Tulad ng lahat ng bisita ko sa Gateway, lagi muna akong nagpupunta sa Timezone sa ibaba dahil kaunti lang ang tao doon. Doon, nakita ko ang isang staff ng Timezone na kinukulit ng isang batang paslit.
Ate, ate, swipe mo ako doon! Bilis!
Nakakatuwang panoorin ang batang iyon habang kinukulit ang babaeng staff. Ang kulitan nila ay nauwi rin sa pag-swipe ni Ate ng kanyang Staff Powercard sa ipinipilit noong batang maliit.
Naku bata ka, mawawalan ako ng trabaho sa iyo eh! Napahagikgik si Ate.
Matapos puntahan ang mga nagpaload, napadaan si Ate sa harap ko.
Kapatid mo? Sabay turo sa batang naglalaro ng skateboard.
Ay naku, hindi ano! Napapalo si Ate sa aking braso sa tawa.
Doon nagsimula ang aming pagkakaibigan ni Ate Myles. Simula noon, hindi ko pinalampas ang kahit na isang punta ko sa Gateway nang hindi ko siya nakakausap. Kung anu-ano ang pinag-usapan namin ni Ate Myles. Mula sa batang iyon na lagi siyang kinukulit, yung crush niyang nanakawan ng limang libo dahil aanga-anga, trabaho niya, pati na rin sa buhay pag-ibig ko. Siya kasi eh. Nakita niyang medyo malungkot ako, at miski itinanggi ko, hindi siya natinag sa kanyang nakita. Sinabi ko kay Ate Myles dahil nakita na rin naman niya, at medyo nalulungkot talaga ako noong mga panahong iyon.
Ay, talaga? Ganun ka?
Nakakatuwang kausap si Ate Myles. Lagi kasi siyang nakangiti miski alam mong pagod na siya sa trabaho niya maghapon. Tuwing kakausapin ko siya, hindi mawawala sa kanyang mukha ang ngiti. Tuwing may aasikasuhin siyang customer, para bagang lagi siyang puno ng sigla at saya. Tuwing pupunta ako sa Timezone sa Gateway, hinahanap ko palagi ang isang maliit na babaeng laging nakatali ang buhok na halos hanggang baywang, malalim ang mata, matinis ang boses, at laging nakangiti o tumatawa.
Yan si Ate Myles.
Nakalulungkot na hindi ako nakapagpaalam ng mabuti sa kanya kahapon. Nagkagulu-gulo kasi ang hindi ko ba alam kung ano. Nagkabulutong siya kaya nawala siya sa Gateway ng halos isang linggo. Noong Martes, nakita ko siya sa harap ng counter, nakatayo, at nakangiti.
Ang tagal mong nawala! Anong nangyari sa iyo? Bulutong!
Ikaw ha, nakikitsismis ka na rin!
Napatawa kami ng husto. Nalaman kong may bulutong si Ate Myles kay Kuya Jhun, at dahil isang linggo na rin siyang wala.
Dahil sasandaling panahon ko na lang makikita si Ate Myles, nagpunta akong Timezone kahapon, miski na hindi talaga ako pumupuntang Timezone tuwing Miyerkules. Sabi ni Ate Myles sa akin, last day na raw niya ngayong Huwebes, at opening shift pa siya. Nagkuwentuhan din kami tungkol sa kanyang bulutong at sa kagustuhan niyang bigyan ako nito, sa bulutong ko noong bata pa ako, kung saan siya nakatira, hanggang sa mga weekender at ang pagtatrabaho sa Timezone.
Kaya kanina, nagmadali akong pumunta ng Timezone dahil last day na ni Ate Myles. Pagdating ko doon, hindi ko siya nakita.
Kuya, andyan pa ba si Ate Myles? O nag-out na?
Ano sir, kahapon pa po siya natigil.
Ha?! Akala ko ngayon ang last day niya?
Hindi ko alam kung anong nangyari. Nalungkot ako dahil nangako ako kay Ate Myles na hahabulin kong makarating sa Timezone kanina bago mag-6:30ng. Nalungkot ako dahil hindi ako nakapagpaalam sa kanya ng maayos.
Nagpaikut-ikot ako sa Timezone habang iniisip kung ano nang nangyari kay Ate Myles. Hindi ko na alam kung saan siya magtatrabaho. Ni hindi ko na alam kung magkikita pa kami ulit kahit kailan. Napatitig ako sa dumidilim na kalangitan sa labas. Nakiusap ako sa langit na iyon na sana, ipadala kay Ate Myles ang aking pasasalamat dahil talagang naging masaya ako sa Timezone tuwing nakakausap ko siya. Paglingon ko, nakita ko si Kuya Jhun, nakatayo. Tumango siya sa akin noong nakita niya ako. Ngumiti ako, at nilapitan siya.
Kuya, kahapon pala ang last day ni Ate Myles...
Ha? Kahapon ba? Off kasi ni Kuya kahapon, sa aking pagkakaalam.
Nagmadali nga ako ngayon kasi ang sabi niya, ngayon daw ang last day niya eh.
Umalis sandali si Kuya dahil may kailangan siyang gawin. Bumalik naman siya agad.
Akala ko sa katapusan pa?
Yun din ang akala ko e. Pero kahapon daw ang last day niya, sabi ni Kuya doon.
Hay. Naman talaga.
Ate Myles, mamimiss kita. Ingat ka lagi ha. At kung saan ka man magtatrabaho, sana hindi mabago ang ugali mong nakakapagpagaan ng loob. Miski na hindi tayo naging talagang magkalapit na magkaibigan, isa ka sa mga taong hinding-hindi ko malilimutan kahit kailan. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na nagpakilala ako sayo at nakipagkamay. Hindi ko malilimutan ang sabay nating pagsigaw ng Aaaaaaaa! noong tayo ay nagkakilala sa pangalan.
Ingat ka lagi.