailagay sa plastic bag ang mga pinamili natin ng maayos at hindi tatapon? Kasi naman, kaunting pagkakamali lang nila, katakut-takot na pagtataray na ang inaabot nila. Taimtim naman nilang tinatanggap ang pagpuputakti ng mga masasakit na salita.

Walang mga janitor sa school? Masisikmura kaya nating linisin ang kubentang nanlilimahid sa ihi at kung ano pa man? Magagawa kaya nating pumasok sa isang banyong nakakahilo na ang baho? Kasi naman, kadalasan, iniirapan lang natin sila.

Walang driver ng mga jeep at bus, at mga kunduktor? Paano kaya tayo papasok sa pamantasan o kaya sa trabaho? Kakayanin kaya nating maglakad? Hindi naman kasi lahat sila, mga barumbado't bastos, pero kadalasan, lahat sila'y natatrato bilang mga bastardong wala nang alam gawin kung hindi magtaas ng singil ng pamasahe at magreklamo tuwing bababa ang minimum o may magbabayad ng student.

Wala na ang mga kasambahay natin sa bahay? Kaya kaya nating maglaba, maglinis, mamalantsa, magluto, at gumising nang maaga? Wala, kadalasan sila'y nababale-wala lang dahil sila'y "katulong" lang naman. Sino ba sila sa buhay natin?

Nakasalamuha ko na sila. Nakinig sa kuwento nila sa buhay. Pinakinggan ko kung gaano na sila nahihirapan sa buhay, pero kahit gipit, nagagawa pa rin nilang tumawa at maging masaya.

At yun ang mahalaga.


Kina Ate Lulay at Ate Rosie, ang aming labandera at plantsadora. Ang galing at ang bilis nilang maglaba at mamalantsa.

Sa mga Kuya ng Halrey, ang nangongolekta ng basura sa aming subdivision. Hindi niyo lang alam, hindi lang basta-basta ang inyong trabaho.

Kay Kuya Ronnie, ang aming jeep driver noong may Tulong Dunong pa kami sa High School. Ang bait ni Kuya Ronnie tuwing maaabutan ko siya sa biyahe.

Kina Ate Aileen, Ate Brenda, Ate Emer, Kuya Tonton, at Kuya Tyrone, ang mga dakilang cashier, bagger, at merchandiser sa Robinsons Supermarket Marikina kung saan ako'y nagtrabaho nang tatlong Sabado. Ang babait nila at hindi nila ako pinabayaang mabagot habang kasama ko sila. Salamat sa mga pabaon niyong kuwento, at sana'y masayang-masaya kayo ngayong pasko dahil iyon lang ang nararapat para sa inyo.

Kina Ate Mhel, Ate Sarah, Ate Myles, Kuya Macky, Kuya Wil, Kuya Son, Kuya Loyd, Kuya Rey,
Kuya Abel, Kuya Joel, at Kuya Jhun, mga staff at mga supervisor sa Timezone sa Gateway. Salamat sa inyong lahat kasi pinananatili niyong Timezone ang Timezone sa Gateway, ang aking takbuhan para makatakas ng sandali sa buhay. Kayang kaya nila ang magkasunod na shift at maging masiyahin pa rin kapag nakakausap ko sila.


Maligayang pasko sa inyong lahat.

No comments: