Noong natapos ang duty namin sa Robinsons noong nakaraang Sabado, sinabi ko sa sarili ko na sana, maging bagger ako sa susunod na Sabado. Bukod sa nakakapagod, nakakahilo at nakakainis din ang maghanap ng mga stray item sa mistulang walang katapusang mga hilera ng paninda. Nakakahilong hanapin ang tamang lugar ng isang mumunting chichirya sa daan-daang pang ibang chichirya na halos magkakapareho ang itsura ng wrapper. Nakakaantok na hindi tingnan nang tingnan ang mga makikintab na disenyo sa mga wrapper. Nakakainis makakita ng cotton buds sa mga de lata, at limang piraso ng Kit-Kat sa mga inuming nakabote. Nakakairita rin ang mga customer na mahuhuli mong inilalagay ang isang item kung saan-saan lang lalagyan. Kung pwede lang sana, binigyan ko na ng Spinning Heel Drop yung masungit na babae na basta-basta na lang iniwan ang napkin sa mga mantika; Megawatt Uppercut yung batang hinalughog ang buong shelf ng Oishi dahil naghahanap ng Cubee, eh Monde yun at wala ito sa mga chichirya dahil classified ito bilang isang wafer; at isang lumalagitik na Piercing Thorn Fortissimo yung machong lalaki na iniwan ang isang galong mineral water sa may asukal. Eh paano kung matapon yun dun? Masasayang ang pinaghirapan naming ayusin nina Kuya Tyrone.
Kaya pagpasok ko kanina sa selling area, dali-dali akong nagpunta sa mga Cashier. Nilapitan ko ang tahimik na babae na nasa likod ng point of sales system sa lane one. Hindi siya mukhang masungit, kaya kinausap ko siya nang walang pagdadalawang isip.
Ate, kailangan mo po ng bagger?
Express lane ito eh, wala masyadong iba-bag. Pero okay lang.
Mabait si Ate Brenda. Mahinahon niya akong tinuruan at tinulungang mag-bag ng mga binibili ng mga customer. Itinuro niya sa akin kung nasaan ang extra extra small, extra small, small, medium, at large grocery bags (na biodegradable daw, ayon sa nakasulat dito). Sinabihan niya rin ako na lagyan ko ng karton ang bag kapag maraming de lata o bote ang customer. Tinulungan niya akong ihiwalay ang mga sabon at toiletries sa mga food at non-food items. Siya na ang nagbabalot ng mga karne at iba pang mga item na nanggaling sa fresh section ng grocery. Sa mga panahong wala kaming ginagawa, kinakausap at nakakausap ko naman siya. Baguhan pa lang si Ate sa Robinsons bilang cashier. Wala pa raw siyang isang buwang nagtatrabaho doon. Kung anu-ano rin ang pinag-usapan namin: mula sa mga nagsasalita sa PA system hanggang sa mga policy nila doon sa Robinsons. Inalalayan ko ang mga tanong ko dahil tila nahihiya pa si Ate. Ako rin, kung tutuusin, medyo nahihiya pa.
Ate, ang bagal ng oras, ano?
Oo. Madalang kasi ang customer tuwing hapon. Mainit kasi, at tinatamad lumabas ng bahay. Usually yan, mga gabi dumadami ang customer.
Lalo na kung Linggo no, Ate?
Oo.
Ano yun, yung pila, sobrang haba? O hindi naman?
Hindi naman. Mga limang customer na naghihintay, yung tipong ganun ba. Ngayon kasi, madalang ang customer. Hapon kasi, at baka wala pa silang pera.
Nakakatuwang kausapin si Ate Brenda. Yung mga sandaling wala kaming ginagawa at tila napabagal umusad ng oras, napabilis niya dahil sa pakikipag-usap niya sa akin.
Makalipas ang isang oras, may isang parada ng mga babae na may suot na Santa Hat at may dala-dalang mga bakal na kahon ang dumaan sa aming harapan. Isa-isa silang lumabas ng selling area, at nagpuntahan sa mga cashier. Lunch break na raw nina Ate Brenda na opening shift. Papalit muna sa kanila ang mga kakapasok pa lang na closing shift. Iniligpit ni Ate Brenda ang pera sa drawer ng kanyang cash register, at inilagay sa kanyang bakal na kahon. Matapos noon, nagpaalam siya sa akin at umalis na.
Ang pumalit sa kanya ay si Ate Aileen. Mabait din siya, at mas maingay kaysa kay Ate Brenda. Sa pakikipag-usap sa kanya, nalaman kong 25 years old na si Ate, at tulad ni Ate Brenda, wala pang isang buwan sa kontrata nilang limang buwan doon sa Robinsons. Tinuro rin sa akin ni Ate Aileen ang mga boss, boss ng boss, at ang boss ng lahat doon. Sinabi rin niya sa akin na may pamangkin siyang nag-aaral din sa Ateneo. Basta, nakakatuwa ring kausapin si Ate Aileen.
Matapos ang mabagal na pag-usad ng oras dahil wala kaming ginagawa ni Ate Aileen, bumalik na mula sa kanilang lunch break si Ate Brenda.
Lunch break na namin! O di ba, kakapasok pa lang namin, lunch break na agad? Ikaw, hindi ka ba magbe-break?
Hindi na ate, 20 minutes lang kasi ang break namin, eh.
Ay, talaga? Ang ikli naman. Wala ka ngang magagawa sa 20 minutes. Ang sikip sikip kasi ng canteen namin eh.
At matapos ang isa pang oras, bumalik na sina Ate Aileen mula sa lunch break nila. Coffee break naman ng opening shift. At matapos noon, coffee break na nang closing shift. Sa aming pag-uusap nina Ate Brenda at Ate Aileen, hindi nila gusto ang ganoong pagsasalitan nilang mga kahera. Sina Ate Brenda kasi, buwal na sa gutom dahil matagal-tagal din bago ang lunch break nila. Habang sina Ate Aileen naman, wala nang break pagkatapos ng kanilang coffee break na iyon. Wala na silang oras para kumain ng hapunan.
Bumalik sina Ate Aileen mula sa kanilang break. Sabi sa akin ni Ate Brenda, magiging bagger muna sila habang nandoon pa sila. Alas-sais kasi ang alis nina Ate Brenda. Noong bumalik sina Ate Aileen, malapit na ring mag-alas-singko noon. Malapit na kaming mag-time out.
O! Malapit na kayong umalis! Makakakain ka na! pabirong winika ni Ate Aileen. Sa totoo lang, umiikot na ang tumbong ko sa gutom. Para bagang kinakain na ng tiyan ko ang sarili nito dahil sa gutom. Nanunuyo na rin ang labi at kumakapal na ang laway ko sa kakasabi ng Thank you po! o kaya Salamat po! sa mga customer namin. Hindi nagtagal, oras na para umalis kami.
Nagpaalam ako kina Ate Brenda at Ate Aileen na may malaking malaking ngiting nakapinta sa aking mukha. Pagud na pagod na ako sa kakatayo; hindi ko na maramdaman ang mga binti ko sa tinagal ng apat na oras nang pagtayong walang pahinga, ngunit nagawa ko pang kumaway ng masayang-masaya kina Ate Brenda at Ate Aileen.
Sa maikling panahong nakasama ko silang dalawa, ang dami kong natutunan. Ang dami kong nakitang kahit kailan ay hindi ko makikita kung hindi nila sa akin ipinakita. Ang dami kong dinanas na kahit kailan ay hindi ko daranasin kung hindi sila ang mga naging kasama ko. Ang dami kong natutunan na bago, na kahit kailan ay hindi ko matututunan kung hindi sila ang nagturo sa akin ng mga bagay na ito. Dahil sa kanila, lalo kong napapansin ang mga maliliit na bagay na nagpapatakbo at nangyayari sa paligid ko. Dahil sa kanila, naging masaya ako, kahit papaano.
Ate Brenda, Ate Aileen, next week ulit.