Wednesday, June 4, 2008

Parehong Daan, Magkaibang Paraan

Minsan iniisip ko na mag byahe sa bus....
kung nagpa plano man...
madalas iniisip ko na umaga o gabi....
Para makita ko kung san ako papunta....
Gabi naman para maramdaman ko yung lamig nang hangin...
Kaya lang parang kulang...
Mas masarap yata pag may katabi...
Mas maganda yata pag may kahak ng kamay....
Lihim na naghaharutan... na kayo lang ang nakaka alam
O magkayakap sa gabi habang umaandar ang sasakyan.....

Di ko nga lang alam kung kaylan...at di ko rin minamadali....

Kung di man abutan.... at wala nang masakyan...baka ibang ruta na lang ang sakyan ko...at dun sa seryosong buhay na ang tatahakin ko...

-jeof2

---

Hindi ko maintindihan ang buhay. Hindi ko rin maintindihan ang tao paminsan-minsan. Tila pareho naman ang hangarin ng bawat isa sa atin, ngunit tila wala ring tunay na nakayayakap sa hangarin minsan nilang minithi at pinangarap.

Bakit hindi kayang magtulungan ng tao?

Kahit na iisa ang tinatahak nating daan patungo sa tunay na kaligayahan, magkakaiba tayo ng paraan para maabot ang rurok ng buhay. Nakangiti ang tadhana sa iyo kung mangyaring madulas ka sa isang yabag mong hindi tiyak, at may sumalo sa iyo't napigil ang masakit na palo ng iyong katawan sa maruming daanang inapakan na ng mga taong hindi mo kilala.

Magiging masaya ka na ba? O hihintayin mong maabot ang dulo ng daang tinatahak mo?

---

Araw-araw sa pagmulat ng ating mga mata, nakasakay na tayo sa isang bus. Ito ang bus ng buhay. Paminsan, nakatayo ka dahil masikip, o kaya'y nakaupo ka sa dalawan o sa tatluhan; sa may bandang bintana, sa may pasilyo, o sa gitna ng dalawang taong hindi mo kilala. Magigising ka na lang na nakasakay sa isang bagong aircon bus na malamig at mabango ang simoy ng buhay, o kaya sa isang ordinary bus na kung saan langhap mo ang lahat ng polusyon ng buhay. Lalapitan ka ng konduktor at sisingilin ka ng iyong pamasahe. Itatago mo ang tiket, at sisimulan ang pagmamasid sa mga kapwa pasahero. Tulog ang ilan. Ang iba naman ay kausap ang kanilang mga kasama. Nanonood ng pelikula ni Judy Ann at ni Ryan ang karamihan, miski na ang gusto nilang panoorin ay si Jolina at si Marvin.

Pero lahat sila ay walang pakialam sa iyo at sa iyong ginagawa. Gagawin mo ito hanggang makarating ka sa iyong pupuntahan sa araw na iyon. Bababa ka sa bus habang iniisip ang mga nagdaan sa aircon bus na malamig at mabango ang simoy ng buhay, o ang lumang ordinary bus kung saan langhap mo ang lahat ng polusyon ng buhay. Titingin ka sa iyong kanan at titiyakin na walang sasagasa sa iyo, at ipipikit ang iyong mga mata dahil ikaw ay inaantok na.

Hihiga ka sa iyong kama at iisipin kung may kabuluhan nga ba ang pagmasid at pagtitig sa mga kapwa pasahero mong natutulog, nag-uusap, at nanonood ng Kasal, Kasali, Kasalo. Ihehele mo sa iyong sarili ang iyong pag-iisa at mga tanong na hindi mo masagot hanggang sa makatulog ka at panaginipan ang iyong mga gusto sanang mangyari sa loob ng bus na iyon.

Magigising ka sa tunog ng iyong alarm clock. Bago mo pa man maayos ang iyong kama, nakasakay ka na ulit sa bus, katulad pero tila kaiba sa sinakyan mo kahapon.

Ano nang gagawin mo ngayon?

No comments: